Lycan XIX: Ang Parusa

5.9K 208 43
                                    

Lycan XIX: Ang Parusa

MAINGAT na nakatingin si Lucien sa mga mata ni Calix habang pilit na tinatantya ang sitwasyon. Base sa mga mata nito ay seryoso itong makausap ang kaniyang lobo, ngunit hindi naman niya iyon mahahayaang mangyari. Samantala, nang maramdaman naman ni Calix ang pagkabahala sa pinapalabas niyang pheromones ay umangat ang kanang bahagi ng labi nito bago ito nagsimulang lumapit sa kaniya. At sa kabila ng kaniyang kabang nararamdaman ay hindi siya umalis sa kaniyang kinapupwestuhan at sa halip ay tahimik at kalkulado lamang niyang pinanood ang paglapit ni Calix sa kaniya.

Batid niyang mas natutuwa ito sa tuwing sinubukan niyang lumayo o lumaban rito, kaya kung ayaw niyang mas masukol niya ito ay mainam na manatili na lamang siya sa kaniyang puwesto. Bahagya namang napakiling pakaliwa ang ulo nito, marahil, sa pagtataka sa kaniyang pananatili at kawalan ng reaksyon. Gayun pa man ay itinuloy pa rin nito ang paglapit nito sa kaniya hanggang sa halos isang dipa na lamang ang layo nila mula sa isa't isa.

"Palabasin mo ang iyong lobo, aking Lucien, nais ko siyang makausap."

Nahigit naman niya ang kaniyang hininga at napasandal sa batong bakod ng bukal na tubig — nang ilagay nito ang mga kamay nito sa magkabilang gilid niya — at ganap siyang maikulong sa pagitan ng katawan nito at ng batong bakod.

"At bakit naman kita susundin? Wala akong nakikitang magandang rason upang makausap mo siya, kamahalan."

Bigla naman itong napangiti ng nakakatakot habang napalunok naman siya.

"Hindi ka pa ba nagtatanda, aking Lucien? Alam naman nating pareho na wala kang magagawa kun'di ang sundin ako."

Agad naman siyang pinalibutan ng matapang nitong pheromones dahilan upang kumuha iyon nang matinding pagtugon mula sa kaniyang marka. Hindi naman nakaligtas kay Calix ang biglang pagpapalit ng pinapakawalang pheromones ni Lucien — mula sa pagkabahala — ay napalitan iyon ng paghahanap at pagkasabik. Hindi niya tuloy maiwasang mapangiti at mapatingin sa markang ibinigay niya sa batang Alpha.

'Dalawang araw na lang.' ang puno ng pagkasabik na saad ni Ceros.

'Dalawang araw na lang' ang pag-uulit naman ni Calix sabay subsob sa leeg ni Lucien at malalim na ninamnam ang halimuyak ng pheromones ni Lucien.

'Hindi na ako makapaghintay na markahan siya't makita ang kaniyang unang heat.' ang nakangisi at hayok pang dagdag ni Ceros.

Napangisi naman si Calix bago niya ginawaran ng isang munting halik ang kaniyang marka sa batang Alpha.

Napaigtad naman si Lucien nang maramdaman ang mga labi ni Calix sa marka nito. At napamura na lang siya sa kaniyang isipan dahil sa mabilis na pagbabago ng reaksyon ng katawan niya sa marka nito sa kaniya — na kung no'ng una ay puno iyon ng pagtanggi at paglaban — ngayon ay tila ba nasasabik na itong matanggap ang pangalawang pagmamarka.

Tama nga ang hinala ni Icien noong muli nilang malaman ang muli nitong pagmamarka sa kanila — na sa pagkakataong iyon ay hindi na nila iyon magagawa pang maitanggi. Iyon rin ang dahilan kung bakit napagpasyahan ni Icien na pansamantalang matulog upang maireserba ang lakas nito at sa kaparehong oras na iyon ay makapag-ipon rin ito ng lakas — lakas na kanilang gagamitin upang paghandaan ang kanilang pagtanggi sa hari. Dahil sa pagsapit ng ika-pitong araw —

Plano nilang hamunin ang binatang hari sa isang duwelo.

Ngunit sa ngayon, kailangan niya munang mailayo ang atensyon ni Calix sa kaniyang lobo. Pero gano'n na lang nangunot ang kaniyang noo nang marinig ang mahina subalit nakakatakot nitong pagtawa.

"Lucien." ang bungad nito.

"Talaga bang ipipilit mo pa ring itago sa akin ang iyong lobo?" ang dagdag pa nito nang wala pa rin siyang ginagawang hakbang upang ipakita ang kaniyang lobo.

Fighting For Dominance (BL Novel/MPREG)Where stories live. Discover now