SIMULA

162K 3.1K 423
                                    

Tale as old as time.

Noon pa man, mahilig na akong magbasa ng mga mala-fairy tale love stories. Ang prinsipe at ang kanyang mahal na prinsesa. Ang malawak na kaharian, magagandang tanawin, ang kanilang pag-iibigan. Ang sarap lang sa pakiramdam kapag alam mong nagmamahalan ang dalawang tao. Na kahit anong mangyari, kahit maraming hadlang sa kanilang dalawa, still, naipaglalalaban nila ang kanilang nararamdaman para sa isa't-isa.

Tawagin niyo na akong hopeless romantic, wala na akong pakialam. Masyado na kasi akong lunod sa mga kuwentong nababasa ko.

I smiled.

Dahan-dahan kong isinara ang huling librong binabasa ngayon at maingat na ibinalik sa pinagkuhaan ko nito kanina. Umayos ako nang pagkakatayo at tiningnan ang sandamakmak na librong nakapalibot sa akin ngayon.

"Belle!" Napalingon ako kay Mrs. Corpuz noong biglang tawagin nito ang pangalan ko. "Nandito ka na naman?" tanong niya at tiningnan ang kamay kong nakahawak pa rin sa librong ibinalik ko. "Hindi ka ba nagsasawa sa kwentong iyan? Aba'y matagal mo nang nababasa iyan, ah."

Si Mrs. Corpuz ang may-ari nitong mini library dito sa bayan namin. Maliit lang ito kumpara sa library na mayroon sa eskuwelahan na pinapasukan ko ngayon pero mas gusto ko na rito na tumambay. Mas tahimik at mas gusto ko ang mga aklat na nandito sa lugar na ito.

"Paborito ko po kasi," sambit ko sa kanya at tuluyan nang naibalik ang librong binabasa kanina. Nginitian ko si Mrs. Corpuz at nagpasya nang magpaalam at para makauwi na ako. Nagpasalamat ako sa kanya at masayang lumabas sa aklatan niya.

Napapikit ako noong sumalubong sa akin ang isang malamig na ihip ng hangin. Ito ang gusto ko sa probinsya namin, presko at hindi polluted ang hangin. Mag-iisang buwan na rin kasi mula noong bumalik kami rito galing sa lungsod. We left the city and lived here for good. Mas okay na siguro ito para sa akin. Mas simpleng pamumuhay, mas pabor sa akin at sa pamilya ko.

Nagsimula na akong maglakad pauwi.

Medyo may kalayuan ang bahay namin mula sa university na pinapasukan ko at sa library ni Mrs. Corpuz. May mga tricycle namang pupuwede kong sakyang pauwi kaso kailangan kong magtipid. Masyadong mahalaga sa akin ang pera ngayon kaya naman kung kaya kong maglakad, gagawin ko. Exercise na rin ito. Maaga pa naman at tiyak kong 'di ako gagabihin sa daan. Tahimik lang akong naglalakad hanggang sa may natanaw akong pamilyar na malaking gate 'di kalayuan sa puwesto ko.

Mayamaya lang ay natigil ako sa paglalakad at napatingin sa mansyong may kalayuan sa kalsadang nilalakaran ko ngayon. Kahit malayo, natatanaw ko ito nang maayos. Kulay puti ang pintura ng kabuuan nito. May dalawang palapag lamang ngunit alam kong malawak ito sa loob. Tanaw ko ang isang fountain sa harapan nito at iilang mga makukulay na bulaklak na nakapalibot dito.

Ang sarap sigurong manirahan sa ganyang klaseng pamamahay. Malaki at mukhang sagana sa yaman ang may-ari ng mansyong ito. Mga ilang metro ang layo nito sa mismong gate nito at sa main road. Sa laki at tayog ng main gate na ito, lalong nagpatanto kong talagang mayaman ang nakatira riyan! Kumpara kasi sa mga bahay sa probinsyang ito, ito ang pinakamalaking nakita ko.

Actually, unang araw ko pa lang dito sa Sta. Barbara, iyang mansyon na talaga ang pumukaw sa atensyon ko. Na-i-imagine ko kasi ang mga malalaking kastilyo mula sa mga nababasang libro. Since nasa modern era na ako, itong mansyon na ito ang tiyak na babagay sa mga imahinasyon ko.

Napangiti na lamang ako at nagpatuloy na sa paglalakad.

Ngunit hindi pa ako nakakalayo ng tuluyan sa gate ng malaking mansyon, agad akong bumalik doon at pumitas ng isang pulang rosas na matagal ko na ring nais makuha. Muli akong napangiti muli at tinanaw ang malaking mansyon. Nagkibit-balikat na lamang ako at tinalikuran na ito.

Mabilis akong umalis sa lugar at muli naglakad pauwi sa bahay namin na may ngiti sa mga labi.

Saving The Beast #Wattys2020Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon