CHAPTER 31- "NIGHTMARE"

28.6K 813 48
                                    

YURI's POV

Isang araw na naman ang napakabilis na lumipas ng wala pa ding nangyayaring maganda sa akin. Mamayang gabi na mangyayari ang kinatatakutan ko. At ang masaklap, wala man lang akong magawang paraan para mapigilan ito.

Kung kaya ko lang sanang makatakas dito. Ilang beses na din akong nagtangkang tumakas kahapon pero wala ding nangyari. Masyado silang mahigpit sa pagbabantay sa akin.

At may natuklasan ako kahapon. Hindi lang pala ako ang bihag nila. Marami kami. Kaya pala hindi na nakakabalik ang ibang swordsmen sa TCA, kasi kinukulong sila dito kapag nahuhuli sila. At ang iba sa kanila, ginagamitan ng dark spell para maging myembro ng Dark Knights.

Ang nakakapagtaka lang ngayon, walang gaanong nagbabantay sa amin. Simula kanina, dalawa pa lang ang nakikita ko at pareho pa silang sa harapan nagbabantay. Magandang pagkakataon sanang tumakas pero lalo nilang dinagdagan ang kadenang nakakabit sa akin.

"Kung hindi ako nagkakamali, nagkita na tayo dati, hindi ba?" bigla akong napatingin sa kaharap kong selda kung saan nanggaling ang boses na iyon. Pamilyar ang boses nya sa akin pero hindi ko maalala. Pinilit ko syang aninagin kahit may kadiliman sa loob ng selda nya. At maya maya pa nga ay nasilayan ko na ang kanyang mukha.

Yung matandang lalaki sa School Festival... Pero bakit sya nandito? Anong kailangan nila kay lolo?

"Lolo! Ikaw nga! Pero bakit ka nandito? Tsaka bakit ngayon mo lang ako kinausap? Ayos ka lang po ba dyan? Sinaktan ka po ba nila?" nag aalala kong tanong sa kanya.

"Hindi ito ang oras para alalahanin mo ako Hija. Ayos lang naman ako. Hindi naman nila ako sinaktan. Mas alalahanin mo ang iyong sarili kaysa sa akin." kahit hindi ko nakikita ng malinaw ang mukha nya, alam kong nagsasabi sya ng totoo. Isang kamay lang nya ang nakita kong nakagapos. Kung ganon, may kabaitan pa din pala kahit paano ang mga Dark Knights.

"Pero bakit po kayo nandito?" tanong ko ulit sa kanya dahil hindi naman nya sinagot ito.

"Hindi ko din alam. Pero marahil kaya ako nandito ay para bigyan ka ng babala. Unang araw mo pa lang dito, gusto na kitang makausap pero lagi kang may bantay. Naaalala mo pa ang sinabi ko sa iyo dati?" bigla akong kinabahan dahil parang alam ko na ang tinutukoy nya. Napatango na lang ako sa kanya dahil ayaw lumabas ng boses ko.

"Mamaya na magaganap ang kamatayan ng taong malapit sa iyo. Napakaswerte mo at may nagmamahal sa iyo ng katulad nya. Handa syang mamatay masiguro lamang ang iyong kaligtasan." pero mamaya balak sumugod ng mga kaibigan ko. Ibig sabihin, isa sa kanila ang mamamatay.

"Sabihin nyo sa akin, sino ba talaga sa kanila?" naiiyak ko nang sabi sa kanya.

"Hindi ko masasabi sa iyo. Hindi mo na mapipigilan pa ang maaaring maganap. Nakatadhana na talaga ang kamatayan nya."

"Sino ka po ba talaga? Paano nyo nalaman lahat ng ito?"

"Malalaman mo din. Kapag tapos na ang unos, ikaw mismo ang lalapit sa akin. At kapag dumating ang araw na iyon, lahat ng iyong katanungan ay bibigyan ko ng kasagutan."

Magtatanong pa sana ako sa kanya ng bigla na lang dumating si Zed at huminto sa tapat ng selda ko.

"Ano na namang kailangan mo sa akin?" asik ko sa kanya.

"Wala lang. Gusto lang kitang makita. Malay mo, ito na pala ang huling beses na makikita kita." sinabayan nya ito ng nakakatakot nyang tawa. Pero hindi ako magpapasindak sa kanya.

"Talagang ito na ang huli dahil sa oras na makawala ako dito, sisiguraduhin kong buburahin kita sa mundo! Pagbabayaran mo lahat ng kasalanan mo sa akin!" tila naman napikon na naman sya sa akin at nagmamadali syang pumasok sa selda ko. Nang makalapit sya sa akin ay agad nya akong hinawakan sa leeg at mariing itinulak sa pader.

TRUE CROSS ACADEMY (SCHOOL OF MAGIC)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon