CHAPTER TWO - SILVER

18.9K 480 80
                                    

"Art helps us see connections, and brings a more coherent meaning to our world." - Ernest Boyer

Kay's POV

            Malayo pa lang ay kita ko na ang mga tambay na tsismosa sa tindahan malapit sa bahay namin. Tumingin ako sa paligid at nakita kong nakatingin sa akin ang ilang kapitbahay. Ang mga naka-umpok na mga babae sa tapat ng tindahan ni Aling Yosing. Alam ko na ang mga tingin na iyon. Sigurado akong ako o ang pamilya na namin ang usapan nila.

            "Nagwala na naman si Atang kanina. Paano wala na namang pera. Natalo sa mahjong kahapon."

            Alam kong nagbubulungan lang sila para hindi ko marinig ang kanilang usapan. Pero ang bulungan naman nila, parang nasa kabilang kanto ang kausap kaya rinig na rinig ko pa rin.

            "Napaka-martir niyang si Kaydence 'no? Kahit na anong ginagawa ni Atang sa kanya, nagtitiyaga pa din sa mga 'yan. Kung ako 'yan, lalayasan ko na ang pamilyang 'yan."

            Pinanatili kong nakataas ang noo ko kahit na nga nakakaramdam ako ng paninikip ng lalamunan. Hindi naman nila alam ang nangyayari sa amin sa loob ng bahay. Hindi nila alam na nagsasakripisyo din ang asawa ko para sa pamilya namin.

            "Eh, kasi naman, si Jeremy na lang ang inaasahan ni Atang na maghahango sa kanya sa kahirapan. Akalain mong nambuntis naman agad pagka-graduate. Kahit naman ako, magagalit din ako noon. Ang mga anak, kaya pinag-aaral para kapag nakatapos, makatulong sa magulang. Hindi 'yung ganyan. Parang mga walang utang na loob. Pagkatapos pag-aralin kalandian ang aatupagin."

            "Nandiyan pa naman si Jerika. Iyon ang isa pang inaasahan ni Atang." Hindi ko na nakilala ang nagsabi noon.

            "Ilang taon pa ang hihintayin ni Atang bago makatulong iyon. At kahit nasa kolehiyo na mukhang pag-aasawa din ang bagsak. Nakita mo naman ang kaartehan ng batang iyon. Kaya ayan, si Kaydence ang nagsasakrispisyo ng lahat. Tingnan 'nyo nga ang itsura. Mukha ng hindi naliligo. Aba, maganda ang batang 'yan dati."

            Napahinga ako ng malalim. Binilisan ko na ang paglalakad dahil ayoko nang marinig pa ang mga pinagtsi-tsimisan nila.

            "Ikaw ba naman ang magtrabaho para sa lahat, hindi ba magiging ganyan ang itsura mo?" Narinig pa niyang nagtawanan ang mga ito. "Ang sabi pa ni Atang, gusto na talaga niyang maghiwalay 'yan at si Jeremy. Wala daw kasing kuwentang manugang ang babaeng iyan."

            Mabilis kong pinahid ang mga luha habang pumapasok sa maliit na gate. Pinilit kong inayos ang sarili ko at pinilit na ngumiti bago pumasok sa loob ng bahay. Naabutan kong nakahiga sa sofa si Jeremy. Tulog. Sa tabi nito, naroon ang crutches na gamit para makalakad. Ang mga gamot na iniinom ay nakakalat sa lamesita sa harap nito.

            Iginala ko ang tingin sa buong paligid. Lalo yata akong nadi-depress. Pagod na ako sa trabaho, pagdating ko dito, kailangan ko pang maglinis. Pagkababa ko ng bag ko ay inisa-isa kong damputin ang mga pinagkainan at inilagay sa lababo. Ang mga naiwang hugasin kaninang umaga ay naroon pa. Iniipis na nga. Hinugasan ko ang mga iyon. Tiningnan ko ang rice cooker, walang kanin. Wala ding ulam. Ubos na. Napahinga ako ng malalim at tiningnan si Jeremy tapos ay tinapunan ng tingin ang relo. Pasado alas-nuebe na. Sigurado naman na nakakain na sila dahil dito rin kumakain ang nanay niya at kapatid at ako na pagod sa trabaho, mamumuroblema pa ako sa pang-hapunan ko.

            Binuksan ko ang cupboard at nakakita ako ng isang cup noodles. Nag-iisa. Parang inilaan na lang para sa akin. Mabuti naman at naisipan pa nila akong tirahan. Binuksan ko at itinapat sa thermos. Pagpindot ko ay walang lumabas na tubig. Mahina akong napamura. Pati ba naman mainit na tubig wala din?

Withered Hues (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon