CHAPTER TWENTY TWO - CERISE

11.9K 452 105
                                    

"The enemy of art is the absence of limitations." - Orson Welles

------------------

Kay's POV

            Napaangat ang kilay ko dahil kaiba sa mga nagdaang araw, maagang umuwi si Jeremy ng araw na ito. Nag-overtime na nga ako sa trabaho dahil sigurado naman akong gagabihin siya pero pagdating ko ng bandang alas-otso, amoy ko na ang mabangong luto ng ulam. Napangiti ako. Amoy kare-kare.

            Nagmamadali akong pumasok sa loob ng bahay at nakita ko nga na nakapatong sa sala ang mga gamit ni Jeremy. Naroon din ang ilang mga papel na madalas nitong dala pag-uwi pero wala siya doon. Sumilip ako sa kusina at nakita kong nandoon siya. Naghahanda ng mesa.

            Binitiwan ko ang bag ko at dahan-dahang lumapit sa kusina.

            "Jer?" Alanganin ang tawag ko. Kasi talaga nitong mga nakakaraang-araw halata kong iritable siya na kausap ako.

            Agad na nagliwanag ang mukha niya ng makita ako. Mabilis na binitiwan ang mga plato sa mesa at kinuha ang kamay ko para paupuin ako sa harap ng hapag.

            "Hindi ko ito niluto. Binili ko lang sa Max's pero ininit saka dinagdagan ng mga konting rekado," sabi niya at abala sa paglalagay ng mga pagkain sa mesa.

            "Parang ang dami naman." Puna ko. Mayroon pa kasing pansit. May dessert pang cake.

            Parang nagtampo ang mukha ni Jer na tumingin sa akin tapos ay umupo sa harap ko.

            "Nakalimutan mo."

            "Ang alin?" Hindi ko talaga alam kung bakit may pa-ganito siya.

            "Anniversary ng pagkakakilala natin ngayon. Nakalimutan mo na? 'Yung nakipagkilala ako sa gate ng university. Bigla kitang hinalikan kasi akala ko ikaw 'yung girlfriend ko noon? Sinampal mo pa nga ako." Hinimas pa ni Jeremy ang kanang pisngi.

            Natawa ako ng maalala ko ang sinabi niya.

            "Grabe naalala mo pa iyon." Kasi hindi ko na talaga maalala iyon. Siguro sa dami ng mga iniintindi ko sa buhay ang mga pangyayari noon ay ibinaon ko na sa limot.

            "Hindi ko naman kakalimutan iyon. Iyon ang pinakamahalagang araw sa buhay ko kasi nakilala kita." Naramdaman kong hinawakan ni Jeremy ang kamay ko at hindi ko napigil ang pamumuo ng luha sa mata ko. Tapos ay tuluyan akong napayuko at hindi ko na napigil ang mga luha ko.

            "Bakit ka umiiyak?" Iniangat ni Jeremy ang mukha ko at tiningnan iyon. Pilit kong iniiwas ang mukha ko para hindi niya makita ang mga luha ko. Mabilis kong pinahid iyon.

            Inilapit ni Jeremy ang silya niya sa silya ko tapos ay hinawakan ang kamay ko at hinalikan iyon. Maya-maya ay niyakap niya ako ng mahigpit. Doon na ako umiyak ng umiyak. 'Yung ilang araw na sama ng loob dahil sa silent treatment at silent war naming dalawa na hindi ko naman alam ang dahilan.

            "Pasensiya ka na nitong mga nakakaraang araw. Nalilito lang ako. Maraming-marami ang tumatakbo sa isip ko kaya pati ikaw nadamay. Wala kang kasalan, Kay. Kung meron mang dapat sisisihin, ako iyon." Bahagyang nanginig ang boses ni Jeremy.

            Lalo akong nagsiksik kay Jeremy at umiyak ng umiyak.

            "Sorry talaga, Kay. Sorry sa nagawa ko. Kung maibabalik ko lang hinding-hindi ko gagawin iyon. Mahal na mahal kita." Ngayon ay umiiyak na rin si Jeremy.

Withered Hues (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon