MGA MANDIRIGMA SA KASALUKUYANG PANAHON

631 25 10
                                    

Para sa inyong lahat ang special chapter na ito.

Batid ko na inyong tinatangkilik ang aking mga akda na may kinalaman sa kasaysayan at digmaan. Noong pangalawang digmaang pandaigdig ay mga mananakop na bansa ang nagsilbing kaaway ng ating bansa kung saan ay harapan man o hindi ay kilala natin ang ating kalaban.

Labis na nasalanta noon ang mga bansang apektado nito at isa na ang ating bansa. Bata, matanda, ama,ina, kapatid at sinumang miyembro ng pamilya ay maaring mamatay sa isang iglap lamang dulot ng digmaan. Maraming mga Pilipino ang lumikas mula sa mga siyudad, lalawigan, at bayan at tuluyang nagtago sa mga mananakop.

Ang ating bansa ay buong tapang na ipinagtanggol ng mga sundalong Pilipino at kaanib na bansa laban sa mananakop. Mga doktor at nars naman ang nagsilbi sa ating hukbo para sila ay mailigtas sa bingit ng kamatayan kung saan marami ding tulad nila ang nagbuwis ng buhay para sa ating kalayaan. Ngunit tayo ay naigupo ng mananakop at tuluyang nasakop. Milyong Pilipino ang pumanaw noong digmaan, maraming mga ina,ama, kapatid,anak ang hindi na nakabalik sa pamilya at tuluyan ng nilimot ng nagdaang panahon.

Sa nagdaang mga araw batid ko na tayong lahat ay nasa isang sitwasyong hindi nalalayo sa pangalawang digmaang pandaigdig noon. Kung noon ay ating nakikita kung sino kalaban, sa ngayon ay hindi. Hindi natin alam kung kelan at kung saan tayo ay patraydor na aatakihin ng kalaban.

Sa panahong ito ay isang sakit na wala pang nakikitang magiging mas epektibong lunas ang ating kalaban kaya ang ating mga otoridad ay paulit-ulit na nagpapaalala para hindi tayo maigupo ng kalabang traydor na sakit.

Hindi rin matatawaran ang tapang na ipinapakita ng ating mga MANDIRIGMA ng makabagong panahon ang kanilang ipinapakitang pag-aalaga sa atin. Mga doktor, nurse, mga sundalo, at iba pang mga FRONTLINERS na patuloy na naglilingkod para sa ating lahat. Saludo ako sa inyo na sa kabila ng banta ng sakit ay patuloy ninyo kaming inaalagan at aming nabibili ang aming mga pangunahing pangangailangan sa araw-araw. Salamat sa mga patuloy na nagbibigay tulong sa mga mamamayang labis na nangangailangan ng pagkalinga sa panahong ito ng krisis.

Araw-araw tuwing manonood ako ng balita o makikinig sa radyo ay umaasa akong hindi na nadadagdagan ang mga PUI,PUM, POSITIVE at DEATH. Ngunit ang nakapanlulumo ay unti-unti itong nadadagdan bagamat may mga gumagaling.

Dalawang linggo na halos na ang mga mamamayan ay pinaalalahanang manatili lamang sa mga kanikang mga tahanan. Ngunit sadyang may mga matitigas ang ulo at ito ay sumusuway sa mga otoridad. Hindi po para sa ating sarili lamang ang nais ng mga otoridad kundi para sa buong mamamayan. Sumunod na lamang po tayo dahil para naman Ito sa kabutihan ng lahat.

Kung noong pangalawang digmaang pandaigdig ay maraming hindi na nakapiling ang pamilya sa ngayon ay nakakalungkot isiping hindi mo makakasama ang mga mahal mo sa buhay sa oras ng pakikipaglaban sa sakit at kung tuluyang ikaw ay maigupo nito ay ibayong pait at lungkot saiyo at sa iyong mga mahal sa buhay dahil kahit sa huli ay hindi mo sila makakasama.

Panginoon.......sana matapos na ang digmaang ito at tuluyan ng mapuksa ang kalaban. Dahil sa tuwing dumudungaw ako ng bintana sa gabi ang kalsadang dati ay masigla ay biglang nabalot ng katahimikan. Walang mga sasakyan, mga naglalakad at mga batang naglalaro at isang pakiramdam ang hindi ko mawari ang aking nararamdaman,  pangamba, takot at kalungkutan. Sana bumalik na sa normal ang lahat at kaakibat nito ang ating natutunan sa gitna ng digmaan.

#wehealasone
#stayathomestaysafe


03282020
----------------------------------------------------------------------------------------------

In Another Place and Time ( THE UNTOLD )Nơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ