Chapter 7

148 17 7
                                    

May nagbago.

Iyan ang alam ko.

Iyan ang napapansin ko.

Napakatanga ko nang inisip ko na magiging kagaya pa rin ng dati ang lahat pagkatapos niyang bumalik. Mali ako nang isipin ko na kapag nandito na ulit siya ay mabubuo na ulit ang araw ko, magiging masaya at ngingiti ng palihim kahit na nang-aasar siya.

Ang inaasahan ko ay muli siyang didikit sa akin, pupunuin ako ng mga pang-aasar, tatawagin akong binibini, pipilitin akong mag-aral ng mabuti, ihahatid ako pauwi, sasabayan sa pagpasok at sasabihin na gusto pa rin niya ako kagaya ng huling sinabi niya sa akin noon bago siya umalis.

Ang akala ko pagbalik niya, maiituloy na namin ang naudlot naming kwento.

Pero mali ako.

"I-Ibarra." hinarangan ko ang dinaraanan nila isang hapon nang mag-uwian na. Takang bumaling sa akin si Kate dahil sa ginawa ko. Pangalawang araw na ito, pero hanggang ngayon ay wala pa rin. "P-pwede ba tayong mag-usap?" kabadong anas ko habang nakatingin sa mata niya.

Nakita ko ang pagtagilid ng ulo niya na para bang sinusuri ako. Bahagyang kumunot ang noo niya sabay iwas ng tingin sa akin at saka bumaling sa katabi niya.

"Ihahatid ko pa si Kate sa kanila, hindi siya pwedeng gabihin." tanging sagot niya sa akin.

Na kaparehong sagot na itinugon niya rin kahapon nang magtangka akong kausapin siya.

Gusto kong itanong sa kaniya kung paano ako? Sino ang maghahatid sa akin? Alam ko namang kaya kong umuwi ng mag-isa. Pero hindi ba niya ako pwedeng samahan kagaya noong dati? Hindi ba siya nag-alala na baka may mangyaring masama sa akin habang pauwi ako?

Bigla kong hiniling na sana hindi na lang ako nagbago. Kasi dati kayang-kaya kong sumabak sa isang relasyon ng hindi nasasaktan kasi hindi naman ako nagseseryoso. Pero ngayon, wala pa ngang kami pero nasasaktan na ako sa lamig ng pagtrato niya sa akin.

Bakit ganoon? Hindi ko naman ugaling maghabol dati? Hindi ko pa nasusubukang maging ganito dati sa isang lalaki, iyong magpapansin at humingi ng atensyon mula sa kaniya. Hindi ko iyon tinangkang gawin kahit kailan. Pero ngayon, unti-unti na namang nababali ang mga pananaw ko sa buhay.

"S-saglit lang naman eh. Kung gusto mo ako na lang ang maghahatid kay Kate sa kanila para hindi ka na maabala." suhesyon ko. Nakita ko naman ang mabilis na pagbaling sa kaniya ni Kate. Nagkatinginan silang dalawa. Hindi ko maintindihan ang kirot na dumaloy sa sistema ko sa saglit na pagtitinginan nilang iyon. May pagkakaintindihan sila. May sarili silang pagkakaunawaan.

"Ysabella, ano ba iyong sasabihin mo? Kahit ngayon mo na sabihin para hindi aksaya sa oras." saad ni Kate habang nakatingin sa akin. Walang halong kaplastikan o kasarkastikuhan ang tono niya pero hindi iyon naging maganda sa pandinig ko.

"Hindi ka ba susunduin ni Papa?"

Umiling siya sa akin. "Alam niyang ihahatid ako ni Ibarra."

Umiwas ako ng tingin at hindi ipinakita ang pagtatangis ng bagang ko. Muli akong bumaling kay Ibarra at naabutan siya na nakatingin lamang sa akin at walang halong emosyon ang mata.

Ayaw kong isipin na unti-unting pinapalitan ni Kate ang lugar ko dahil una pa lang, wala naman talaga akong lugar sa kaniya. Wala kaming malinaw na ugnayan sa isa't-isa.

Huminga ako ng malalim at pilit na itinago ang paninikip ng dibdib ko.

"K-kayo na bang dalawa?" tanong ko. Hindi ko ito naisip noong una dahil alam ko naman na imposible. Hindi sila bagay. Gusto ko lang talagang klaruhin mula sa kanila.

I Like HimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon