Chapter 15

143 15 16
                                    

Makalipas ang tatlong araw, na-discharged na rin si Lola sa ospital. Si Papa ang sumagot sa lahat ng gastuhin nito na siyang labis kong ikinahihiya. Ilang beses kong tinawagan si Mama pero hindi siya sumasagot. Ang sabi niya noong nakaraan, uuwi siya para kumustahin si Lola pero hindi niya ginawa.

Hindi ko alam kung anong meron. Kung may binigay sana siyang rason, maiintindihan ko naman pero wala. Kaya imbes na bumalik ang loob ko sa kaniya ay mas lalo pa itong lumayo. Ayos lang sa akin kahit hindi na niya ako kumustahin. Pero sina Pia, ilang buwan na niyang hindi nabibisita.

Hindi ko alam kung masyado lang ba siyang busy sa trabaho o talagang wala lang siyang pakialam sa pamilya niya.

"Hindi ka kakain?" mahinang tanong sa akin ni Sam habang nakaupo kami sa harap ng pabilog na lamesa sa bahay nina Ibarra. Birthday niya ngayong araw, may pasok kanina kaya hapon na kami nakapunta.

Umiling ako at muling iniwas ang tingin sa unahan. "Mamaya na." sa loob ng ilang linggo, parang unti-unti ko na ring nakakasanayang maging ganito. Iyong nagpapanggap na parang walang pakialam sa kaniya para sa ikabubuti ng lahat. Umaakto ako na parang wala lang. Parang tipikal lang kaming magkakakilala. Nakikita ko sa mga tingin niya sa akin na napapansin na niya ang mga ikinikilos ko. Minsan ay sinusubukan niya akong kausapin pero ako ang umiiwas. Wala namang kaso dahil resonable ang sagot ko. Kailangan ko ring umuwi ng maaga palagi dahil baka bigla na namang atakihin si Lola kahit mukhang ayos na ulit siya ngayon.

Umupo si Andres sa tabi ko at inilapag sa harap ko ang pinggan na puno ng pagkain. Nagkatinginan kaming dalawa.

"Kumain ka na." aniya at mas lalong inilapit sa akin ang pinggan. Kita ko naman ang nanunuring tingin sa amin ni Sam. Noong nakaraang araw ay itinanong niya sa akin kung anong namamagitan sa amin ni Andres. Tumawa lang ako at hindi na siya sinagot.

"Ang dami naman nito." pagrereklamo ko. Punong-puno kasi ng pagkain ang pinggan, kahit maghapon ay hindi ko ito kayang ubusin. Kakaunti ang bisita ngayon kumpara dati. Siguro ang iba ay kanina pang umaga dumating.

Bumaling sa akin si Andres at tumaas ang kilay.

"Ibigay mo na lang sa akin kapag hindi mo naubos." sagot niya.

"Salo na lang tayo." pang-aalok ko.

Narinig ko ang sabay-sabay na pagkakasamid ng mga kasamahan namin sa table. Napatingin ako sa kanila at nakita na lahat sila ay inuubo na at hindi makatingin sa amin, maliban na lamang kina Ibarra na nakaupo sa tapat namin ni Andres. Nasa tabi niya si Kate, nag-uusap silang dalawa kanina bago nabaling sa amin ang atensyon.

Humarap sa akin si Andres at tumikhim.

"Ikaw na muna, busog pa ako." masungit na aniya.

Kumunot ang noo ko. "Mamaya na lang din ako." itinulak ko palayo ang pinggan dahil totoo namang hindi pa ako nagugutom.

Pinagkunutan din ako ng noo ni Andres pero iniwas ko na lang sa kaniya ang tingin. Sabay-sabay na nag-iwas ng tingin sa akin sina Miguel nang mapatingin ako sa kanila. Tumaas ang kilay ko.

"Bakit?" takang tanong ko.

Napaubo ulit sila saka dali-daling uminom sa baso ng juice na nasa harap. Ano bang problema nitong mga ito? Bigla-bigla na lamang silang napapaubo.

"May namamagitan na ba sa inyong dalawa?" matapang na tanong ni Gregorio. Napatingin sa kaniya ang lahat. Muli ay sabay na nasamid sina Miguel at Antonio.

Sina Ibarra at Sam naman ay nanatili ang nag-aabang na tingin sa isasagot ko. Nagkatinginan kami ni Andres at sabay ding napatawa. Napailing-iling ako at hindi na lang sumagot.

I Like HimWhere stories live. Discover now