Chapter 34

193 21 8
                                    

Tatlong araw matapos ang burol ni Lola, nagdesisyon si Mama na ipalibing na ang bangkay niya. Wala siyang ibang kinakausap kundi si Tita. Maging ako ay hindi niya pinapansin, wala na ulit siyang sinabi sa akin pagkatapos ng gabing iyon. Pero base sa mga tingin niya sa akin, masasabi ko na ako pa rin ang sinisisi niya sa nangyari.

Naiintindihan ko si Mama kaya hindi ko nagawang magalit, kailangan lang niya ng mapagtutuunan ng sisi at sama ng loob para gumaan ang pakiramdam niya sa pagkawala ni Lola. Kaya kahit sobrang nasasaktan din ako, hindi na ako nagsalita pa.

Pinili kong tahimik na umiyak sa loob ng kwarto tuwing gabi imbes na ipakita sa lahat kung gaano ako kahina ngayon. Pakiramdam ko, kalahati ng pagkatao ko ang nakabaon na sa lupa dahil sa pagkawala ni Lola. Wala na akong makakasama, wala na akong kakampi.

"Mauna na kami sa inyo, Bella. Kailangan ko munang sumaglit sa bahay, wala kasing kasama ang mga kapatid ko roon. Pero babalik din naman kaagad ako kapag dumating na si Mama. Basta... pakatatag ka ha? Isipin mo na lang na hindi na kailangan pang mahirapan ngayon ng lola mo. Paniguradong nasa maayos na lagay na siya sa langit." mahinang tinapik ni Sam ang balikat ko. Nasa likod niya sina Miguel na pare-parehas ang tingin na ibinibigay sa akin.

"Sige na, ayos lang ako. Mauna na kayo, dito na muna ako." tipid akong ngumiti sa kanila. Halos lahat ng dumalo sa libing ay nagsisialisan na. Si Mama ay kanina pa iyak nang iyak kaya mas minabuti nina Tita na pauwiin na muna siya. Nauna na rin sa bahay sina Papa dahil may pag-uusapan daw sila.

"Sabihin mo lang kung may kailangan ka. Nandito lang kami palagi." ngumiti ako kay Antonio at gumanti ng yakap sa kaniya. Niyakap din ako nina Miguel at Gregorio bago sila umalis.

Nakita ko ang nananantiyang tingin sa akin ni Andres bago siya lumapit at tumigil sa harap ko. Ngumiti ako at inangat ang tingin sa kaniya.

"Bakit naman ganiyan ka makatingin?" mahina akong tumawa sa kaniya subalit hindi nagbago ang ekspresyon sa mukha niya. "Kaya ko 'to, at huwag mong isipin na may gagawin na naman akong kalokohan. Magpapaalam lang ako ng maayos kay Lola, tapos uuwi na rin kaagad ako." pagpapaliwanag ko kahit wala naman siyang sinasabi.

Sa mga tingin kasi niya sa akin, pakiramdam ko iniisip niya na bigla na lang akong magpapatiwakal dahil sa lungkot.

Imbes na magsalita ay niyakap niya lamang ako. Napapikit ako at gumanti rin ng yakap sa kaniya. Nakita ko si Ibarra ilang metro ang layo at nakatingin sa amin. Kaagad din siyang umiwas ng tingin.

"Sige na!" pagtataboy ko kay Andres. Kita ko ang pag-aalangan sa mukha niya na iwanan ako pero sa huli ay wala na ring nagawa pa. Tumalikod siya sa akin at naglakad paalis. Hindi nakaligtas sa paningin ko ang saglit na tinginan nilang dalawa ni Ibarra.

Umiwas ako ng tingin at humarap sa puntod ni Lola. Sariwang-sariwa pa ito at halatang kahuhukay pa lamang ng lupa. Maaga pa subalit wala ng sikat ng araw sa paligid dahil sa makakapal na ulap sa itaas. Mas lalo lamang nakadagdag iyon sa bigat na nararamdaman ko ngayon.

Maya-maya lamang ay naramdaman ko ang pag-upo ni Ibarra sa tabi ko. Nanatili siyang walang imik subalit ramdam ko ang pagtitig niya sa akin.

"Bakit hindi ka pa sumunod sa kanila?" tanong ko ng hindi sumusulyap sa kaniya. "Gusto kong mapag-isa, Ibarra. Kaya huwag muna ngayon, please. Kung ano mang hindi natin pagkakaunawaan, huwag na muna nating pag-usapan. Ayaw ko muna ng kasama."

Naramdaman ang paggalaw niya at mas lalong lumapit sa akin. Nabigla ako nang kuhain niya ang kamay ko at mahigpit itong hinawakan. Napatingin ako sa kaniya, mariin siyang nakatingin sa akin na parang tinatantiya ang reaksyon ko. Na parang hindi niya narinig ang sinabi ko kanina. Kaagad na nanubig ang gilid ng mga mata ko.

I Like HimWhere stories live. Discover now