Chapter 26

142 17 8
                                    

Lumipas ang mga araw, linggo at buwan na parang wala lang. Hinayaan ko na lang na lumipas ang mga araw at pabilisin ang oras para wala na masyadong mangyari. Nakakapagod na rin ang buhay ko. Puro na lang iyak. Puro na lang inggit. Puro na lang luha.

Kaya simula noong araw na iyon, pinilit ko ang sarili na makuntento sa kung ano lang ang meron ako. May lamat na sa samahan namin ni Papa at pakiramdam ko ay habang-buhay na ang tampo ko sa kaniya.

Dumaan ang birthday ko na parang wala lang, isinabay iyon sa birthday ni Kate at kagaya ng inaasahan, walang pumansin sa akin dahil ang araw na iyon ay orihinal na araw ni Kate. Hinayaan ko na lang dahil wala na rin namang mangyayari kung magrereklamo pa ako. Dumaan ang pasko at bagong taon na parang wala lang. Walang kakaiba.

Pero masyadong malamig. Ramdam ko iyon sa kaibuturan ng dibdib ko.

"Bella? Saan ko ba ilalagay ito? Ikaw na lang mag-decide tutal ikaw naman nag-isip ng theme." bumaba ako sa upuan at itinigil ang paglalagay ng disenyo sa marriage booth saka dinaluhan si Sam.

"Nasaan daw iyong iba pang pang-design?" kinuha ko sa kaniya ang kulay asul na tela at itinali ito sa dapat nitong kalagyan.

"Kinukuha na nina Ibarra. Parating na rin iyon."

Tumango ako at ipinagpatuloy ang ginagawa. Ngayong highschool week ay kami ang naatasan na mag-design ng marriage booth. Busy ngayon ang buong Buenaventura dahil sa ibat-ibang events. Hindi ko rin alam kung bakit ako ang nag-plano nitong marriage booth. Dati-rati ay diring-diri ako sa mga ganitong bagay dahil hindi ako believer ng marriage. Ngayon ay ako pa talaga ang nagpapawis para mapaganda ito.

"Ysabella, ito na ang mga kailangan niyo." boses ni Ibarra sa likod ang narinig ko. Muli akong bumaba sa upuan na tinatapakan at saka tiningnan ang mga dala nilang gamit na nasa kahon.

"Sige salamat." anas ko ng hindi tumitingin sa kaniya. Nasa labas si Kate at nakaupo. Pagkatapos ng ilang buwan, naintindihan ko na rin na hindi siya pwedeng mapagod dahil sa sakit kuno niya.

"May maitutulong pa ba kami?" tanong ni Ibarra sa aking gilid. Umangat ang tingin ko sa kaniya at natigil sa pagkalkal ng mga gamit.

"Uhm... ito na lang, pakiabot sa akin. Ididikit ko ang mga ito sa kisame." anas ko at itinuro ang mga colored paper na ginupit ni Sam kanina. Lahat iyon ay hugis puso at magkakadugsong. Napapangiwi na lang ako habang nag-aayos.

Tumango sa akin si Ibarra. Sina Antonio naman ay tinulungan si Sam sa pag-aayos ng upuan upang maging malawak sa gitna.

"Lahat ba ito ay Ididikit mo riyan?" tanong sa akin ni Ibarra matapos niyang iabot ang isang pang-design.

"Oo, hindi naman pwede na tatlo o apat lang ang ilalagay. Mas maganda kung ganito." paliwanag ko sa kaniya.

Kahit papaano, wala na kaming mga naging pagtatalo ni Ibarra. Masasabi kong normal na lang ang turingan namin ngayon kahit minsan ay naiilang pa rin ako sa kaniya. Kahit siya pa rin ang gusto ko, unti-unti, natanggap ko na rin sa sarili na si Kate talaga ang palagi niyang uunahin kahit anong mangyari kaya hindi na ako nagpumilit pa.

Hindi siya nagpaliwanag kung bakit, pero natutunan ko na ring tanggapin.

"Ako na lang kaya ang maglalagay ng mga iyan? Ikaw na lang ang magbigay sa akin." saglit akong napatingin sa kaniya bago tumango. Nagpalit kami ng posisyon, siya na ngayon ang nasa itaas at naglalagay ng mag dekorasyon sa kisame.

Ramdam ko ang pagsulyap-sulyap sa amin ng mga kaibigan pero wala silang sinabi. Hanggang sa nakita ko ang pagpasok ni Kate at nakita kami ni Ibarra sa ganoong posisyon. Kaagad siyang lumapit at ngumiti sa akin.

"Bella, ako na lang mag-aabot ng mga iyan." aniya. Tumingin muna ako kay Ibarra bago ako tumango sa kapatid. Walang imik ko sa kaniyang ibinigay ang mga pandekorasyon at humanap ng sariling gagawin. Hinahayaan ko na lang, para wala ng gulo.

Umabot pa ng higit isang oras ang pagdedekorasyon namin bago nag-alas dose ng hapon. Doon namin pormal na bubuksan ang marriage booth. May bayad itong twenty pesos para sa mga magpapakasal, may certificate kaming ibibigay at singsing din na ipapahiram.

"Grabe, Bella. Ang galing mo palang mag-organize. As in parang professional ang nag-ayos!" OA na papuri sa akin ni Sam habang pinagmamasdan namin ang marriage booth.

"Normal lang naman ah? Kaya iyang gawin ng kahit sino." umismid ako saka humalukipkip.

"Ano ka ba? Ganitong design kaya ang mga nakikita ko sa internet. Parang gawa talaga ng totoong wedding planner!" pasimple akong napairap sa sinabi ni Sam at hindi na siya pinansin. Hindi kalaunan ay may natanaw kaming grupo ng mga estudyante na nagtutulakan. May isang babae silang hinihila papunta sa booth namin.

"Magkano po bayad sa kasal?" tanong ng isa sa kanila.

"Trenta." sagot ni Sam. Kaagad ko siyang hinampas sa braso.

"Twenty lang, ano bang pangalan ng ikakasal?" kami kasing dalawa ang nasa labas ng marriage booth at naglilista ng mga pangalan ng ikakasal. Kami rin ang naniningil.

Sinabi sa amin ang pangalan ng dalawang estudyante. Sapilitan nilang ipinasok ang babae. Ang lalaki naman nahihiya ring itinulak ng mga kasamahan niya.

Sina Antonio ang naka-assign na magkakasal. Palitan sila sa pagiging pari. Nagsimula ang maliit na seremonya ng kasal. Rinig ko ang maingay na tilian ng iba habang nakatingin sa dalawang ikinakasal sa unahan. Meron pang mga audience sa labas ng classroom at nakikihiyaw.

Si Miguel ang pari.

"By the power vested in me, I may now kiss the bride." anito na siyang ikinalukot ng mukha naming lahat. Pinanlakihan ko siya ng mata.

"Ayusin mo." mukhang nabasa naman niya ang buka ng bibig ko kaya tumawa siya.

"Joke lang. By the power vested in me, you may now kiss the bride." Nagkantiyawan ang mga estudyanteng nanonood. Napailing na lang ako at napangiti.

"Loko talaga ni Miguel, sasapakin ko iyan mamaya." anas ni Sam sa aking tabi. Muli kaming bumalik sa labas at doon inabangan ang mga estudyanteng gustong magpakasal. Higit sa sampu na ang nagpapalista sa amin. Lahat ng pera na malilikom namin ngayon ay sa school funds lahat mapupunta. "Pero 'di ba wala ka pang napipiling course sa college, Bella? Bakit hindi ka na lang maging ganito, mga event planner o kaya wedding designer. Iyon na lang kunin mo tutal magaling ka naman."

Muli akong umismid sa sinabi ni Sam.

"Hindi pwede iyong dahil nag-organize lang ako ng isang beses ay iyon na rin ang gagawin kong trabaho. School base lang naman ito. Syempre iba na kapag totoong mga event na."

Napatango-tango naman si Sam saka natahimik. Mukhang napaisip din sa sinabi niya. Maya-maya ay nakita ko ang paglapit sa amin ni Kate. Kaagad siyang tumingin at ngumiti sa akin.

"May bago na ulit ikakasal." aniya saka inabot sa akin ang isang daang piso. Tumango ako at akmang ibabalik sa kaniya ang sukli nang pigilan niya ako. "Huwag na! Diyan na lang iyan. Ayoko namang magtipid." aniya. Tumango na lamang ako at kinuha ang ballpen.

"Sino bang ikakasal?" tanong ko ng hindi tumitingin sa kaniya. Nanatili ang tingin ko sa papel at hinihintay ang sagot niya para maisulat ko na kaagad ang mga pangalan.

"Kami ni Ibarra."

Napahigpit ang kapit ko sa hawak na panulat bago ako dahan-dahang nag-angat ng tingin sa kaniya.

"Kayo ni Ibarra?" pag-uulit ko kahit narinig ko naman ng maayos kanina.

"Oo." ngumiti siya sa akin. "Doon din naman kami patungo."

I Like HimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon