Chapter 9

142 15 7
                                    

Tahimik silang lahat habang kumakain kami sa canteen. Ako lang ata ang parang walang pakialam sa paligid. Kumakain lang ako nang kumakain kahit nararamdaman ko ang mga pagtitig nila sa akin.

Nasa iisang table kami kasama sina Kate at Ibarra. Nakita kong pati sila ay tahimik din. Ramdam ko ang pagtitig sa akin ni Ibarra pero ni isang beses ay hindi ko siya sinulyapan. Nagpatuloy lang ako sa pagkain sa harap nila, tapos na ako pero halos wala pang nababawas sa pagkain nila.

"Bakit hindi pa kayo kumakain?" inosenteng tanong ko sa kanila. Sabay-sabay naman silang umiwas ng tingin sa akin. Nagpanggap akong parang wala lang ang ikinikilos nila at saka inubos ang tubig na pinangalahatian ko na kanina. Kinulangan ako sa tubig at mabilis na tumayo upang kumuha ng panibago. "Kuha lang ako ng tubig." pagpapaalam ko.

Nagulat ako nang magkasabay pang naglapag ng tubig si Andres at Ibarra ng tubig sa harap ko. Nagkatinginan silang dalawa. Mas lalo namang natahimik ang mga tao sa table at hindi malaman kung saan titingin.

Tumawa si Kate na parang naa-awkwardan na rin sa mga nangyayari.

"Nauuhaw na rin pala ako." aniya saka kinuha ang tubig na inabot para sa akin ni Ibarra. Saglit na dumaan ang inis sa sistema ko subalit kaagad ko iyong pinigilan dahil ayaw kong magkalat sa harap nila. Mas lalong ayaw kong gumawa ng eksena para lamang sa tubig. Hindi rito. Hindi sa harap ni Kate.

Binalewala ko iyon at kinuha na lamang ang tubig na inilapag ni Andres. Maging sa pag-inom ko ay nakatutok sila. Naasiwa ako pero nagpanggap na lang na wala lang iyon sa akin.

"Uuna na ako sa classroom ha? Mukhang mamaya pa naman kayo." pagpapalam ko na tanging si Sam lamang ang tiningnan. Kita ko ang balak niyang pagprotesta subalit mabilis na akong nakatayo. Hindi pa man ako tuluyang nakakaalis sa upuan ay kaagad na akong natigilan.

"Sasabay na ako." saad ni Andres.

"Uuna na rin ako." saad naman ni Ibarra na halos magkasabay lang nilang sinabi.

Nakita ko ang paglunok nina Miguel at hindi malaman kung paano makikisingit sa usapan.

"A-ako rin, babalik na rin ako sa classroom." pagsingit ni Kate. Napatingin sa kaniya si Ibarra.

"Hindi ka pa kumakain." aniya sa harap naming lahat. Nagtangis ang bagang ko.

"Okay lang, nabusog naman ako dahil doon sa dinala mo kanina eh."

Tangina.

Hindi ko na napigilan ang sama ng loob habang nakikinig sa usapan nila. Mabilis akong lumabas sa canteen ng hindi nagsasabi sa kanila. Hinayaan kong mangilid ang luha sa mata ko at tinahak ang daan papunta sa huling floor ng building namin imbes na dumiretso sa classroom.

Kaagad akong nagtungo sa dulong bahagi at pasalampak na umupo sa tapat ng isang classroom na hindi ginagamit. Sumandal ako sa pader at hinayaang tangayin ng malamig na ihip ng hangin ang lahat ng sama ng loob na nararamdaman ko.

Pinunasan ko kaagad ang mata bago pa man may tumulong luha mula rito. Alam kong hindi maganda itong nangyayari sa akin. Hindi maganda itong mga ikinikilos ko. Para akong mababaliw.

Alam kong hindi ako dapat na maging ganito. Lalaki lang iyon. Hindi dapat pinoproblema. Kung para talaga kami sa isa't-isa, gagawa ng paraan ang tadhana  na magkatuluyan kami sa huli.

Ang problema nga lang, hindi ako naniniwala sa tadhana. Kailan ko ba inasa ang buhay ko sa tadhana? Hindi pwedeng palaging ganoon. Kailangan may gawin ka rin. Kailangan gumawa ka ng paraan.

Pero hindi ko alam kung paano ako magsisimula.

"Love life pa kasing nalalaman eh." narinig ko na lang ang boses ni Antonio sa aking tabi. Napamulat ako ng mata at nakita na ginaya niya ang pag-upo ko.

I Like HimWhere stories live. Discover now