Chapter 14

148 17 7
                                    

Buong magdamag akong nagbantay kay Lola sa ospital dahilan kung bakit hindi ko rin nagawang makatulog at makauwi ng bahay upang magbihis. Hanggang ngayon ay nakasuot pa rin ako ng uniporme. Nanlalagkit na ako sa sarili pero ayaw ko namang umuwi dahil walang maiiwan kay Lola para bantayan siya.

Kagabi ko pa natawagan si Mama at uuwi raw siya ngayong araw. Nasabi ko na rin ito kay Papa, paniguradong mamaya lamang ay nandito na sila. Nagpapasalamat din talaga ako sa mga kapitbahay namin dahil sila ang nagdala kay Lola sa ospital. Mabuti na lamang at naagapan... dahil kung hindi, baka mas malala pa ang sitwasyon niya kaysa ngayon.

"Kumusta?"

Napatingin ako sa may pinto nang sumiwang doon ang pigura ni Andres. Lumipat ang tingin ko sa wall clock na nakasabit sa silid. Mag aalas-otso na ng umaga.

"Bakit nandito ka? Late ka na sa first subject." pagpuna ko sa kaniya. Basa pa rin ang buhok niya at medyo magulo dahil sa pagligo. Nakasuot siya ng uniporme ngayon.

Kagabi ay sinamahan niya ako rito hanggang hating gabi. Wala sana siyang balak umuwi subalit pinilit ko siyang umalis at magpahinga. Naapreciate ko lahat ng tulong na ginagawa niya para sa akin. Napagtanto ko na bukod kay Sam, itong si Andres ang palaging nasa tabi ko kapag kailangan ko ng tulong. Ang swerte siguro ng babaeng papakasalan niya balang-araw. Masyado siyang maasikaso at maalaga.

"Hindi muna ako papasok ngayon." aniya ng hindi tumitingin sa akin. Diretso siyang naglakad patungo sa maliit na lamesa at ipinatong ang dala niyang mga paper bag. "Galing ako sa bahay niyo, ikinuha kita ng mga damit na pamalit." aniya at ipinakita sa akin ang isang paper bag na mas malaki kaysa sa isa.

Nanatili naman akong tahimik na nakamasid sa kaniya. Kinutingting niya ang isa pang lalagyan at isa-isang inilabas ang mga laman niyon saka siya bumaling sa akin.

"Kumain ka na muna. Kagabi ka pa hindi kumakain." anas niya.

Mabilis naman akong umiwas ng tingin at ibinaling ang atensyon sa ibang bagay. Hindi ko na alam ang mararamdaman ko. Hindi maipagkakailang uminit ang dibdib ko sa mga ginagawa niya. Masyado siyang mabait sa akin. Hindi ko deserve ito.

"Ysabella." pagtawag niya sa akin.

Napabuntong-hininga ako at saka lumapit doon. "Salamat." ngumiti ako sa kaniya saka sinimulan ang pagkain. Buong oras ay naroon lamang siya at tahimik na nakamasid sa akin. At kahit hindi naalis ang mata niya sa akin habang kumakain ako, hindi ko nagawang mailang. Doon ko napagtanto na siguro... unti-unti na akong nasasanay sa presensiya niya.

Nagbihis ako sa banyo at naghilamos ng mukha bago ako muling bumalik sa kwarto. Nagulat ako nang madatnan ko na naroon na sina Antonio at ang iba pa. Kasama rin nila si Ibarra na kaagad na dumapo ang paningin sa akin.

Napaiwas ako ng tingin at kinakabahang naglakad papunta sa kanila.

"B-bakit dumaan pa kayo rito? May pasok 'di ba?" mga nakasuot pa naman sila ng uniporme tapos hindi naman sila pumasok.

Umupo sa isang monoblock chair si Miguel, nagsunuran ang iba maliban kay Ibarra.

"May dala kaming pagkain." aniya na siyang ikinagulat ko. Muntik pa akong mapatalon nang magsalita siya sa aking tabi.

Bumaling ako sa kaniya at pinilit na ngumiti. Pinilit kong ipakita na walang mali. Pilit kong ipinapakita na wala lang ang presensiya niya sa harap ko. Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko, nandito nga siya ngayon malapit sa akin, pero naninikip pa rin ang dibdib ko. Pakiramdam ko napilitan lang siyang iwanan si Kate para puntahan ako. Pakiramdam ko hindi kasing tindi ang pag-aalala niya sa akin kaysa sa kapatid ko.

"Okay lang, kumain na ako ng dinalang pagkain ni Andres." tugon ko.

Napabuntong-hininga ako at lumapit na lamang kay Lola. Hanggang ngayon ay tulog pa rin siya.

I Like HimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon