Chapter 24

172 18 7
                                    

"Hindi ako makapaniwala na magagawa mo ito sa kapatid mo, Ysabella!" sigaw sa akin ni Papa habang nasa salas kaming lahat. Nakaupo si Kate sa harap ko at umiiyak. Sina Sam naman ay nakaupo sa mahabang lamesa at nakikinig sa sermon sa akin ni Papa.

Nanatili akong nakaupo at walang emosyong nakatingin sa mga palad ko. Nanginginig ang mga kamay ko sa galit. Ang sakit sa pakiramdam. Pakiramdam ko ay nahihirapan akong huminga. Parang nawala lahat ng sakit ng ulo ko kanina, lahat naging sama ng loob.

"Ano bang pinag-awayan niyo, Ysabella? Rinig namin ang sigawan niyo kanina mula rito sa baba. Mabuti na lang at naisipan naming umakyat doon, baka kung ano na ang naabutan namin." kalmadong anas ni Lola. Nakatayo siya sa aking tabi. Hindi ako nagsalita. Nanatili lamang akong walang emosyong nakababa ng tingin.

Walang nagsalita sa kanilang lahat. Ang tanging maririnig lamang sa paligid ay ang mga mahihinang hikbi ni Kate.

"Ito ba ang natututunan mo sa school? Nag-aaral ka ba para maging basagulera?!" muli ay buwelta sa akin ni Papa. Hindi ko na maipaliwanag ang sariling nararamdaman. Naroon ang panlalamig ng buong katawan ko sa lahat. Naroon ang matinding kahihiyan. Naroon ang galit. Kapag pinagsama-sama, halos wala na akong maramdaman. Para akong nakalutang. Hindi dahil sa saya, kundi dahil sa sakit.

"K-kinakausap ko lang po ng maayos, tapos nagalit na siya sa akin, huwag ko raw siyang pakialaman." pagsasaad ni Kate. Naramdaman kong bumaling sa kaniya ang lahat maliban sa akin. Gusto kong magpaliwanag at ipagtanggol ang sarili ko. Pero masyadong nakakatamad. Masyado na akong napapagod sa mga nangyayari. Ang tanging gusto ko na lamang gawin sa mga oras na ito ay ang umalis.

Gusto kong tumakas.

Saan ako pwedeng pumunta?

"Kailan pa naging ganiyan kabastos ang ugali mo, Ysabella? Hindi ka na ba naawa sa Lola mo? Para mo na ring sinabi na hindi ka niya napalaki ng tama."

Sa sinabi ni Papa ay napaangat ako ng tingin sa kaniya. Blangko ang mga mata ko nang tumitig sa kaniya. Nakakapagtakang hindi ako naluluha ngayon. Hindi ako naiiyak. Hindi ko alam kung bakit bigla akong naging parang bato.

"Noong una pa lang, kayo naman talaga ang dapat na nagpalaki sa akin at hindi si Lola." malamig na anas ko. Kita ko na saglit siyang natigilan sa sinabi ko. Kasi totoo. Sila ang mga magulang kaya bakit hindi sila ang nagpalaki sa akin? Sila ang mga magulang kaya bakit nila ako iniwan sa pangangalaga ng iba?

Saglit na natahimik si Papa bago ako muling sinagot.

"Huwag mong ibaling sa kakulangan namin ng Mama mo ang problema! Ang pinag-uusapan natin dito ay kung bakit ka nakikipag-away na parang walang pinag-aralan? At kapatid mo pa talaga, Ysabella? Hindi ba't sinabi ko na sa'yo noon na sakitin siya kaya pagbigyan mo na lang? Mahina ang resistensiya ng kapatid mo at mas lalo mo lang ipinahamak dahil sa ginawa mo!" aniya sa akin. Napahawak siya sa noo na parang hindi alam ang gagawin. "Ipagdasal mo na lang na hindi ito makarating sa Tita Lucy mo, hindi ka niya mapapatawad sa ginawa mo."

Muli kong ibinalik ang tingin sa mga nanginginig kong mga kamay. Huminga ako ng malalim saka tumango kay Papa.

"Ayos lang, kasalanan ko naman palagi." tumayo ako at malamig na binalingan si Papa. Kita ko na nadagdagan ang galit niya sa sinabi ko.

Hindi na ako nagsalita. Naglakad ako paalis sa salas. Balak kong umakyat na sa kwarto at matulog na lamang doon. Wala akong balak na bumaba hangga't hindi sila umaalis lahat.

"Ysabella!" napatigil ako sa paglalakad dahil sa galit na sigaw sa akin ni Papa sa likod ko. "Kailan ka pa naging ganiyan kabastos?!" nanggagalaiting sigaw niya sa akin. Napakuyom ako ng kamao at muling bumaling sa kaniya.

I Like HimWhere stories live. Discover now