Chapter 30

66 3 0
                                    

"Disha, ikaw lang idol ko," saad ng mommy ni Dave habang ang mga kamay niya ay patuloy pa rin sa pagpalakpak.

"Maraming salamat," sagot ng dalaga habang ang mga ngiti niya ay puno pa rin ng pagtataka. Maaaring may sakit ang mommy ni Dave, kaya ganito ito umasta.

Kanina pa silang nag-uusap nito. Paulit-ulit na sinasabi nitong siya lang ang nag-iisang idolo nito. Maganda naman itong pakinggan na may isang taong katulad ng mommy ni Dave ang nagugustuhan ang mga sinusulat niya. Ngayon tuloy ay hindi siya kaagad makaalis, lalo pa at marami siyang nais na malaman tungkol sa ina ng binata. Mukhang kahit na ayaw niyang makausap si Dave, kailangan niya itong tanungin, upang hindi sumakit ang ulo niya kakabuo nang tanong. Hindi naman siya ganito noon, bakit kay Dave at sa pamilya nito, may isang parte sa pagkatao niya ang inilalabas?

"Nagbabasa si mommy ng mga gawa mo Ate Disha, ganiyan lang si mommy, pero marunong siyang umintindi." Hindi pa man ito naitatanong ni Disha, sinagot na siya kaagad ng nakababatang kapatid ni Dave.

"Sasabihin ko na lang sa 'yo ang lahat mamaya," saad ng binata, habang patuloy na kumakain.

"Kain ka pa Disha, dapat hindi ka nagugutom. Inaaway ka ba ni Dave? Sabihan mo ako ha? Para pagagalitan ko siya." Malambing ang boses ng mommy ni Dave, pero nakakailang ang parang boses nitong bata. Hindi sanay si Disha na makipag-usap ito sa mga ganito.

"Inaaway niya po ako palagi." Dahil sa sinabi niya, halos mabilaukan si Dave nang batukan ito ng kaniyang ina. Dahil sa nakita ng dalaga, mabilis na napawi ang inis niya kanina. Ito ang gusto niya. Ang mommy lang pala ni Dave ang dapat niyang maging kakampi, pang matigil ang pangungulit sa kaniya.

"Mommy, bakit mo naman ako binatukan?" Mahinahon ang tanong ng binata.

"Inaaway mo si Disha. Sabi mo bati kayo palagi? Kapag ikaw niaaway mo siya, papaluin kita." Umamba ang mommy nito. Dahil sa ginawa niya, parang isang bata na takot si Dave.

"Nakakatawa si kuya." Maging ang nakababatang kapatid ni Dave ay natatawa na rin.

Sa mga oras na ito, hindi napansin ni Disha na maging siya ay nakikitawa rin. Humahalakhak siya habang ang puso ay magaan. Hindi man maipaliwanag ang mga bagay na ito, ang tangi lamang niyang alam ay ang saya na nararamdaman ng puso niya. Napapansin ito ni Dave, kaya hinahayaan na lang din niya ang mga sitwasyon na pinapagalitan siya. Kung ito ang paraan upang makita lang na masaya ang babaeng mahal niya.

"Tama na po, mommy–I mean tita. Kumain na po muna tayo," pigil ng dalaga at hinawakan sa kamay si Elia–ang ina ni Dave.

"Babalik ka pa ba rito?" tanong nito habang nagpapatuloy sila sa pagkain.

"Marami po akong ginagawa, hindi ko alam kung makakabalik po ako." Tunay naman ang mga sinasabi ng dalaga. Ngayon na may darating siyang book signing at hinahanap na ng JT Books ang bago niyang libro. Kaya magiging abala siya sa mga susunod na araw.

"Babalik yan dito mommy. Kapag kinasal kami, mas madalas niyo siyang makikita," saad ng binata. Dahil sa sinabi nito, muling napapalakpak ang mommy ni Dave, habang si Disha ay halata ang pagbabanta sa kaniyang mga mata. Nakatingin ito kay Dave, na tila walang alinlangan sa mga sinasabi niya.

"Hindi naman tayo magpapakasal, 'di ba?" Pandidilat ng mga mata ni Disha at halata ang panggigigil sa ngipin nito. Tila sa mga oras na ito, nais na niyang sapakin ang binata.

"Bakit? Ayaw mo pang magpakasal ate?" tanong ni Anthony.

"Hindi naman kami magpapakasal ng kuya mo, dahil hindi naman kami mag-jowa." Mahinahon lang si Disha sa mga oras na ito. Kalmado siya sa panlabas, pero sa mga oras na ito ay binabalatan na niya ng buhay si Dave.

"Bakit sabi ni kuya na–"

"Wooaahh! Ang sarap ng pagkain. Mommy, mukhang gabi na masyado, kailangan ko na ihatid si Disha sa bahay nila." Mabilis na pinutol ni Dave ang dapat na sasabihin ng kapatid niya.

"Uuwi na agad si Disha? Balik ka rito Disha. Papakuto ako maraming pagkain." Bakas ang lungkot sa boses ng mommy ni Dave.

Nang magsalita ito, sa kaniya na natuon ang paningin ni Disha. Ang inis na nararamdaman nito kanina ay nawala na parang bula. Lalo pa ngayon na hawak siya sa kamay ng mommy ni Dave. Ang mga mata nila ay magkatagpo. Dahil sa amo ng mukha nito, tila ang malamig niyang pagkatao ay nabibigyan ng init. Bakit ganito ang nararamdaman niya? Tila may isang parte sa pagkatao niya noon na bumabalik sa mga oras na ito.

Maaari nga kayang ang dating Disha na malambot ang puso ay bumabalik na ngayon? Dati ay wala siyang ibang nararamdaman. Bakit ngayon pa? Ngayon pa na kung kailan desidido na siya sa sarili niyang maging manhid at walang pakialam sa mga taong nasa paligid?

Si Dave ang may kasalanan nito. Kung hindi dahil sa kaniya, hindi siya magkakaganito.

"Babalik ka rito ha?"

"Opo, babalik po ako rito." Dahil sa naging sagot ni Disha, isang malawak na ngiti ang nabakas sa labi ng kaniyang kausap. Maging si Dave ay hindi makapaniwala.

Ngayon ay naiintindihan na niya ang kahinaan ni Disha. Sa kabila ng pagiging bato ng damdamin, may isang parte rito na kaya pa ring magbigay ng awa sa mga taong nakapaligid sa kaniya. Nakadepende ito sa kung sino ang kaniyang kausap at sa kung hanggang saan niya kayang protektahan ang kaniyang sarili.

Isa sa bagay na lalong nagpamangha kay Dave. Dahil mas lalo niyang nakikilala si Disha, mas lalo niyang nakikita ang mga bagay na hindi niya dapat pakawalan. Ang babaeng ito ay mas mahalaga pa kaysa sa kinang ng kasikatan.

Disha Bitter [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon