Mensahe ng pag-ibig

1 0 0
                                    

"Mahal, h'wag mo akong iwan." Nagmamakaawa kong sambit habang nagkakagulo ang paligid. Panay putok ng mga baril at sigaw ng paghihinagpis ang bumabalot sa bayan namin ngayong gabi.

"Binibini, kung hindi ako aalis ngayon ay maaring pati buhay mo ay manganib." Ngumiti ng malungkot ang ginoong aking iniibig. Patuloy pa rin ang pagsabog at pagbaril na nagaganap sa paligid. Mababakas ang takot sa lahat ng taong makita ko, takot para sa sarili at takot para sa mga mahal sa buhay.

Isa siyang sundalo sa aming bayan kung saan trabaho nilang panatilihing ligtas at payapa ang bayang aming iniingatan ngunit ngayon ay ang gabing hindi inaasahan, kung saan sumugod ang mga espanyol ng hindi namin nalalaman. Madaming namatay at maraming sugatan ngunit heto ako at nagtatago sa isang madilim na lagusan.

"Ngunit ako'y nangangamba sa maari mong kahinatnan. Ako'y nagdadala ng bata sa aking sinapupunan kaya hindi ako papayag na mawala ka sa akin, mahal ko." Patuloy pa rin ako sa paghikbi, hindi binibitawan ang kamay niyang sa akin ay nakakubli.

"Hindi ko lang ito gagawin para sa bayan, gagawin ko rin ito para sa aking pamilya. Magkikita tayong muli kaya h'wag kang mangamba. Kailangan ko ng tulungan ang aking mga kasamahan." Sa tono niya'y nahihirapan din siya sa gagawing paglisan ngunit mas pinili niya pa ring paglingkuran ang aming bayan.

"Ngunit—"

Siniil niya ng halik ang aking labi bago ang aking ulo dahilan para mas lalo akong manlumo. Sigurado na siya sa kaniyang desisyon at 'yon ay gawin ang tungkulin niyang naaayon.

"Magkikita tayong muli, pumasok ka na sa lagusan. Magtago ka hanggang sa matapos ang labanan. Gusto kong maging ligtas ka pati na rin ang anak nating na sa 'yong sinapupunan." Nakangiti niyang sambit bago may ilabas na kung ano mula sa kaniyang bulsa.

"Tanggapin mo ang liham na ito, nais kong pagkaingatan mo ito dahil naglalaman ito ng mensahe ng aking pagmamahal sa 'yo. Hangad ko ang 'yong kaligayahan. Palagi mong pagkakatandaan na palagi akong nasa tabi mo at handa kang protektahan, mahal ko."

Pagkatapos niyang sambitin ang mga salitang 'yon ay hinalikan niya akong muli, alam kong ito na ang huling halik na aming pagsasaluhan pero hinihiling ko pa rin na siyang aking muling makita at mahawakan. Unti-unti niyang binitawan ang aking mga kamay bago tumakbo papalayo sa lagusan. Papalayo sa akin.

____

Napangiti ako ng mapait, kay tagal na pala ng huli naming pagkikita. Kumusta ka na kaya ngayon, mahal ko?

Binuklat ko ang liham na kaniyang ibinigay sa akin noong gabing 'yon, sa aking pagbukas ay kasabay ng luha kong hindi paawat. Kahit kailan ay hinding-hindi ko magsasawang basahin ang iyong mensahe, mahal ko. Ipinabasa ko rin ito sa anak mo at siya'y talagang bilib sa 'yo.

Mahal kong Amelia.

Alam kong sa oras na mabasa mo ito ay wala na ako. Patawarin mo sana ako kung hindi ko natupad ang pangakong magkikita muli tayo. Masaya akong mawala na ipinaglaban ang aking mahal na bayan kahit ang kapalit pa nito ay hindi na kayo muling mahawakan. Alam mo bang habang isinusulat ko ang mensahe ko kung saan nakasulat ang pagmamahal ko sa 'yo ay lumuluha ako? Alam ko kasing hindi ko masasabi ito sa harap mo. Natatakot ako, natatakot ako na baka kapag nakita ko pang muli ang mga luha sa mga mata mo ay bumigay ako at kalimutan ang tungkuling minahal at sinusunod ko. Pero palagi mong tatandaan, nasa huling pagpikit ng mga mata ko ay mukha mo ang nakikita ko. Pakisabi na rin sa supling natin na siyang hinihintay ko, pakisabi ring alagaan ka niya gaya ng pag-aalaga ko. Mahal ko kayong dalawa. Siguro ay hindi pa ngayon ang muli nating pagkikita pero lagi mong tatandaan na sa susunod kong buhay, ikaw pa rin ang muling hihilingin ng puso ko.

Nagmamahal

Isaac

___

Written by: Shin Rixo
Work of fiction
Plagiarism is a crime!!

__

ONE SHOTSWhere stories live. Discover now