Kabanata 5

31 6 12
                                    

Kabanata 5

KASABAY nang pagsibol ng araw ang siya ring hudyat nang aking paggising. Halos maaaga akong nakatulog kagabi dahil sa pagod at lubusang pagmumuni-muni. Ang mga katagang isinambit ni Anna ang isang nagpagulo sa aking isipan. Siguro'y masyado lamang akong mapag-asam kaya't kung ano-ano na lamang ang lumalabas sa aking bibig.

Katatapos ko lamang magpalit at mag-ayos ng aking sarili. Abala ako ngayon sa harapan ng aking salamin habang sinusuklay ang mahaba kong buhok. Pinagmasdan ko ang aking mukha, ang sabi nila'y mas lalo akong gumaganda kapag nakataas ang dalawang sulok ng aking labi. Ngunit bakit tila hindi iyon tumatalab kay Lazaro, mangilan beses na akong ngumingiti sa kaniya ng matamis. Subalit kunot ng noo ang natatanggap ko sa kaniya.

Wala ako sa ulirat na lumabas sa aking silid. Iwinawagaygay ko pa ang kahabaan ng aking saya na tila isa akong mananayaw sa entablado. Ganito ang kanilang ginagawa sa tuwing kami'y nagtutungo roon nina ama't ina. Dahan-dahan akong bumababa sa aming hagdan at halos mapairap na lamang ako dahil sa tuwirang pagtunog ng aking suot na bakya habang bumababa ako sa hagdan.

Kung minsa'y halos impit na ako kung lumakad nang hindi makalikha ng tunog ngunit tila ang salitang 'tahimik' ay wala sa bokabularyo ng aking bakya.

"Anna, nasaan sina Ina?" patanong kong sigaw nang makababa ako sa hagdan habang pinagmamasdan si Anna'ng abala sa pag-aayos ng mga kagamitan. "Magandang Umaga Binibini, nasa kumbento ho ang inyong Ina" tugon nito. Napatango ako at muling iwinawasiwas ang aking saya. "Si Kuya David nasaan?" tanong ko.

Napatigil si Anna sa pagpupunas at napangiti sa akin, tila ang ngiti niyang iyon ay ngayon ko lamang nakita. "Oh, Solana mabuti at hindi nauna saiyo ang sikat ng araw" napatingin ako sa tinig ni Kuya David sa aming sala.

Napalingon ako rito at halos mapaawang ang aking labi at nabitawan ko rin ang pagkakahawak ko sa aking saya nang makita kong nakaupo si Lazaro sa mahaba naming silya. Napalunok ako, tila ba namanhid ang aking mga paa. Kanina pa ba siya narito? Kung gayo'y halos masaksihan niya ang kawalang wisyo kong ikinilos.

"Ikaw ay maupo na muna rito sapagkat hindi pa handa ang al-"

Hindi na naituloy ni Kuya David ang kaniyang nais sabihin nang umakyat muli ako patungo sa aking silid. Mabilisan kong isinara ang pinto at napasandal ako sa likod non, halos habol-habol ko ang aking paghinga. Maya-maya pa'y unti-unting sumibol ang napakalaki kong ngiti.

Napahawak ako sa aking bibig at impit na sumigaw dahil sa saya. Kulang na lamang ay tumalon ako, pakiramdam ko'y nabuhay ang aking dugo't laman tila mistulang naging alerto ako. Agad akong nagtungo sa harap ng salamin at sinuklay muli ang aking buhok. Kinuha ko ang ipit na hinandog sa akin ni Kuya Samuel at inilagay iyon sa aking buhok. Huminga ako nang malalim at paulit-ulit na kinagat ang aking labi upang ito'y mamula at magkaroon ng kulay ang aking labi.

Kinuha ko rin ang aking abaniko at lumabas na muli sa aking silid habang itinatago ang mga palihim kong ngiti sa likod ng abaniko. Narito si Lazaro! Narito siya! Tila ito na ang pinakamasayang araw na nangyari sa tanan ng aking buhay.

Pagkababa ko sa hagdan ay agad akong bumaling sa aming sala. Napangiti ako nang madatnan ko pa rin doon si Lazaro habang may hawak-hawak na papel at isang aklat. Napansin kong wala roon si Kuya David kung kaya't dahan-dahan akong nagtungo sa kaniyang kinalalagyan at naupo sa isang silya katapat nito.

Napatikhim ako. "Magandang Umaga Ginoong Lazaro, nasaan si Kuya David?" panimula kong tanong, naisip ko lamang na tanungin sa kaniya si Kuya David kahit ang totoo'y hindi ko naman ito hinahanap. Napaangat ito ng tingin sa akin, halos mapaawang pa ang aking labi dahil sa aliwalas ng mukha nito. Ganito ba talaga ito nakahahalina sa tuwing umaga?

Tulang Walang Tugma (Pahayagan Serye-Dos)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon