Wakas

46 2 0
                                    

Wakas

"NARITO na tayo, Solana. Nagpapasalamat ako dahil dininig ng Panginoon ang aking mga panalangin" malambing na saad sa'kin ni Kuya David nang makababa kami sa isang kalesa at huminto ito sa tapat ng isang malaking mansyon. Maganda ang disenyo nito ngunit wala itong buhay at punong-puno ng kalungkutan ang presensiya ng tahanan.

Halos isang buwan din ang tinagal ng aming pagpapalaot sa barko, nagpaiwan na sina Manang Luz at Mang  Nestor sa Europa ayon sa kanila ay madali lamang makahanap doon ng pagkakakitaan, kahit may lumbay man sa'king puso ay pilit kong iniwaksi iyon.

Sa isang buwan na aming pagpapalaot ay maraming nangyari, madalas ay nililibang ko si Ligaya sa pamamagitan ng pagpapasilay sa malawak na karagatan, gayun na rin ang paglalahad ng storya patungkol sa sirena o dili kaya'y mga lamang dagat.

Aking nakikita na kaunting pagpupursige na lamang ay babalik na rin ang dating Ligaya na aking nakilala, madalang na lamang itong matulala at magbanggit ng salita. Masaya ako para sa aking anak, batid kong mahirap para sa kaniyang kalagayan na makulong sa madilim na nakaraan ngunit mababahiran na rin ito ng makulay at magandang alaala.

Napahinga nang malalim si Kuya David  at palihim nitong pinawi ang kaniyang luha, at ngumiti nang matamis sa akin. Sa tingin ko'y isa iyong luha ng kaligayahan dahil sa halos ilang taon siyang naghintay upang ako'y  makasamang muli. Hindi ito napagod at sumuko, hanggang may pag-asa siyang nasasalalat ay tinatanggap niya ito. Ako'y hanga sa kaniya dahil pilit nitong nilalaban ang paghihinagpis at pagdurugo ng aking puso.

Nakayanan nitong iwanan si Lazaro sa Europa kahit  batid kong labag iyon sa kaniya. Nauna kami sa aming pag-uwi sa Pilipinas, sapagkat inaayos pa ng pamilya ni Lazaro ang mga dokumento upang tuluyan na itong maiuwi sa Pilipinas.

Ako'y hanga rin sa pamilya ni Lazaro ni hindi sila nagtanim ng galit kay Kuya David bagkus tinanggap na lamang nila ang nangyari. Ngunit batid ko na may namumuong pasakit sa kanilang puso. Mahirap para sa kanila ang mawalan ng anak at ito'y ramdam ko.

Panay ang hingi ng  tawad ni Kuya David sa mga magulang ni Lazaro sinisisi nito ang kaniyang sarili dahil sa nangyari, hindi rin   nito nagawang iligtas ang kaniyang kaibigan.  Ngunit tinugon lamang si Kuya David ng 'walang dapat sisihin sa nangyari sapagkat kapwa nila ito hindi ginusto, batid nitong ginawa rin ni Kuya David ang lahat upang si Lazaro ay mailigtas, ngunit ang kapalaran na mismo ang ang siyang nagdidikta'.

"Tiyo David, bakit ho?" tanong sa kaniya ni Ligaya nang makita nito ang munting luhang sumisibol sa mga mata ni Kuya David. Buhat-buhat nito si Ligaya habang nangangambang nakatingin sa kaniya si Ligaya.

"Napuwing lamang ang iyong Tiyo David.." wika nito at ngumiti nang matamis. Ngumiti nang tipid si Ligaya at hinagkan nito si Kuya David. Bumaling ito ng tingin sa'kin at hinawakan ang aking kamay.

Ngumiti ako sa kaniya at pinipigilan ang pagtulo ng aking luha. Ngayon ay akin nang muling makikilala ang aking mga magulang, ang dating ako, ang dating Solana. Halos limang taon din silang naghintay sa aking pagbabalik kaya't susulitin ko ang mga araw na ito upang sila'y aking hagkan nang mahigpit.

Pumasok kami sa tarangkahan at yumakap sa amin ang malamig na simoy ng hangin na nagmumula sa malalaking puno ng acasia, may malaking hardin sa magkabilang gilid ngunit bilang na lamang ang mga halaman nito. May malaking balong sa bahaging gitna ng mansyon ngunit tila walang buhay ito at walang tubig ang nagsasayawan doon.

Tumingin ako sa asotea ng mansyon, malayo pa lamang kami ay kitang-kita ko ang isang matandang lalaking nakaupo sa isang upuan. May hawak itong pahayagan ngunit hindi nito binabasa may maliit din na tasa sa kaniyang gilid.

"Ako'y may nagawang kasalanan Solana.." napabaling ako kay Kuya David nang magsalita ito. Kumunot ako ng aking noo at tinitigan ito ng may pagtatanong. "Ano iyon Kuya David?" tanong ko, ngumiti ito  nang masilay.

Tulang Walang Tugma (Pahayagan Serye-Dos)Where stories live. Discover now