Kabanata 31

13 2 0
                                    

Kabanata 31


MAKULIMLIM at pawang walang buhay ang kalangitan nang lumabas ako sa bahay-panuluyan ni David. Matapos ng pag-uusap namin kanina ay hindi mawala sa aking isipan ang huli nitong sinambit. Nasawi ang kaniyang kapatid sa pagsabog, ang pagsabog na iyon ay may kinalaman sa aking naririnig sa tuwing kumikirot ang aking ulo. Posible kayang naroon ako nung maganap iyon?

Napailing ako at sandaling umupo sa upuan malapit sa parke. Tila lumilipad ang aking isipan sa mga agam-agam, ang hirap aminin sa aking sarili kung ako ba ang nawawalang kapatid ni David, ngunit batid kong malabo rin iyong mangyari, magkawangis man kami ni Solana ngunit magkaiba kami ng prinsipyo at dangal.

May pagkakaiba kaming dalawa, hindi rin magagawang ilihim sa akin ni Jacinto ang lahat. Malinaw para sa akin ang katotohanang ako lamang ang nag-iisa, wala na ang aking ama't ina at wala akong kapatid. At kung sakaling ako at ang Solana na kanilang tinutukoy ay iisa, ano ang lugar sa akin ni Lazaro?

Matagal ko nang kasintahan si Jacinto at walang kahit na anong humadlang sa aming pagmamahalan. Kailangan mong itatak sa iyong isipan na hindi ikaw si Solana na kanilang hinahanap.  Oo malaki ang inyong pagkakawangis ngunit magkaiba kayo ng paninindigan, may asawa't anak kana at si Solana'y buo pa ang kaniyang pamilya.

Napahinga ako nang malalim at tumingin sa kalangitan, kung kanina'y ang ganda at aliwalas nito ngayo'y tila nakikiayon ito sa aking pinagdadaanan.

Tumayo ako at huminga nang malalim, mas makabubuti kung hindi ko iisipin ang gumugulo sa aking isipan, mas dapat panigan ko si Jacinto dahil siya ang aking asawa at batid kung hindi  nito magagawang pagtakpan ako ng kasinungalingan.

Napabaling ako sa parke, ngayon ko na lamang muli itong nakita, madalas kaming nagtutungo rito ni Jacinto sa tuwing kami'y namamasyal. Nahagilap ng aking mga mata ang pamilyar na likuran at kasuotan ng isang babae habang nakaupo ito sa isang upuan.

Tahimik lamang itong nakaupo na tila ito'y may hinihinitay, lumapit ako ng isang hakbang patungo sa kaniya, halos manlaki ang aking mga mata nang makilala ko ito. Hindi ako nagkakamali ito ay si Sally, aking naalala na nagpaalam ito sa akin kanina, siguro'y dito ang kanilang hintayan ng kaniyang makakasama.

Napangiti ako nang matamis, masaya ako dahil siya'y umiibig na. Akmang ako'y tatalikod na nang bigla itong tumayo at nag-ayos ng kaniyang sarili nakangiti rin ito nang matamis habang nakatingin sa harapan.

Napakunot ako ng noo at bumaling sa dahilan ng kaniyang ngiti at halos mapaawang ang aking labi nang makita ko si Lazaro na papalapit sa kaniya. Huminto ito sa harap ni Sally at iniabot sa kaniya ang isang tangkay ng bulaklak ng carnation.

Napatingin ako kay Lazaro nakatingin lamang ito kay Sally habang nakalahad sa harapan  ni Sally ang bulaklak. Samantalang halos mapunit ang labi ni Sally habang nakatingin sa kaniya. Tumalikod ako at mapait na ngumiti, tila may kirot na naramdaman ang aking puso nang makita ko silang dalawa.

Batid kung hindi na dapat ako nanghihimasok sa kanilang dalawa, sino ba naman ako para humadlang, kapwa sila walang iniibig kaya't maaari sila sa isa't isa.  Hindi maipinta ang aking mukha na sumakay  sa karwahe, binalingan ko muli sila ng tingin, nakita kong kapwa na sila nakaupo ngayon sa upuan habang nag-uusap.

Iniwas ko ang aking tingin, dapat ako'y maging maligaya sa kanila. Inaamin kong napatibok man ni Lazaro ang aking puso sa una pa lamang naming pagkikita ngunit hindi na iyon sapat na dahilan upang iwan ko ang pinagsamahan naming dalawa ni Jacinto.



PAGKARATING ko sa aming tahanan ay agad akong pumanhik sa taas, mahimbing pa rin ang tulog ni Ligaya hanggang ngayon, hinaplos ko ang buhok nito at marahang hinalikan sa kaniyang noo. Alas-dos pa lamang ng hapon ngunit mabigat na ang kalangitan, tila nagbabadya ang malakas na ulan.

Tulang Walang Tugma (Pahayagan Serye-Dos)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon