PROLOGUE

7.4K 119 14
                                    

"TULAD ng inaasahan ng lahat, high school
valedictorian ang kapatid mo, Charlize," wika
ni Tiffany sa kanya. "At nagtataka naman ako sa iyo. Kayang-kaya mo namang makasama sa top three pero hindi mo pinagsisikapan. Di sana sa graduation natin ay salutatorian ka kung hindi ka man maging valedictorian."

Sumimangot ang dose anyos na si Charlize.
Dalawang buwan mula sa araw na iyon ay
magtatapos sila sa elementarya habang magtatapos naman ang nakatatandang kapatid na si Viola sa high school.

"Okay lang, Tiff. Hindi naman mababa ang
grades ko, ah," sagot niya habang binabagtas nila ang pathway patungo sa high school building upang daanan si Viola.

"Hindi nga pero o, ayan na pala si Viola, eh," na ang ani Tiffany nang matanaw na naglalabasan mga estudyante sa room ng highest section. "Maaga silang pinalabas. Hindi na tayo maghihintay..."

Kinawayan ni Charlize ang kapatid. Bahagyang
kumunot ang noo niya nang makitang nagpapahid ito ng mga mata habang sinasalubong sila.

"Umiiyak ka ba?" tanong niya kaagad dito.

"Namumula ang mga mata mo, Viola,"
komento naman ni Tiffany.

"Wala," sagot nito at inayos ang knapsack sa
likod. "Tara na at baka naghihintay na si Mommy sa parking." Tuloy-tuloy na sa paglakad ang mga ito nang isang tumatakbong batang lalaki ang nakasalubong nila at kung hindi nakaiwas si Charlize ay baka nabunggo siya nito.

"Ma'am! Ma'am Jacinto!" sigaw ng bata at
tuloy-tuloy sa loob ng classroom na nilabasan ni Viola.

Napahinto sa paghakbang ang tatlo at nilingon ang bata. "Bakit kaya?" tanong ni Viola.

Hindi pa man naglipas sandali'y hangos na
lumabas si Mrs. Jacinto ng silid-aralan. Sa likuran nito'y ang bata. Si Charlize ay hindi mapigil ang kuryusidad at hinarang ang batang lalaki.

"Ano'ng nangyari? Bakit humahangos kayo ni
Mrs. Jacinto?" aniya sa batang alam niyang isa sa mga elementary pupils.

"Eh, ang pamangkin kasi ni Ma'am Jacinto..."
humihingal na sabi nito.

"Bakit, ano ang nangyari sa pamangkin ni
Ma'am?" patuloy na usisa ni Charlize.

Nakamasid lang sina Tiffany at Viola at pawang nasa mga mukha rin ang kuryusidad.

"Nakikipag-away sa may canteen si Jason..."
sabi nito at kumawala sa pagkakahawak ni Charlize at muling tumakbo.

"Tara sa canteen!" yaya ni Charlize at patakbong sumunod sa batang lalaki.

Nakitakbo na rin sina Viola at Tiffany. Si Jason
Jacinto ay bata ng isang taon kay Viola at nasa
ikatlong taon sa high school. Pamangkin ito ng isa sa mga matatandang guro ng San Ignacio College, si Mrs. Aurelia Jacinto.

Pagdating nila sa canteen ay nakita nilang
hawak-hawak na ni Mrs. Jacinto ang pamangking si Jason sa braso at inilalayo. Ang mga kaaway nitong bata'y pinagtig-isahan na rin ng dalawang guwardia ng eskuwelahan.

Napadaan sa tabi ni Charlize ang magtiya at
hindi sinasadya'y nagtama ang paningin nila ni
Jason. Napaatras ng isang hakbang si Charlize at nakipkip nang husto ang mga gamit sa dibdib sa poot na nakita niya sa mga mata nito bagaman alam niyang hindi patungkol sa kanya ang galit na iyon.

Sinundan niya ng tingin ang binatilyo habang
akay ng tiyahin pabalik sa silid nito. May kataasan ito sa edad na disisais. Sanhi upang lagi itong tuksuhing Ichabod Crane.

Iyon ba ang dahilan kung bakit nakipag-away
ito? Pero mula nang unang dumating si Jason sa SIC may tatlong taon na ang nakararaan ay lagi na nitong naririnig ang tuksong iyon. Subalit wala siyang alam na nakipagbabag ito dahil doon.

Napuno na kaya ito?

"BAKIT namumula iyang mga mata mo, Viola?"
tanong ni Rigo sa panganay na anak nang nasa sasakyan na sila. Ito ang sumundo sa magkapatid.

"Ay, oo nga pala, Viola," susog naman ni
Charlize mula sa likod at dumukwang sa harapang upuan ng kapatid. Nalimutan na nito ang tungkol sa nakitang tila pag-iyak ng kapatid dahil natuon ang pansin nila sa away sa canteen.

Suminghot muna si Viola bago nagkuwento.
"Nagpaalam kasi ang adviser namin kanina sa
amin, Daddy. Iyon na ang huling araw niya sa SIC at nagretiro na siya. Siyempre, nalulungkot ako... since second year ay teacher ko na siya sa Math. And she was so nice to me..."

"Magre-retire na si Ma'am Jacinto?" singit uli
ng batang si Charlize. "Bakit hindi pa niya hinintay ang graduation, two months na lang..."

"Baka naman nga sa March pa ang effectivity
ng resignation niya, hija," wika naman ni Rigo na noong kapanahunan nila ni Lacey ay naging guro din ang matandang dalaga. "Though I'm curious dahil wala pa sa retirement age ang adviser n'yo."

Tumikhim si Viola at nilingon ang ama.
"H-haven't you heard the rumors, Daddy?"

"What rumor?" kunot ang noong nilingon
sandali ni Rigo ang panganay na anak bago ibinalik ang pansin sa daan.

"It's all over high school dept, Daddy..."

"What about it? Tell us..." Charlize asked
impatiently.

"Four days ago ay nahuli ng daddy ni Jason
ang mommy niya na... na... I mean... Oh, Daddy,
it's so disgusting. She was caught in another man's arms. Sa mismong servant's quarter ng Coral Sea mansion..."

"Oh!" si Charlize who dramatically groaned.

"And who was the man, Viola?"

Nilingon ni Viola ang nakababatang kapatid at
tiningnan ng masama. Ganoon ma'y sinagot ang tanong nito. "Ang hardinero-"

"Hardinero!" bulalas ni Charlize. "What a
shame, Dad!"

"Shut up, Charlize," banayad na saway ni Rigo
sa anak.

"At ayon pa nga raw sa katulong noong isang
teacher na narinig naman mula sa mga katulong ni Ma'am Aurelia, si Ma'am mismo ang nagpalayas sa mommy ni Jason."

"Iskandalo nga iyan. Baka nahihiya si Ma'am
Aurelia kaya nag-resign. 'Di ba, Daddy?" si
Charlize uli.

Subalit hindi nagkomento si Rigo at tahimik
na nagmamaneho. Alam ng magkapatid na
nangangahulugan iyon na hindi gusto ng ama na ipagpatuloy pa ang pag-uusap sa ganoong bagay.

Sa backseat ay tahimik na sumandal si Charlize. Nagpalobo ng plastic balloon. Iyon ang dahilan kung bakit nakipag-away si Jason. Tinukso marahil ito ng mga classmate nito sa ginawa ng ina nito.

Poor Ichabod Crane.

SWEETHEART 9: Mananatili Kitang MahalWhere stories live. Discover now