CHAPTER 3

3.8K 97 4
                                    


KASALUKUYANG nagkaklase nang may mag-
abot ng tatlong stem ng red roses kay Charlize
Sanhi upang magtuksuhan ang mga classmate niya. Pati ang professor nila'y nangingiti.

"Galing kay Benjie," tila nagyayabang na sabi
ng messenger sa buong klase, isa sa mga barkada ni Benjie. Lalong inulan ng tudyo si Charlize.

Sumimangot ang dalagita. Pabagsak niyang
ibinaba sa sahig ang mga bulaklak kasama ng
backpack niya. Kung malapit lang ang trash bin ay inihagis niya iyon doon.

"Smile, Charlize. Nasisira ang beauty mo. Aba,
kung sa akin ibinigay iyan di nangarap na ako,"
nakangising sabi ni Collete mula sa kabilang hanay ng mga silya. Silang dalawa lamang ni Collete ang magkaklase sa huling subject niyang iyon.

"Sa iyo na!"

PAGLABAS niya ng klase ay naroroon si Benjie
at nakaabang sa kanya. Humiwalay si Collete bago pa niya ito napigilan. Sinabayan na siya ni Benjie sa paglalakad.

"Hi," bati nito, nakangiti. "Nagustuhan mo ba
ang mga bulaklak?"

"Thanks," sagot niya sa matabang na tono.
Hawak pa rin ang mga rosas sa paraang tila ito
bungkos ng kangkong. "Kaya lang, sana kung
magpapadala ka ng ganito, huwag sa klase.
Nakakahiya sa professor."

"Precisely my point," bale-walang sagot ng binata. "I want everybody to know na type
kita kaya pinadadalhan kita ng bulaklak. Hindi
ba mas trip ninyong mga babae iyong lalaking
ipinagmamayabang sa mundo na gusto kayo ng mga lalaki?"

"Well, not this particular woman, Benjie, and
not definitely from you!"

Nawala ang ngiti sa mga labi ng binata.
"Napakapakipot mo naman, Charlize. Ikaw na nga ang sinusuyo, ikaw pa ang suplada."

"Then stop pestering me dahil hindi ako
nagpapasuyo. Huwag mo akong sabayan. Ayokong natutukso." Binilisan niya ang lakad.

Naiwang nakatiim ang mga bagang ni Benjie.
Na lalo pang tumiim nang makantiyawan ng mga barkada.

"Naluma ka roon, Benjie!" sigaw ng isa.
Inakmaan nito ng suntok ang sumigaw na agad nagtaas ng dalawang kamay at umatras.

"BINUWISIT ka na naman ba ni Benjie?" si
Tiffany na kalalabas din lang mula sa isang klase nito. Nakita ang kusot na mukha ng kaibigan at natanawan din nito si Benjie sa dulo ng corridor.

"Hindi ko nga alam kung ano ang gagawin ko
para tigilan ako ng lalaking iyon," naiinis niyang sagot. "Guwapo at sikat nga pero ang lakas naman ng hangin sa katawan. Sobra ang tiwalang walang babaeng tatanggi."

"Well, may mga tao talagang tulad niya..."
pangongonsola ni Tiffany at magkasabay na silang bumaba ng building.

Alam nilang papalit-palit ito ng girlfriends.
At alam din niyang kaya siya pinagtutuunan ng
pansin nito ay dahil bukod-tanging siya lamang ang hindi interesado rito. Nahahamon ang ego nito na dinagdagan pa ng pangangantiyaw ng mga barkada.

"Kung pinapatulan mo ba naman si Jason para hindi ka na istorbohin ng lalaking iyon,"
nakangiting suhestiyon ni Tiffany, nanunukso.

"Magtigil ka, ha!" Napipikon na siya. Malakas
na tumawa si Tiffany at pumasok na sa isang room para sa huling subject nito.

Sa ibaba ng hagdan ng building ay may
trash can. Pagalit niyang inihagis doon ang mga bulaklak.

"I'm glad those flowers didn't come from me."
Nilingon niya ang pinanggalingan ng tinig.

"Jason..."

"Hi."

Ito pa ang isa.

"Hi yourself," matabang niyang sagot. Ni hindi
nagbagal sa paglakad.

SWEETHEART 9: Mananatili Kitang MahalWhere stories live. Discover now