CHAPTER ONE

6.1K 101 2
                                    

1975

MULA sa pagsi-zipper ng pantalon ay nilingon ni Prince ang ina. Sunud-sunod ang pag-ubo nito habang pinaplantsa ang pang-itaas niyang unipormeng polong puti.

"Bakit hindi n'yo patingnan sa center iyang ubo
ninyo. Matagal na iyan, ah. At saka sabi ko naman sa inyo, ako na ang mamamalantsa riyan sa uniporme ko. Kaya ko naman iyan, 'Nay."

"Hindi naman mabigat itong ginagawa ko, anak," wika ni Rebecca.

Habang isini-zipper ang pantalon ay hindi inaalis ni Prince ang nag-aalalang tingin sa ina na nakayuko sa pinaplantsa nito. Umaalon ang dibdib nito sa pagsisikap na pigilin ang pag-ubo. Cuarenta y dos pa lamang si Rebecca.

Gayunma'y tila matandang-matanda na itong
tingnan. Puti na halos lahat ang buhok. Hapis ang mukha at payat. Sa likod nito, sa dingding ay nakasabit ang dalawa sa mga litrato nito noong kabataan. Nasa entablado at may hawak na mikropono; ang isa'y nasa isang mesa, nakangiti at may sigarilyong nakaipit sa mga daliri.

She was twenty-four nang mapasok na waitress sa isa sa mga restaurant/cocktail lounge sa Ermita. Natuklasang may ibubuga naman pala sa pagkanta kahit papaano. Binigyan ito ng pagkakataon ng manager na maging crooner sa gabi na labis nitong ipinagpasalamat.

Maliban sa kasiyahan at mas glamorosong dulot ng bagong trabaho, kailangan din nito ng mas malaking kita dahil sa matandang inang labas-masok sa pagamutan.

Sa trabaho nito ay nakilala ni Rebecca ang anak ng may-ari ng club. He frequented the club and not only was he generous with his tip but he was also married. Gayunman ay hindi naging hadlang iyon upang hindi ito ibigin ni Rebecca.

Nang mamatay ang nag-iisang magulang ni Rebecca ay ang lalaking ito ang laging nasa tabi nito at nakiramay at nagbigay ng suporta.
Nagtagal ang relasyon hanggang sa isang araw ay nagpaalam ang lalaki na aalis ito patungong ibang bansa kasama ang asawa. Na ang club ay naipagbili na ng mga magulang nito. At na huwag siyang mag-alala dahil babalik din naman ito.

Bagaman sa simula pa lamang ay inihanda na ni Rebecca na mangyayari ang ganoon ay hindi nito maiwasang labis na masaktan. Ang kabataan nito ay nagugol sa piling ng lalaki na sa bandang huli ay iniwan din ito. Ganoon man ay nagpatuloy ang buhay ni Rebecca sa club.

At dahil nagkakaedad, at may higit na mga batang crooner, nabawasan ang oras nito sa pagkanta. At nabawasan din ang kinikita nito na kulang pang pambili ng makeup at damit.
At natutuhan nitong sumama sa mga customers na nagyayayang lumabas. Katwiran nito'y hindi ito mananatiling bata at mananatiling makakaawit, kailangan nitong pag-ipunan ang pagtanda na kung saan ay nakikini-kinita na nitong mabilis na dumarating. Isa pa, hindi ito sumasama sa customer nang dahil lang sa pera. Kailangang kahit papaano'y may atraksiyon ito
sa lalaki.

And Rebecca never thought she'd get pregnant. Sa anim na taong pakikisama niya sa kaisa-isang lalaking minahal ay hindi siya kahit minsan nagdalang-tao.

Magkahalong pag-aalala at tuwa ang nadama ni Rebecca nang una nitong matuklasang nagdadalang-tao ito. Pag-aalala dahil treinta y cinco na ito, tuwa dahil sa buhay na pumipintig sa sinapupunan nito.

Bagaman ni hindi nito matukoy kung sino sa mga nakarelasyon ang ama ng dinadala, it didn't bother her. She was ecstatic. Nanatili ito sa pagkanta nang dalawang beses sa isang linggo sa club hanggang sa kaya pa nitong itago ang kalagayan. Nanghihinayang ito sa kikitain lalo at kailangan nito ng salapi para sa dinadala. Ganoon ma'y iniwasan na nitong lumabas sa kahit na sinong customer.

Huminto si Rebecca sa pagkanta sa club nang
tumuntong sa ikalimang buwan ang tiyan nito at nagsisimula nang mahalata. At natitiyak ni Rebecca na ikinasiya ng manager ang pamamaalam niya. Tanging ang maraming mga taon na itinagal nito sa club ang
nagpangyari upang hindi ito lantarang paalisin.

SWEETHEART 13: Someday My PrinceWhere stories live. Discover now