CHAPTER 16

2K 71 7
                                    

NAGMULAT ng mga mata si Brianna. Hindi niya alam kung ano ang nagpagising sa kanya. Hindi siya kumikilos mula sa pagkakahiga subalit inikot ng mga mata niya ang buong silid. Napakadilim. Ni hindi niya maaninag ang mga bintana o ang pinto palabas ng balkonahe. Ibig sabihin ay hindi pa nag-uumaga.

Pumikit siyang muli upang magbalik sa pagtulog. Iyon ang sandaling nakarinig siya ng kaluskos mula sa balkonahe. Ibinaling niya ang ulo sa dako niyon, sandaling sinanay ang mga mata sa dilim. May nais na magbukas ng pinto ng balkonahe. Naririnig niya ang marahan subalit pilit na pagpihit sa doorknob. Tuluyan nang naglaho ang hibla ng antok. Hindi niya
lang imahinasyon ang narinig. At walang barrel bolt ang pinto. Just the push-and-lock doorknob.

May gumapang na takot sa dibdib niya. Sino ang nasa labas ng balkonahe? Kinakabahan subalit walang ingay siyang bumangon mula sa kama. She'd been in danger before and she wouldn't want to ignore her feelings that she was, again, in danger. Kung bakit at kanino siya nanganganib sa mismong bahay ng Lola Rosa niya ay hindi niya alam. Maaaring magnanakaw lang. Pero bakit sa silid niya? O sa dating silid ng daddy niya?

Saka na niya iisipin ang kasagutan sa mga tanong na iyon. Kung sino man ang nasa labas ng balkonahe, anumang sandali ay posible nitong mabuksan ang pinto. Door locks were easy to pick, lalo na sa mga sanay gumawa niyon.

She tiptoed towards the study table at the far corner of her room. Kinakabahang bumigay ang mga binti niya dahil sa takot. Naroon ang bag niya at walang ingay iyong binuksan. She took her small gun from inside her bag, pagkatapos ay walang ingay na humakbang siya patungo sa pinto ng silid niya at naghintay roon. She could have opened her door and ran for help. Pero hindi niya gagawin iyon. Gusto niyang malaman kung sino ang intruder niya. Nanganib na ang buhay niya dati. Hindi siya papayag na manaig ang takot sa kanya ngayon. Hindi siya papayag na sa mismong teritoryo niya ay may taong nagnanais na lapastanganin siya.

Hindi siya nainip, sa ilang segundo lang ay bumukas ang pinto ng balkonahe. Nakikita niya ang anino nito. Maingat nitong tinungo ang kama niya. Iyon lang ang hinihintay niya, binuksan niya ang switch ng ilaw sa tabi ng pinto at nagliwanag ang paligid.

Isang lalaking natatakpan ang kalahati ng mukha ng itim na bandana. Gayon na lamang ang gulat nito sa biglang pagliliwanag ng silid, nanlaki ang mga mata. Hindi marahil nito inaasahang wala siya sa kama at nasa tabi ng pinto. Nakita ni Brianna ang nasa kamay nito. Isang patalim. She gasped. The man intended to kill her!

"Sino ka?" she asked in trembling voice, nakaumang dito ang baril niya sa nanginginig na mga kamay. Ang akmang pagbaling ng lalaki sa kanya ay napigilan nang ikasa niya ang baril. Mabilis itong tumakbo pabalik sa balkonahe.

Subalit bago ito tuluyang makalabas sa pinto ay ipinutok ni Brianna ang baril, hindi intensiyong patayin ito kundi pahagingan lang. Tinamaan niya ito sa binti dahil narinig niya ang daing subalit hindi niyon naawat ang pagtakas nito. Mabilis siyang sumunod subalit nakatalon na ang lalaki sa ibaba. At muli ay narinig niya ang pag-ungol nito. Hindi biro ang taas ng balkonahe pababa. Binuksan niya ang ilaw sa balkonahe. Nang sumungaw siya sa barandilya ay naglaho na ito sa dilim.

Biglang bumukas ang pinto ng silid niya at
magkasunod na pumasok sina Vince, Rosa, at Melanie. Mabilis siyang pumasok sa loob ng silid. Her Uncle Vince in his white T-shirt and boxer shorts, si Lola Rosa niya ay sa pranelang pantulog nito at si Melanie sa kanyang oversized T-shirt.

"Brie, ano ang nangyari?" halos sabay-sabay na tanong ng tatlo. "Hija, bakit ka may baril?" manghang tanong ng lola niya na napahawak sa dibdib. "Ikaw ba ang nagpaputok?"

Humakbang si Vince palapit at kinuha ang baril mula sa kanya. "What happened, Brie?"

Tila nawalan siya ng lakas na napaupo sa dulo
ng kama. "May pumasok sa silid ko at tangka akong patayin." Malinaw niyang sabi sa kabila ng panginginig ng tinig. Napalapit si Melanie at naupo sa tabi niya at hinawakan ang kamay niya.

GEMS 47: SAGADA Nayakap Ko Ang Mga Ulap (2011)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon