Chapter 7

1.5K 31 1
                                    


"SHIT!" Sinipa ni Yelena ang gulong ng kotse niya at nagpalinga-linga sa parking lot. Isa-isa nang naglabasan ang mga modelo patungo sa isang private van na magdadala sa gay bar. Ang van ay para sa mga modelong hindi gustong magdala ng sasakyan.

Tumunog ang cell phone na hawak niya at agad na sinagot iyon. "Paalis na ang lahat pero may problema..." Sinabi niya rito ang aberya ng kotse niya. Umulan ng masasamang salita mula sa bibig ng nasa kabilang linya na napapangiwi siya.

"Ano ang gagawin ko? Ayaw umandar ng kotse ko!"

"Anak ng pu―! Malalagot tayo kay Boss niyan kapag pumalpak ka!" May himig ng banta ang tinig sa kabilang linya. "Mag-isip ka ng paraan!"

"Hindi ko inaasahan ang problemang ito. Kung, gusto mo ay magpadala ka ng mekaniko dito sa hotel."

Muli itong nagmura. "Babae, kung gusto mong masilayan pa ang umaga bukas ay gumawa ka ng paraan para mapaandar iyang sasakyan mo!" The man hissed.

"Eh, ano nga ang magagawa ko kung-"

"Nagsasayang ka ng oras, babae!" patuloy ng nasa kabilang linya sa galit na tono. "Tiyakin mong tutupad ka sa usapan at ikarga ang mga bagahe sa kotse mo at iparada sa may apartment mo. Dahil kung hindi ay mapapahamak ka, pati na ang kapatid mo!"

"Kapatid ko?" usal niya, una muna ay ang pagkalito at pagkatapos ay ang takot na unti- unting umaahon sa dibdib niya. "A-ano ang ibig mong sabihin?"

Subalit nawala na sa kabilang linya ang kausap niya. Pinutol na nito ang koneksiyon. Napatitig siya sa telepono sa nanlalaking mga mata. Sa kauna-unahang pagkakataon, mula nang tanggapin niya ang trabahong ito ay ngayon lang siya nakadama ng takot.

Paano nito nalaman na may kapatid siya?

Her ten-year-old brother was in the hospital and needed medical attention to save his life. Kaya niya pikit-matang tinanggap ang trabahong ito ay para sa kapatid. Pero mukhang ito pa ang magiging dahilan ng kapahamakan nilang pareho. Ngayon niya gustong pagsisihang tinanggap niya ang trabahong ito. Kinakabahan siya. Hindi niya alam kung ano ang pinasok niya. Nang ialok sa kanya ang dalawandaang libong halaga kapalit ng napakadaling trabaho ay hindi na siya nag-isip pa. Bagaman bahagi ng isip niya ay tumatanggi dahil walang legal na gawain ang magbabayad sa kanya nang malaking halaga sa isang napakadaling trabaho. Subalit isiniksik niya ang alalahaning iyon sa sulok ng utak niya.

Ibinigay sa kanya ang kalutasan ng suliranin niya kaya walang dahilan para muni-munihin kung tama ang ginawa niya o mali. At kung hindi dumating ang pagkakataong ito'y natitiyak niyang mapipilitan siyang tanggapin ang iniaalok ng ilang masugid na kliyente ni Georgina na nag-aalok na ibahay siya. She blinked back the tears that started to sting her eyes. She bit her lips bitterly at the thought of selling herself. No. She wouldn't do that to herself. Hindi siya nagpakahirap magtapos ng pag-aaral para lamang sa katapos-tapusan ay gawin ang ganoong uri ng trabaho.

Hindi na mabilang ang mga nag-alok ng salapi sa kanya pagkatapos ng show. Tinanggihan niyang lahat. Dahilan upang pagtawanan at tuyain siya ng ilang kasamahang gumagawa ng ganoon bilang sideline. At kung hindi dumating ang oportunidad na ito ay malamang na mauuwi rin siya sa pinakaiiwas-iwasan niya. Buhay ng kapatid niya ang nakataya at hindi niya ito maaaring pabayaan.

Magkaiba man sila ng ama ay hindi na mahalaga iyon. Magkapatid pa rin sila at hindi niya ito mapapabayaan.

She loved her brother and he was her only family.

Muli siyang pumasok sa sasakyan at pinaandar iyon. Paulit-ulit na pinipihit ang susi sa ignition. Pero tila iyon matandang sunod-sunod na umubo. She muttered a curse and went out of her car. Of all times, ngayon pa hindi nakisama ang sasakyan niya. Nang huling hindi umandar ang sasakyan niya ay itinulak iyon ng mga ilang istambay na naninirahan sa malapit sa unibersidad. May nagsabing baka mahina na ang baterya niya at kailangan nang palitan. She had totally forgotten about that.

Kristine Series 46 - The Warrior: Brad Santa de Leonesजहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें