Chapter 1

291 6 0
                                    

CHAPTER ONE

MUKHA ng isang hindi pamilyar na babae ang nabungaran ni Aera nang imulat ang mga mata. May nurse's cap ito kaya naisip kaagad niyang nasa ospital siya at nakahiga sa isang hospital bed. Mukhang may neck brace siyang suot dahil hindi niya maigalaw ang leeg. May mga aparato na nakakabit sa kanya. May oxygen tube na nakapasok sa nostrils niya. Nagliwanag ang mukha ng nurse nang masalubong ang tingin niya. Humangos ito palabas ng cubicle matapos sabihing tatawagin daw si Doc. Inilibot ni Aera ang tingin sa paligid at natagpuang wala siya sa isang hospital room. Bakit nasa ICU siya?   Nang maramdamang kumirot ang ulo sa biglaang pagkilos ay sinapo niya iyon at nakapa ang bendang nakapalibot doon. Ano'ng nangyari sa akin? Naaksidente ba ako? Nang pumasok ang lalaking doktor ay kaagad nitong ibinuka ang mga mata niya ng dalawang daliri at inilawan ang mga iyon ng maliit na flashlight. "Kumusta ka, Aera?" tanong ng middle-aged na doktor. "May masakit ba sa 'yo?" "Masakit po 'tong ulo ko," sapo niya sa ulo. "Gaano kasakit?" tanong nito habang nakatingin sa monitor ng vital stats. "From scale of one to ten?" "Five?" "Sundan mo ng tingin ang daliri ko." Iginalaw ng doktor ang hintuturo sideways at sinunod niya ito. "Can you stick your tongue out?" Inilabas ni Aera ang dila. "Can you count until ten?" Nagbilang siya. Inutusan ng doktor ang nurse na hawiin ang kumot ni Aera at naramdaman niya ang mahinang pagpalo nito ng matigas na bagay sa mga tuhod niya. "Ramdam mo?" tanong nito. Tumango siya. Pinalo rin nito ang ankles niya at tinanong din kung ramdam niya at um-oo rin siya. "Ikuwento mo sa 'kin 'yong nangyaring aksidente." Kumunot ang noo ni Aera. "Aksidente? Naaksidente po ako?" "Ano na lang ang huli mong natatandaan?" tanong uli ng doktor. Ang huli niyang natatandaan ay nag-picnic sila ni Bart sa park para i-celebrate ang first anniversary nila. Napangiti si Aera nang maalala ang halik na pinagsaluhan nila ng boyfriend pagkatapos nilang magkatampuhan dahil sa mga regalong ibinigay sa isa't isa. "Bakit ka nangingiti?" tanong ng doktor. Mabilis na inalis ni Aera ang ngiti. "Uhm... first anniversary po namin ng boyfriend ko. Nag-picnic kami." "I see. Pero hindi mo maalala 'yong aksidente?" Umiling siya. "Napa'no po ba ako?" "Ang sabi sa record mo, nabangga raw sa fire hydrant 'yong scooter na sinasakyan mo. Tumilapon ka. Wala kang helmet na suot, so nabagok ang ulo mo." Lalong kumunot ang noo ni Aera. Wala siyang natatandaang sumakay siya sa scooter. At saka wala naman silang scooter ni Bart. Napasinghap siya nang maisip ang boyfriend. "Naaksidente po kami ni Bart? Ano po'ng nangyari sa kanya?" Sabay pang tinapunan ng doktor at nurse ang monitor. Miski siya ay napatingin doon kahit hindi maigalaw ang ulo dahil sa neck brace. Mukhang bumilis ang heart rate niya dahil sa matinding kaba. "Relax," sabi ng doktor. "Wala ka namang kasamang naaksidente. Ikaw ang nagmamaneho ng scooter." "Ako po? Bakit ako? Hindi naman ako marunong magmaneho no'n. At saka saan ko nakuha 'yong scooter?" Pumikit si Aera para alalahanin ang tungkol sa aksidente pero wala talaga siyang maalala. Ang anniversary kiss nila ni Bart ang huli niyang naaalala. "It's okay. Kakagising mo lang from a coma kaya posibleng cloudy pa ang isip mo." "Coma?" nanlalaki ang mga matang gagad niya. "Na-comatose po ako?" Tumango ang doktor. "I-ilang buwan po akong comatose?" "Tatlong araw lang naman." Nakahinga nang maluwang si Aera. Kung ganoon ay hindi naman siguro magiging sobrang laki ng hospital bill na babayaran ng tiya niya. Napasinghap siya nang mahulaan ang petsa sa araw na iyon. Tatlong araw pagkatapos ng anniversary nila ni Bart ay start na ng final exams nila. "Puwede na po ba akong lumabas ngayon? Kasi final exams na po namin today sa school." "Ah, so, nag-aaral ka pa rin. I'm sure, maiintindihan ng professors mo na hindi ka muna makakapag-take ng exams dahil naaksidente ka at kailangan mong magpagaling. I-observe ka lang muna sandali at magra-run kami ng certain tests. Pagkatapos n'on, puwede ka nang mag-transfer sa ordinary room." Bumaling ang doktor sa nurse. "Tinawagan n'yo na ba 'yong guardian niya?" "Yes, doc. No'ng tinawagan ko, papunta na raw po talaga siya rito." Nagpaalam ang doktor pero sinabing babalik din kaagad. Naiwan ang nurse na lumapit sa dextrose at may pinihit-pihit doon. "Darating na 'yong tita ko?" tanong ko rito. Mula sa pagtingala sa dextrose ay tumingin kay Aera ang nurse na mukhang nasa early twenties pa lang. Tinapunan nito ng tingin ang medical record na hawak. "Lalaki ang nakasulat dito as your guardian." "Ah, boyfriend ko." Baka si Bart ang nagsugod sa kanya sa ospital kaya pangalan nito ang nakasulat na guardian. Mukhang natigilan ang nurse. "Boy...friend? Ibig mong sabihin, boyfriend mo 'yong dumadalaw sa 'yo?" Tumango si Aera. "Kaka-one year lang namin." Halatang napaisip ang nurse. Alangan ba siya sa kaguwapuhan ni Bart para maging ganoon ang reaksiyon nito? O baka naman type nito ang boyfriend niya? Baka nilalandi nito si Bart habang comatose siya! Awtomatiko ang paniningkit ng mga mata ni Aera sa nurse. Ngayong gising na siya, huwag itong magkakamaling landiin si Bart at baka ang nurse ang pumalit sa kanya sa ICU bed na iyon. Siguradong alalang-alala sa kanya sina Bart at Tita Sally. Mabuti na lang at nagising na siya at mukhang okay naman siya. Maliban sa makirot na ulo ay wala namang nararamdaman si Aera na iba pang masakit sa katawan niya. Pero paano kasi nangyaring nagmaneho siya ng scooter samantalang hindi naman siya marunong? Hindi siya ganoon ka-reckless para gawin iyon. Lumipad ang tingin ng nurse sa glass door ng cubicle. "O, hayan na pala 'yong boyfriend mo." Na-excite si Aera nang marinig iyon. Pilit niyang iniangat ang ulo para makita ang dumating pero nagtaka siya nang makitang hindi si Bart ang pumapasok sa cubicle. Nakabusangot ang mukha ng lalaking sa tantiya niya ay nasa mid-twenties. Guwapo, makinis ang mukha at mukhang high-maintenance pero lukot ang mukha. Halatang may galit ang bagong dating na lalaki... o lalaki nga ba? Kasi ay nang makita ito ni Aera nang malapitan ay napansin niyang umaalagwa ang isa sa on fleek na mga kilay nitong hindi korteng panlalaki. "Bruha! Akalain mo, nabuhay ka pa pagkatapos mong lumipad at maupog nang bonggang-bongga sa aspalto?" Confirmed. Isa nga itong beki dahil sa timbre ng boses at manner ng pananalita. Pinakatitigan niya ito. Bakit parang pamilyar ito sa kanya? Parang kamukha ng bading na kapitbahay nilang patay na patay kay Bart pero mas may edad nga lang. Kamag-anak ba ito ni Paulino Miranda, Jr., or better known as Polly? "O sinadya mo talaga 'yon? Nagpakamatay ka ba talaga pero hindi ka lang natuluyan?" Nagbuga ito ng hangin. "Ang laking gaga..." pabulong na patuloy nito. "Sino ka?" naguguluhang tanong ni Aera. Halatang natigilan ang beki. Natigil din ang nurse sa balak na paglabas sa cubicle. Lumingon ito sa kanila. "Sino ako?" turo ng beki sa sarili. "Hinu-hu U-hu U mo na lang ako? Ako lang naman ang nagmagandang-loob na tumawag ng ambulansya at pumirma sa records mo as guardian kahit imbyerna pa rin ako sa 'yo hanggang ngayon dahil sa pang-aahas mo kay Bart. Pasalamat ka, nagkataong 'ando'n ako no'ng maaksidente ka, kundi—" "I-imposible..." gulat na gulat na putol ni Aera sa sinasabi nito. "Ano'ng imposibleng sinasabi mo d'yan?" "Polly?" "Sino pa ba ako sa akala mo?" Mukhang na-relieved ang nurse sa narinig pero hindi pa lumabas ito. Baka curious dahil sinabi niya kaninang boyfriend niya ang guardian pero halata namang bading ang dumating. Kaya pala ganoon ang reaksiyon ng nurse kanina. Hindi makapaniwalang may boyfriend siyang beki. "B-bakit... bigla kang tumanda?" tanong niya kay Polly. "Ay!" Nagbuga ng hangin ang beki na mukhang nainsulto. "Ay, iba ka talaga, Aera! Kung 'di dahil sa 'kin, tegi ka nang gaga ka. 'Tapos makukuha mo pa akong laiitin. How dare you, bitch!" Bumaling ito sa nurse. "Nurse, pakibalik nga itong gagang 'to sa comatose. 'Tapos idiretso n'yo na sa cremate sa morgue." Hindi itinago ni Aera ang matinding pagkalito. "Hindi ko maintindihan. Last week lang, nakita kita. Dumadaan kami ni Bart sa car wash ng tatay mo. Magka-holding hands kami, sweet na sweet, ang sama pa ng tingin mo sa 'min habang nagkukuskos ka ng trunk ng kotse. Sa sobrang gigil mo yata sa 'kin dahil selos na selos ka, nanggigil ka rin sa kotse. Tinodo mo 'yong pagkuskos na parang mabubura na 'yong car paint. Binatukan ka pa nga ng tatay mo. 'Tapos biglang ngayon, ganyan na 'yong hitsura mo? Mukha ka nang twenty-seven bigla?" Halata ang pagkatigil si Polly habang nakatitig sa kanya. "'Pinagsasabi mo, girl?" Bumaling uli ito sa nurse na nakatayo pa rin sa tabi ng glass door. "Nurse, hindi ba naapektuhan 'yong utak nitong babaeng 'to no'ng nabagok siya?" Lumapit ang nurse. "Paano mo nasabi 'yon?" "Kasi... four years nang tegi ang pudra ko." Suminghap ang nurse. Natigilan si Aera. "A-ano'ng... sinasabi mo? Paanong patay na si Mang Baste? Eh, nakita ko lang siya noong isang araw na nakikitagay sa mga tambay sa kanto? Nagka-riot pa nga doon kasi dumating 'yong ex-convict na anak ni Aling Rosing, nag-amok." "At 'yong..." patuloy na pagkausap ni Polly sa nurse, "sinasabi niyang mga eksena, nangyari 'yon... eight years ago." "Eight years ago?" natitigilang gagad ng nurse. "Eight years ago?!" manghang gagad ni Aera. "At," patuloy pa rin ni Polly, "'yong sinasabi niyang boyfriend niyang sweet na sweet na ka-HHWW niya... halos isang taon na silang break." Napabalikwas ng bangon si Aera sa narinig. Tinanggal niya ang oxygen tube sa ilong. "Ano'ng sabi mo?!" manghang tanong niya kay Polly. "And..." Ang nurse pa rin ang kinakausap ni Polly pero kay Aera nakatingin. "And in fact, ikakasal na 'yong ex-boyfriend niya sa ibang babae bukas." Parang gusto niyang mahimatay sa narinig. "Noooo!" TULALA si Aera nang lumabas ang doktor na matapos siyang tanungin ng series of questions sa harap ni Polly ay nag-conclude na nagkaroon siya ng post-traumatic amnesia dahil sa concussion na tinamo sa motorcycle accident. Malaki ang posibilidad na temporary lang iyon pero hindi alam kung kailan babalik ang mga alaalang nawala sa kanya. "My god," narinig ni Aera na bulalas ni Polly pero hindi niya tiningnan ng beking umupo sa silyang iniwan ng doktor sa tabi ng kama niya. Pagkatapos sumalang ni Aera sa MRI at ilan pang tests ay inilipat na siya sa cheapest private room at doon siya kinausap ng doktor tungkol sa kalagayan niya pagkatapos makita ang results ng tests na ginawa sa kanya. "Akala ko sa movies lang nangyayari 'tong mga ganitong eksena na nagkaka-amnesia pagkatapos maaksidente. I can't believe nawala 'yong eight years mong memory! Eight long years, na-wipe out! Nakakaloka! Pati mga natutunan mo during those years, wala kang recollection kaya wala ka ring knowledge. Para ka na ring hindi gr-um-aduate ng college kasi wala kang maalala sa mga itinuro sa school! So, ibig sabihin, hindi ka na muna makakabalik sa work mo dahil paano ka mag-balance ng balance sheets kung hindi ka marunong mag-balance, gets? So, you are practically jobless now. What a pity." Year twenty-twenty-one na pala. Twenty-six years old na pala si Aera. Ang huling eksenang naaalala niya ay twenty-thirteen pa nangyari kung saan ay eighteen pa lang siya. Ibig sabihin, lahat ng mga ginawa niya at nangyari sa kanya sa nakalipas na walong taon ay hindi niya alam dahil wala siyang maalala. At posibleng lahat ng na-acquire niyang knowledge at wisdom sa loob ng mga taong iyon ay naglaho na rin sa isip niya. Motor memory lang ang na-retain sa kanya. Kasama na rin pala ng mga magulang niya si Tita Sally na nag-iisa niyang malapit na kamag-anak at nag-alaga sa kanya nang halos walong taon. Nasawi raw ito sa isang aksidente eight months ago. At si Bart... break na pala sila. Almost seven years daw ang itinagal ng relasyon nila pero nauwi lang iyon sa wala. Namalayan na lang ni Aera na puno ng luha ang mga mata niya habang nakatitig sa kawalan. "Hindi ko alam kung ano'ng uunahin kong iyakan. 'Yong pagkawala ni Tita Sally o ni Bart sa buhay ko..." Sarili ko lang talaga ang kinakausap ko pero sumagot si Polly. "Si Tita Sally mo, hindi mo na siya halos nakikita o nakakasama pagkatapos niyang mag-asawa dahil tumira na sila sa isang remote island sa Batanes. Bihira kang pumunta sa Batanes dahil mas mahal pa ang pamasahe kaysa kapag pumunta sa abroad. Kaya hindi na siya masyadong relevant sa buhay mo for the past eight years. Nagkaroon na siya ng sariling buhay. Technically, pinabayaan ka na niyang mag-isa. Kaya unahin mong iyakan si Bart dahil ang laki mong gaga, teh! Pinakawalan mo si Bart kung kailan yumaman na siya!" Parang biglang nagsara ang tear ducts ni Aera sa narinig. Sa wakas ay inalis niya ang tingin sa kawalan para ilipat iyon kay Polly, sabay pawi ng mga luha gamit ang likod ng palad. "Ano'ng sabi mo?" Nag-smirk si Polly. "'Yong ex mo, bilyonaryo na ngayon!" Manghang napatitig lang siya kay Polly. Ibig sabihin... nagkatotoo ang pangarap ni Bart na yumaman? "Paano nangyari 'yon? Nanalo ba siya sa lotto?" Alam niyang minsan ay tumataya sa lotto si Bart para magbakasakaling manalo at maging instant millionaire. "Hindi. Pero mayaman pala siya since birth! Dahil siya pala ang long-lost grandson ng mall magnate na si Federico Almendarez at anak ng group CEO ng Almendarez Group of Companies." "Ha? Pero patay na 'yong tatay niya." "'Yon ang akala nating lahat. Dahil si Aling Lina pala, dating chambermaid sa isang hotel. Syempre hindi ko alam kung paano nangyari, 'no? Pero mukhang nagtsuktsakan sila nang hindi sinasadya isang gabi at nabuo si Bart. 'Taray, 'di ba? Billionaire's son ang naka-one night stand? Obviously, inilihim ni Aling Lina kay Bart 'yong tunay na identity ng tatay niya. Mukhang hindi rin alam ng daddy ni Bart na nagkaanak sila no'ng chambermaid. Hanggang sa magtagpo ang landas ng maglolo. Kamukhang-kamukha daw ni Bart 'yong daddy niya kaya na-curious si Federico Almendarez kay Bart hanggang sa matuklasan ng matandang bilyonaryo na biological son ng unico hijo niya si Bart pagkatapos na sikretong ipa-DNA ang hair. Parang isa lang sa DNA stories sa KMJS, 'di ba? Pero bongga 'to dahil bilyonaryo ang tunay na ama." "KMJS?" "Kapuso Mo, Jessica Soho." "Hanggang ngayong twenty twenty-one meron pa rin no'n?" "Oo. At medyo payat na si Jessica. Anyway, going back, isa na ngayon si Bart sa mga tagapagmana ng angkan ng Almendarez. Kaya napakalaki mong gaga para pakawalan siya! Ang tagal mong pinagtiisan na poorito siya pero kung kailan yumaman siya, saka mo siya binitiwan." "Binitiwan ko siya? Ibig sabihin, ako ang nakipaghiwalay sa kanya?" Halatang natigilan si Polly. "Actually... hindi ko alam kung bakit kayo nag-break pero bigla na lang, hindi na namin nakikita 'yong mamahaling kotse ni Bart na nakaparada sa tapat ng bahay mo. 'Tapos, may iba nang lalaking naghahatid sa 'yo." "Sino 'yong lalaking 'yon?" "Hindi namin knows. Pero, in fairness, guwapo rin naman at saka may kotse rin pero mas mamahalin nga lang 'yong kotse ni Bart. Pero after a while, hindi na rin namin siya nakita. Obviously, hindi kayo nagtagal." Siya ba ang dahilan kung bakit sila nagkahiwalay ni Bart? "Hindi kami makapaniwalang ipinagpalit mo si Bart kung kailan rich na siya. Nakakapagtaka lang na hinayaan mo siyang mawala sa 'yo kahit nandoon ka noong nagbagong bigla 'yong buhay ng dyowa mo. Nahahanggian ka na rin siguro ng grasya ngayon kung kumapit-tuko ka sa kanya at 'di siya pinaalpas." Muling sumungaw ang luha sa mga mata ni Aera. Masaya siya para kay Bart dahil natupad ang pangarap nitong yumaman pero nagdurugo ang puso niya dahil hindi na pala siya parte ng buhay nito. At baka siya pa ang may kasalanan kung bakit nawala ito sa kanya. "Mahal na mahal ko si Bart kaya hindi ako makapaniwalang kaya ko siyang ipagpalit sa iba. Baka friends lang kami ng lalaking 'yon." "Paano mo na-sure? Hindi mo nga naaalala halos lahat ng pinagsamahan n'yo." Iyon ang masaklap. Wala siyang maalala sa anim na taon sa pitong taon nilang pinagsamahan ni Bart bilang magnobyo. "Actually..." patuloy ni Polly, "hindi mo na rin siguro naaalala na hindi mo na siya love ngayon." "Puwede ba 'yon?" sumisinghot-singhot na tanong ni Aera. "Kasama ba sa nakakalimutan 'yong feelings kapag nawala 'yong alaala mo?" "Puwede. Kasi 'yong feelings naman, nasa utak. Eh, nagkatama 'yong utak mo, kaya nakalimutan mo rin na wala ka nang feelings para kay Bart kasi ang naaalala mo 'yong masaya pa kayo together." "Hindi totoo 'yan!" "So, gusto mong palabasin na si Bart 'yong may kasalanan kung bakit kayo naghiwalay?" Umirap si Polly sa kanya. "Kahit imbyerna ako sa 'yo, inaamin ko na sobrang haba ng hair mo dahil nakita ko kung gaano ka kamahal ni Bart. Seven years niyang pinagtiyagaan 'yang intrimitida mong ugali. Kahit no'ng yumaman siya bigla, walang nagbago sa kanya. Hinahatid-sundo ka pa rin from work with his luxurious wheels. Naaalala ko, isang gabi, sinundo ka ni Bart kasi ipapakilala ka sa new family niya. Kitang-kita ko kung gaano siya ka-excited no'ng gabing 'yon. Akala ko nga no'n, ang susunod ko nang makikita, bridal car na 'yong sumusundo sa 'yo para ihatid ka sa altar papunta sa lalaking mahal ko... Buti na lang, hindi nangyari." Patuloy sa pag-agos ang mga luha ni Aera. Saka na niya sisitahin si Polly kung bakit parang masyado itong maraming alam tungkol sa kanila ni Bart samantalang hindi naman sila close at mukhang hanggang ngayon, may galit pa rin ito sa kanya dahil halatang patay na patay pa rin ito kay Bart. Baka nag-set-up ito ng CCTV sa harap ng bahay niya. Pakiramdam ni Aera ay nagsisikip ang dibdib niya sa matinding pighati. Hindi lang memory ang nawala sa kanya, nawala rin sa kanya ang mga taong mahalaga sa kanya. Parang kahapon lang nangyari ang first anniversary celebration nila ni Bart sa park. Damang-dama pa niya ang mga labi nito sa mga labi niya. Ramdam pa rin niya ang mahigpit na yakap nito. Pero hindi na siya mahal ni Bart ngayon dahil mukhang may iba na itong mahal. "Pero tingnan mo nga naman ang turn of events..." patuloy ni Polly. "Kahit hindi kayo nagkatuluyan, ikakasal pa rin si Bart sa iba." Parang gusto na ring umiyak ng beki. "At least ikaw, natikman mo si Bart. Napagsasaan mo ang yumminess niya nang almost seven years. Naranasan mo ang mahalin niya. Pero ako... hindi ko na talaga matitikman si Bart forever..." Hindi na napigilan ni Aera ang mapahagulhol. Tuluyan nang mawawala sa kanya si Bart. May iba nang babaeng magmamay-ari dito. Paano na ang mga pangarap nilang dalawa? Paano na ang proposal sa Paris, ang mabigat na diamond ring at diamond-studded wedding gown? Hindi kaya nagka-amnesia rin si Bart? Nakalimutan din yata nitong siya dapat ang pakakasalan nito at hindi ang ibang babae. Imbes na aluin siya ni Polly ay sumabay pa ito sa pagngawa niya. Mas malakas pa yata ang atungal sa kanya ng beki. "Baaaaaart..." iyak ni Polly habang pinagbabayo ng nakasarang palad ang dibdib. "Bakit kasi hindi na lang ako ang minahal mo?" Nataranta ang nurse na pumasok sa silid nang maratnan silang nagpapalakasan ng iyak.

Between An Old Memory And Us - Heart YngridWhere stories live. Discover now