Chapter 12

196 7 0
                                    

CHAPTER TWELVE

PAGKATAPOS maisarado ang gate ng mansiyon ay lumapit si Aera sa kotse ni Bart na humimpil sa front porch imbes na sa garahe. Mukhang pumunta na naman ito roon para inspeksiyunin ang trabaho niya. Limang araw na si Aera sa mansiyon pero wala pa yata sa kalahati ang nalilinis niya nang husto. Paano kasi ay kailangan niyang alisan ng dumi at alikabok ang kasuluk-sulukan ng bawat bahagi ng mansiyon gaya ng order ng "señorito." Mag-isa lang siya kaya hindi niya iyon magagawa nang mabilis. Umibis mula sa Lamborghini si Bart na as usual ay napakaguwapo sa suot na business suit. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya sanay na makita ito sa ganoong hitsura. Nami-miss niya ang scruffy look ni Bart, ang unkempt hair nito at simpleng t-shirt, maong jeans at sneakers. Minsan ay lukot-lukot pa ang T-shirt nito dahil nasira ang plantsa o hindi naplantsa ng nanay nito at may himulmol pa ang polo o ang laylayan ng maong na nagagasgas dahil sa palaging pagsayad sa lupa. Ngayon ay mukhang daan-daang libo ang halaga ng suot na suit at sapatos ni Bart. Naka-Louis Vuitton pang satchel bag ito. Ang cellphone na sinuksok nito sa loob ng coat ay malamang na pinaka-latest model ng iPhone. Pati pabango nitong abot hanggang sa kinatatayuan niya ay ilang libo rin malamang ang halaga. Dati ay sumasabit pa ito sa jeep kapag nauubusan ng upuan pero ngayon ay may-ari na ito ng hindi lang iisang luxury car. Bukod sa Ferrari at Lamborghini, siguradong may BMW din ito. Ibang-iba na nga talaga si Bart. Hindi na niya ma-reach ito. Napatingin si Aera sa pinto ng passenger seat. Pero kung hindi niya iniwan ang lalaki, malamang ay kasama siya nitong lumabas mula sa Lamborghini na iyon. Nakasuot ng signature dress, sosyal na stilletos at may sukbit na mamahaling bag. Baka Inglesera na rin siya at sa kanya na ang mansiyong iyon dahil ibinigay ni Bart. Nakaramdam siya ng matinding panghihinayang. Bumalik na sana siya sa kinalakhang buhay kung hindi niya iniwan si Bart. Narinig ni Aera ang pagtikhim ng lalaki. Saka lang niya na-realize na ang lungkot pala ng hitsura niya habang nakatitig sa kotse nito. Nakita niya ang pagkislap ng mga mata ni Bart. Kung makatingin ito ay para bang alam nito ang iniisip niya. Ganoon siguro siya ka-obvious. "Ano na'ng nagawa mo? Ilang kuwarto na ang nalinis mo?" "Mga... forty percent." "Forty percent?" Halatang hindi nasiyahan si Bart. "Limang araw ka na dito." "Limang araw pa lang. Ang laki-laki ng bahay na 'to, isa lang ako. Nililinis ko ang kasuluk-sulukan. Miski kasingit-singitan ng baseboards." "Nagrereklamo ka na ba? Gusto mo na lang bang bumalik sa car wash ni Polly?" Mabilis na umiling si Aera. "Ayaw." "'Yon naman pala, eh. Bilisan mo ang trabaho mo." Tumango na lang siya. "Kunin mo 'yong luggage ko sa kotse." Pinindot ni Bart ang hawak na keyless entry at bumukas ang likod ng kotse. Lumakad na ito papasok sa nakabukas na front door. "Luggage?" gagad niya. Bakit may dalang luggage si Bart? Lumingon ito. "Naisip kong pakinabangan 'tong bahay na 'to habang hindi pa naibebenta kaya titirahan ko 'to kahit papa'no." Nanlaki ang mga mata ni Aera. "Huh? T-titira ka rito?" Ibig sabihin ay magkakasama sila sa iisang bubong? "I will stay here every weekend or whenever I want to." "Bakit?" Hindi nakangiti si Bart pero nakita niya sa mga mata nito ang pagkalibang. "Para mabantayan ko 'yong ginagawa mo kapag nandito ako. Baka naman kasi pumepetiks ka lang kaya hanggang ngayon, forty percent pa lang ang nalilinis mo." Tinapunan nito ng tingin ang nakabukas na trunk ng kotse. "Get my luggage and put it inside the master's bedroom. Then get me something to drink. I'd be in the library." Seryoso? Ipabubuhat ni Bart sa maninipis niyang mga braso ang luggage paakyat sa mahabang hagdan? Noong magnobyo pa sila, kahit kailan ay hindi siya pinayagang magbuhat nito ng mabibigat pagkatapos ngayon ay ipaaakyat pa sa kanya sa hagdan ang bagahe nito? Nang tumalikod na si Bart para ipagpatuloy ang pagpasok sa bahay ay hindi alam ni Aera kung kikiligin sa idea na makakasama niya sa iisang bubong ang lalaking mahal o madi-disappoint dahil mukhang pinapunta lang talaga siya roon ng ex-boyfriend para parusahan. Mukhang hindi lang caretaker ng mansiyon ang magiging papel niya roon kundi pati pagiging housemaid nito. NAKASIBI pa rin si Aera habang pinupunasan ng tuwalya ang ulo sa loob ng banyo pagkatapos mag-shower. Buong maghapon siyang naglinis ng bahay habang may ala-mayordomang mando nang mando sa kanya. Pagod na pagod siya pero kailangan pa niyang magluto ng hapunan para sa "señorito." Kaya naligo muna siya bago sumalang sa kusina. Napabuntong-hininga si Aera nang maalala ang nakitang satisfaction sa mukha ni Bart kanina habang minamanduhan at pinupuna ang trabaho niya. Masaya ba ito na pinahihirapan siya? Kunsabagay, kung nagkapalit sila ng kapalaran at ito ang "nag-cheat" at nang-iwan sa kanya, baka nga ganoon din ang gawin niya kay Bart para kahit paano ay makaganti rito. Somehow, naiintindihan niya ang lalaki. Nasaktan siguro talaga ito sa ginawa niya kaya ganoon na lang ang galit sa kanya. Hindi pa rin naniniwala si Bart na hindi siya totoong nag-cheat dito. Siguro ay binulag na talaga ito ng galit. Gusto sana niyang magkaroon ito ng initiative na alamin kung tama ang hinala niyang isa sa kapamilya nito ang may kagagawan ng breakup nila dahil ito ang may means para magawa iyon. Kaya lang ay mukhang yari na sa isip ng lalaki na nagtaksil siya at hindi na niya mahal ito. Naniniwala pa rin si Aera na hindi nagbago ang damdamin niya para kay Bart. Umaasa na lang siyang babalik din ang nawalang alaala. At kapag nangyari iyon, sasabihin kaagad niya kay Bart kung ano ang tunay na nangyari. Itinapi ni Aera ang tuwalya at lalabas na sana siya sa banyo nang may maalala. Hindi nga pala siya nag-iisa sa bahay sa mga oras na iyon. Walang sariling bathroom ang kuwarto niya kaya doon siya sa banyo sa second floor naliligo. Nakakahiya kung makita siya ni Bart na nakatapi lang ng tuwalya. Bakit hindi niya naisip na magdala ng damit na pamalit bago pumasok sa banyo? Sumilip muna si Aera sa pinto para tingnan kung wala si Bart sa second floor bago siya lumabas. Dali-dali siyang naglakad papunta sa kuwarto pero sa pagliko niya ng pasilyo, nakasalubong pa niya ang lalaki. Napasinghap na lang si Aera, sabay hawak nang mahigpit sa hugpong ng tuwalya sa tapat ng dibdib. Parang wala namang kakaibang reaksiyon si Bart habang nakatingin sa kanya. "What?" pinupuna siguro nito ang reaksiyon niya. Saglit pa nitong tinapunan ng tingin ang kamay niya sa tapat ng dibdib. Nagbuga ng hangin si Bart. "It's not as if I haven't seen it all." Nag-init ang mukha ni Aera sa narinig. Naisip nga niyang imposibleng wala pang namamagitan sa kanilang dalawa. Sa tagal ba naman nilang naging magnobyo at hindi na sila teenagers. Hindi siya nakagalaw sa kinatatayuan hanggang sa lagpasan na siya ng lalaki. NGUMITI si Aera nang bumungad si Bart sa dining area. Iminuwestra niya ang inihandang pagkain sa hapag-kainan. Paborito nito ang adobong baboy kapag siya ang nagluto. Ayaw nito ng adobo ng iba. Miski ang adobo ng nanay ni Bart ay hindi nito masyadong gusto. Paborito rin nito ang pritong tilapia pero dahil galunggong lang ang isda sa ref ay iyon ang inihain niya. Lumapit si Bart sa mahabang dining table at tiningnan ang nakahain. Pagkatapos ay ibinalik ang tingin sa kanya. Hindi ito mukhang na-thrill na makita ang adobo. Baka nasanay na ang lalaki na hindi natitikman ang adobo niya kaya wala na itong interes doon. O kaya naman ay hindi na ito kumakain ng mga hindi sosyal na pagkain. Baka ang mga kinakain na lang ni Bart ay mga caviar at steak. "Pasensiya na. Hindi ko kasi alam na kakain ka rito kaya 'yan lang 'yong maihahain ko. Siguro, puro mga pagkaing mahihirap bigkasin ang pangalan na ang mga kinakain mo ngayon kaya hindi ka na natatakam sa adobo." Napangiti si Aera nang maalalang iyon mismo ang tawag noon ni Bart sa mga pagkain ng mga mayayaman—mga pagkaing mahihirap bigkasin ang pangalan. "Right," taas-noong sagot ni Bart. "Puro expensive cuisines na nga ang kinakain ko ngayon. Palibhasa siguro, may dugo talaga akong mayaman kaya no'ng yumaman ako, nag-activate din 'yong expensive palate ko. Since then I can only eat fancy foods." Nalusaw ang ngiti ni Aera. Parang kailan lang, kumakain pa si Bart ng isaw at sinisipsip pa nito ang sauce sa stick, ngayon ay may nalalaman na itong expensive palate at can only eat fancy foods. Naalala tuloy niya noong naglalaway sila sa steak sa Emiliani's. Ang sabi nito, balang araw kakain sila doon. Nadala kaya siya ni Bart doon pero hindi lang niya maalala? Masarap kaya talaga ang steak sa Emiliani's? "Gano'n ba? Pang-mahirap lang ang mga kaya kong lutuin, eh. Siguro, kung may mga natutuhan akong lutuin na ibang cuisine, hindi ko na maalala." Tinapunan ni Bart ng tingin ang adobo. "That's fine. Ang hindi ko lang ine-expect, dalawa ang plato sa dining." Ibinalik ni Aera ang tingin sa mesa at tiningnan ang plato niya. Mukhang ayaw ni Bart na makasalo siyang kumain. Alila nga yata talaga ang turing nito sa kanya na hindi puwedeng sumabay sa amo sa pagkain. Malungkot siyang bumuntong-hininga. "Pasensiya na." Dinampot ni Aera ang plato na para sa kanya. "Mamaya na lang ako kakain." "No. 'Andyan na rin lang 'yan, sumabay ka na." Umupo na si Bart at nagsimulang kumuha ng kanin. Ibinalik na lang ni Aera ang plato sa mesa at umupo na rin. Pinanood niya ang pagsubo at pagnguya ni Bart ng adobo at kanin. Na-disappoint lang siya nang walang makuhang reaksiyon mula rito. Dati-rati kasi ay hindi puwedeng hindi siya pupurihin ni Bart sa adobo niya. "Pinaka-da best na adobo!" "Ang galing talagang magluto ng beb ko." "Mukhang bobondat na naman ako nito. Sobrang sarap kasi talaga ng adobo mo, beb." Nakaka-miss ang mga panahong iyon kahit pakiramdam niya ay recently lang nangyari. Nagsimula na lang sa pagkain si Aera. Hindi na siya mahal ni Bart kaya malamang ay hindi na rin nito gusto ang adobo niya. Pero at least ay nakakasama niya itong kumain ngayon. Ang akala niya, hindi na mangyayari ang moment na ito. Ang laki na talaga ng ipinagbago ni Bart. Kahit pati paraan ng pagkain nito, iba na rin. May table manners na ito. Mukhang maingat na sa pagkain. Dati ay lamon lang kung lamon. Ngayon ay may finesse na. Sa kakakain siguro sa mga fancy foods sa expensive restaurants kaya nahasa ang sopistikadong paraan nito ng pagkain. "Ang sosyal mong kumain," puna ni Aera para i-break ang ice sa pagitan nila. "Parang steak 'yang kinakain mo." "Hindi na 'ko patay-gutom ngayon, Aera. Kaya 'wag mo nang hanapin 'yong dating Bart na minsan nagkakamay lang sa pagkain at nakataas pa sa bangko 'yong paa. Kumakain ako kasama ng family ko, business associates and clients and with other rich people, so I had to train to eat like them. I had to talk like them, behave like them... hanggang sa makasanayan ko na." "Ang hirap siguro ng adjustments na ginawa mo para maka-fit in sa mundo nila. Pero hindi mo ba nami-miss 'yong dati mong buhay?" Naglabas ng hangin mula sa ilong si Bart. "Are you kidding me? Bakit ko mami-miss 'yong dati kong buhay? Mas masaya ako ngayon dahil nakukuha ko ang lahat ng gusto ko nang hindi ko kailangang paghirapan nang sobra. I can eat, buy and do whatever I want. I can travel around the world, collect expensive cars, get the best place to live and make everything in my life easy by using money. Because money was never a problem in my new life. Unlike before, na kailangan kong bugbugin ang sarili ko para lang magkapera nang kakarampot. I don't want to go back to that kind of life. I don't even want to recall it." Oo nga naman. Sino ba ang ayaw ng maluho at madaling buhay? Alam ni Aera kung gaano pinangarap ni Bart ang yumaman kaya alam rin niyang masaya ito ngayon at hindi na hahangarin pang bumalik sa dating buhay... sa buhay na kasama siya. Bumigat ang dibdib ni Aera. Isa siguro siya sa dahilan ni Bart kung bakit hindi na nito nami-miss ang nakaraan. Parte kasi siya ng buhay nito noon. "Ang saya-saya mo nga siguro talaga..." "'Couldn't be happier. There's nothing I can't do now. Dati, pinapangarap ko lang mag-travel around the world, 'di ba? Ngayon, sasakay na lang ako sa private plane ni Grandpa and I can be wherever I want to be. In fact, I've already been to Paris thrice and to Switzerland once." Paris at Switzerland... Ang sabi ni Bart noong first anniversary nila, kapag yumaman sila, sa Paris ito magpo-propose ng kasal sa kanya at sa Switzerland sila ikakasal. Lalong bumigat ang dibdib ni Aera. Bakit kailangan pang i-special mention ni Bart ang partikular na mga bansang iyon? Gusto ba talaga nitong manghinayang siya sa buhay na dapat ay tinatamasa rin niya ngayon kung hindi niya iniwan ito? Ibinaba ni Aera sa plato ang kutsarang may lamang pagkain at tinitigan si Bart na kasalukuyang inaalis ang tinik ng galunggong gamit ang tinidor. Come to think of it. Sinasadya ba ni Bart na mag-flaunt ng yaman at privileges nito sa kanya? Binanggit ba nito ang Paris at Switzerland para manghinayang siya nang husto sa pinakawalan niya? Mukhang wala naman itong balak na hikayatin siyang bumalik sa buhay nito kaya malamang na gusto lang nitong pabigatin ang dibdib niya sa regrets at self-blame. Mukhang ganoon na nga. Mukhang dinala talaga siya ni Bart doon para parusahan—hindi lang physically, kundi emotionally. Gusto nitong ipamukha sa kanya kung gaano siya kagaga para pakawalan ang isang tulad nito. Ganoon siya ka-hate ni Bart. "I even have my own business now apart from being a director. I loaned the money that I used for it dahil ayokong masabi na nakapagpatayo ako ng negosyo dahil sa pera ng daddy ko. So if that becomes big someday, it's solely my own success." Pinilit na ngumiti ni Aera kahit na parang gusto niyang maiyak. "Masaya ako para sa 'yo, Bart. Kasi natupad 'yong mga pangarap mo." Natigil si Bart sa pagsubo ng tininidor na galunggong at tumingin sa kanya. Saglit na may lumarawang panunumbat sa mga mata nito bago ngumisi. "'Nga pala," sabi nito matapos lunukin ang isinubong isda. "Nalinis mo na 'yong pool, 'di ba? Punuin mo ng tubig. Magsi-swimming ako mamaya." PADABOG na ikinampay ni Bart ang mga braso at binti sa tubig. Ibinuhos niya sa paglangoy ang pagmamaktol sa sinabi ni Aera kanina habang kumakain sila. "Masaya ako para sa 'yo, Bart. Kasi natupad 'yong mga pangarap mo." His teeth clenched. Pangarap ko? Pangarap natin 'yon, damn it! Pangarap nilang dalawa ni Aera iyon. Ang mga pangarap niya noon ay para rin dito. Gusto niya ng maalwang buhay para sa sarili dahil sa hirap na dinanas simula pagkabata pero gusto rin niyang maibalik kay Aera ang dating magandang buhay na nawala rito. He dreamed to get that house for her. He planned to live there with her after they got married. Gusto niyang maramdaman ni Aera na para na ring bumalik ang dating buhay nito sa bahay na iyon. Wala man ang mga magulang nito pero nandoon siya at ang mga magiging anak nila... sana. She had no idea how he had acquired that house. He had to buy it twice the market price to secure possession of it because the owner suddenly did not want to sell it anymore. He wanted to make her happy by fulfilling her dream. But she ruined everything. She ruined his dream with her. Nang tumigil sa paglangoy si Bart ay nakita niya si Aera na nakatayo sa tabi ng pool bench, dala ang wine bottle at glass na hiningi niya kanina. Hindi napigilan ni Bart ang tingnan ito nang may panunumbat. Why did you have to do that, Aera? Why the hell did you ruin our dream? "Bart, nandito na 'yong wine mo." Umahon si Bart mula sa swimming pool. Habang papalapit siya kay Aera ay napuna niyang nakatingin ito sa naked trunk niya. Base sa reaksiyon nito, parang nabigla ito sa nakikita. Kunsabagay ay hindi nga pala nito naaalala na nagkaroon na siya ng biceps at abs. The last memory she had was the day they celebrated their first anniversary. He was still lanky then, alangan sa natural na maganda at makurbang katawan ni Aera. As time went by, he became conscious with his physique so he started to go to the cheapest gym in their area to improve his body built. Nagkaroon siya ng abs noon pero mas gumanda pa ang katawan niya ngayong may personal fitness trainer na at mas advanced na fitness equipments. Hindi lang ang katawan ni Bart ang in-improve niya sa mga panahong iyon kundi pati ang English skills. Kailangan kasi niya ng good communication skills sa trabaho dahil sa kagustuhang ma-promote sa mas mataas na posisyon. Ang akala siguro ni Aera ay na-attain niya ang lahat ng improvement na nakita sa kanya noong yumaman na siya. Tumigil si Bart sa harapan ni Aera at dinampot ang wine bottle at glass. Doon mismo malapit sa babae siya nagsalin ng wine sa baso at uminom habang pinagmamasdan ang reaksiyon nito. Nakita niya ang paglunok na ginawa ni Aera bago nag-iwas ng tingin. Halatang naging uncomfortable ito sa closeness nila habang maikling salawal lang ang cover ng katawan niyang nakabilad sa harapan nito. Pero obvious rin namang nagustuhan nito ang nakita. Oh, yes. Matapos niyang i-flaunt dito ang magandang buhay na dapat ay tinatamasa nito ngayon, siguro ay dapat din niyang ibandera ang katawang sinayang nito para mas magsisi ang babae. Nang muling magtama ang mga paningin nila ay nakita ni Bart ang matinding pagkailang ni Aera nang papungayin niya ang mga mata. She did not remember anything beyond that day in the park. Kaya hindi rin nito naalala na maraming beses nang may namagitan sa kanila sa loob ng mga sumunod na taon. She must be curious about those particular memories. "U-uhm..." she stammered. "Babalik na ako sa loob. Magpapahinga na 'ko." Umakma na itong lalayo pero hinawakan niya ang braso nito. "Aren't you curious?" "Huh?" "I told you earlier that I've already seen you naked." Bahagyang namilog ang mga mata ni Aera. Lumawaran ang matinding pagkailang sa mukha nito. "I've lost count on how many times we made love over the years." She swallowed hard. "H-hindi ko naman... tinatanong." Napangisi si Bart. "You don't remember any of it, right?" "'Wag mong sabihing... ikukuwento mo ang mga detalye para ipaalala sa 'kin?" Hindi niya napigilan ang matawa. Binawi ni Aera ang braso mula sa kanya. "Marami akong gustong itanong sa 'yo tungkol sa nakaraan natin na hindi ko maalala pero hindi kasama 'yan." Umatras na ito. "Matutulog na 'ko." Sinundan ni Bart ng tingin si Aera hanggang sa makapasok ito at pagkatapos ay tiningnan ang palad na sumayad sa balat nito. There was a strange sensation going on there. Did he happen to miss the touch of her skin?

Between An Old Memory And Us - Heart YngridWhere stories live. Discover now