Chapter 11

181 6 0
                                    

CHAPTER ELEVEN

IBINAGSAK ni Aera ang katawan sa kama sa loob ng dating kuwarto niya sa mansiyon. Maghapon siyang naglinis ng bahay kaya pagod na pagod siya. Actually, kahapon pa niya sinimulan ang paglilinis pero hindi pa rin tapos. Malaki ang mansiyon kaya malamang ay aabutin siya ng dalawang linggo bago malinis ang buong bahay. Napangiti siya habang nakatitig sa kisame. Kahit pagod ay masaya siya. Mas gugustuhin niyang sumakit ang katawan sa kalilinis ng bawat sulok ng mansiyon kaysa ang magbilad ng alindog sa car wash shop ni Polly. Speaking of Polly, b-in-lock siya nito sa Facebook. Alam niyang galit na galit ito sa kanya kaya hindi siya nagpakita rito pagkatapos niyang umalis nang hapong iyon kasama si Bart. Ang alam niya ay natanggap na nito ang tseke na galing sa lalaki kaya wala na siyang atraso rito. Pero alam niyang selos na selos na naman ito sa kanya dahil ang akala nito ay gusto siyang protektahan ng kanyang ex kaya ginawa iyon. Ang hindi alam ng beki ay guilt ang dahilan kung bakit ginawa iyon ni Bart. At iniligtas lang siya ng ex para lang alilain din. Pero gusto niya ang klase ng pang-aalilang iyon dahil mahal niya ang mansiyong iyon. "Mommy... Daddy... hindi ko man natupad 'yong pangarap kong mabawi balang araw ang mansiyong 'to, at least, makakatira uli ako kahit pansamantala at maaalagaan ko ito habang nandito ako." Mula pa kahapon ay kinakausap ni Aera ang mga magulang habang naglilinis siya na para bang naroon pa rin ang mga ito sa mansiyon at magkakasama uli sila roon. Simula nang maaksidente siya at mawalan ng memorya ay niyon lang siya nakadama ng saya. Pansamantala ay nawala sa isip niya ang amnesia at ang tungkol sa buhay niyang nasira dahil sa sarili niyang kagagawan. Pumayag si Bart na doon siya matulog sa dating kuwarto na inookupa niya. Pumayag din itong lagyan niya ng tubig ang swimming pool kapag natapos niyang linisin iyon. May gas stove doon, refrigerator at kitchen and eating utensils kaya puwede rin daw siyang magluto. Malamang ay puwede rin niyang gamitin ang pool. Tutal ay wala naman doon si Bart para bantayan siya. Buti na lang at siya lang mag-isa ang titira roon kaya magagawa niya ang lahat ng gusto niya. Naramdaman niy Aera ang pagkalam ng sikmura kaya bumangon na siya para magluto ng makakain. Kaya lang, nang bumaba siya ay nagulat siya nang makita si Bart na nakatayo sa gitna ng living room habang inililibot ang tingin sa paligid. "B-Bart! Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong niya habang bumababa ng hagdan. "This is my house. So malamang, puwede akong pumunta kapag ginusto ko." Baka pumunta ito para i-tsek ang development ng paglilinis na ginagawa niya sa bahay. Nakasuot pa si Bart ng business suit kaya siguro ay dumaan ito roon galing sa trabaho. Nang tuluyang makababa si Aera ay lumapit siya sa lalaki. Bumaba at tumaas ang tingin nito sa kanya bago pumirmi sa mukha niya ang paningin. Saka lang niya na-realize kung gaano karumi at kagulo ang hitsura niya nang mga oras na iyon. Sinapo ni Aera ang buhok na gulo-gulo at niyuko ang damit na puro bahid ng dumi. Mukha talaga siyang alila nang mga oras na iyon. Medyo na-conscious tuloy siya sa hitsura niya. Ang bango-bangong tingnan nito, samantalang siya ay mukhang basahan. Nagbuga ng hangin si Bart. "You really took cleaning seriously, huh?" "Oo naman. Inuna kong linisin 'tong living room." "Let me see." Lumapit ito sa lumang grand piano na isa sa mga gamit na iniwan nila nang ipagbili ang bahay na iyon. Iniwan din iyon ng dating nakabili dahil siguro ay sira na. Sinubukan kasi ni Aera na tipahin ang tiklado niyon kahapon pagkaalis niya ng cloth cover pero walang tunog na lumabas. Ang akala ni Aera ay ang piano ang hahawakan ni Bart pero sa baseboard sa gilid dumapo ang daliri nito. Pinaraanan nito ang hintuturo doon at itinapat sa paningin ang daliri. Pagkatapos ay ipinakita sa kanya ang alikabok na dumikit sa balat nito. "Hayaan mo, uulitin ko na lang. Susuyurin ko lahat ng sulok-sulok." Kung saan-saan pinahid ni Bart ang daliri para maghanap ng alikabok—sa bintana, wallpaper, inner parts ng wooden carved railings ng hagdan at kung saan-saan pang sulok. "I'm not satisfied." "Sorry, pagbubutihin ko pa." "Hindi mo puwedeng lagyan ng tubig 'yong pool hangga't hindi mo nalilinis ang lahat ng sulok ng bahay na 'to." Hindi naitago ni Aera ang disappointment. Balak pa man din niyang lagyan ng tubig ang swimming pool dahil gusto niyang lumangoy doon na tulad nang dati. "Alam ko kung bakit gusto mong lagyan ng tubig ang pool. You want to swim in it. But you can't do that unless I approve of your work performance." Naalala ni Aera ang sinabi ni Bart noong araw na hinila siya nito paalis sa car wash shop ni Polly... "Kung may dapat magparusa sa 'yo, walang iba kundi ako. Dahil sa akin ka may kasalanan nang malaki." Baka ito na ang unang hakbang para maparusahan siya ni Bart—ang gawin siyang alila. "ANO 'ka mo? Pinatira mo si Aera sa bahay na binili mo na dating bahay ng pamilya niya para gawing caretaker?" Tumango si Bart sa pangungumpirma ni Allan at lumagok ng beer mula sa boteng hawak. Pinapunta niya ang kaibigan sa penthouse ng gabing iyon. Naupo sila sa couch sa malawak na balcony kung saan tanaw ng city lights. Mukhang hindi alam ni Allan kung matatawa dahil sa tingin nito ay kalokohan ang ginawa niya o magtataka sa pinaggagagawa niyang hindi dapat niya ginagawa. Bart said he did not want anything to do with Aera, and she did not want to see her again, but he even took her to the house he owned and made her its caretaker. "Bakit kailangan mong gawin 'yon?"   Bago pa makasagot si Bart ay nagsalita na agad si Allan. "Ah... 'wag mong sabihing gusto mo lang maranasan niyang tumira uli sa dati nilang bahay na miss na miss na niya kaya ginawa mo na lang siyang caretaker para hindi obvious. Ang sweet mo naman, 'tol." "Gago," he said while glaring at his friend. Tumawa si Allan. "Binayaran mo pa 'yong utang niya kay Polly para lang hindi na siya nababastos sa car wash. Ang protective mo namang ex." Parang gusto niyang ipukpok ang hawak na bote sa ulo ng kaibigan. "Nagi-guilty lang ako kasi alam kong ako ang dahilan kung bakit ginagawa 'yon ni Polly sa kanya. Mainit ang dugo ni Polly kay Aera dahil sa 'kin." "Ayaw mo no'n? Hindi mo na kailangang kumilos para maparusahan si Aera? Ibang tao na ang gagawa para sa 'yo." Ibinalik ni Bart ang tingin sa mga nagtatayugang gusali sa Makati. "Gusto kong ako ang magparusa sa kanya." "Kaya mo siya pinatira sa mansiyon para alilain?" "Na-gets mo naman pala, eh." "Sa tingin mo, napaparusahan mo na siya sa gano'ng paraan? Dati pa naman mahilig maglinis at mag-ayos ng bahay si Aera." "Pero hindi sa ganoon kalaking bahay at walang malaking swimming pool na kukuskusin niya at tatanggalan ng molds bawat tiles dahil sa tagal na hindi nagagamit. Wala siyang katulong. Mag-isa lang niyang pakikintabin lahat ng sulok ng mansiyon." Tumawa si Allan. "Ang baduy mo, 'tol." Ngumisi si Bart. "Kulang pa 'yon sa ginawa niya sa 'kin. 'Yong sakit ng katawan na mararanasan niya sa paglilinis ng buong mansiyon, one percent lang 'yon sa sakit na ipinaranas niya sa 'kin." Lumuglog ng beer si Allan. "Ano nga palang sinabi niya sa 'yo noong nagkita kayo bago itong kay Polly?" Hindi agad nakasagot si Bart. Hindi na mahalagang malaman pa ni Allan ang tungkol sa hinala ni Aera na may nagpalayo rito sa kanya at pati ang tungkol sa pinagpanggap nitong kalaguyo dahil wala namang proof. Malay ba niya at baka sinabi lang din ng lalaking iyon kay Aera ang kasinungalingang iyon dahil wala namang maaalala ang babae? Baka iniwan nito si Aera kaya umiwas din ang mokong na makatanggap ng galit sa babaeng walang memorya kaya gumawa na lang ng kuwento at pinaniwala si Aera. "Humingi lang uli siya ng tawad." "Halatang hindi mo pinatawad. Pinarurusahan mo pa, eh." "Hindi lang 'yon ang parusa ko, 'tol." "Ano pa bukod sa pagkuskos ng bawat tiles ng swimming pool?" I will exact revenge. I will make Aera regret what she did to me. I want her to cry every day, thinking about what could have beens and if onlys. I want her to constantly blame herself for leaving me. And I need to witness it myself. That's why I need her close to me so she can see clearly how much she had lost when she let me go... Ngumisi si Bart bago muling lumagok ng beer.

Between An Old Memory And Us - Heart YngridWo Geschichten leben. Entdecke jetzt