Chapter 4

212 8 0
                                    

CHAPTER FOUR

NAKATITIG lang sa puting pader ng hospital room si Aera habang si Polly ay patuloy sa pagputak. Mga five minutes na siyang kinagagalitan ng beki dahil sa ginawa niyang pagtakas sa ospital kanina. Nalagasan daw ito ng buhok kanina dahil sa stress nang malamang nawawala siya. Pagkatapos ay malalaman nitong nanira siya ng kasal. Naghinala raw sina Polly at Carrie kung bakit siya umeskapo at kung saan siya pumunta. Nang pumunta ang dalawang beki sa simbahan ay naabutan ng mga itong nag-aalisan na agad ang guests sa kasal at umalis nang mag-isa ang bride sakay ng bridal car. "At saka ang lakas ng loob mong gaga ka!" singhal ni Polly. "Alam mo bang puwede kang ipakulong ng mga iyon dahil sa ginawa mo?" "Ano'ng ikakaso sa kanya?" tanong ni Carrie. "Theft o robbery? Kasi nagnakaw siya ng groom, eh." "Gaga! Alarm and scandal. At saka hindi naman niya na-take home 'yong groom. Nilayasan din siya." Tulala si Aera nang ihatid ni Bart sa ospital kanina para ibalik doon. Pagkatapos nitong sabihin ang dahilan kung bakit sila naghiwalay, para na siyang nawala sa sarili. Hindi niya matanggap na siya ang may kasalanan kung bakit nasira ang pitong taong pinagsamahan nila. She cheated on him. Siya—si Aera Mae Nicolas—ay nagawang mangalunya! "Nagtaksil ka sa 'kin, Aera. Pumunta ako sa bahay mo nang walang pasabi kasi balak kitang i-surprise. Pero ako 'yong na-surprise kasi nakita kitang may katabi sa couch. Nakaakbay sa 'yo 'yong officemate mong lalaki. Nakahilig ka sa dibdib niya habang nagne-Netflix and chill kayo. May sealed condom packs sa coffee table. Hindi ka naman nag-deny na may affair kayo... na matagal n'yo na 'kong niloloko." Hindi siya makapaniwalang naging ganoon siyang klaseng babae. Ni sa hinagap, hindi naisip ni Aera na makakaya niyang gawin iyon kay Bart. "Eh," hirit ni Carrie, "para ano pang may patanong-tanong pa si Father kung may tumututol sa kasal kung bawal naman palang umeksena sa kasalan at puwedeng makasuhan ng alarm and scandal?" "Okay lang sanang pumunta ro'n," sagot ni Polly, "at tumutol kung presentable ang ayos at may grace habang sinasabing, 'father, I disagree to this wedding!' Eh, gaga 'tong si Aera, pumunta ro'n nang naka-hospital gown na may suot pang hospital tag! May gasa sa noo, gulu-gulo pa ang buhok! Sa tingin mo, pakikinggan siya roon? Pagkakamalan lang siyang nakawala sa mental na nangugulo lang sa kasal. Nakakahiya! 'Pag kumalat 'to sa social media, maba-bash kang bruha ka!" "Kawawa naman si Aera..." "Anong kawawa?" kontra ni Polly sa sinabi ni Carrie. "Kasalanan niya 'yan. Hindi siya nag-iisip kaya magdusa siya." "Pero," hirit uli ni Carrie, "bakit ka ba nanggagalaiti diyan, Mamshie? 'Di ba dapat happy ka? Kasi hindi natuloy 'yong kasal ni Bart? Ibig sabihin, single pa rin siya." Narinig ni Aera ang pagsinghap ni Polly. "Oh my god! Oo nga! Single pa rin ang baby ko!" "Hindi siya natali ni Samantha, hindi rin siya nakuha pabalik ni Aera. Kaya ibig sabihin... para sa 'yo talaga siya, Mamshie!" Nagtilian ang mga beki. Naabala tuloy ang pakikipagtitigan ni Aera sa pader. Nang ilipat niya ang tingin sa dalawa ay nagtatalunan na ang mga ito habang magkahawak ang mga kamay. Tumigil sa pagtalon si Polly nang magtagpo ang mga mata nila ni Aera. "Fine. Hindi na 'ko galit. Kasi napakinabangan ko naman 'yong kagagahang ginawa mo." Mabilis na namuo ang luha sa mga mata ni Aera. Kanina pa niya gustong umiyak pero ngayon lang lumabas ang mga luha niya. Dinaluhan siya ni Carrie. Naupo ito sa gilid ng kama niya. "Okay ka lang, ses?" Umiling siya nang mabagal. Mabilis na pumatak ang mga luha niya. "Anong pagdadrama 'yan?" sita ni Polly na tumayo sa harap ng kama niya. "Ano ba kasing nangyari sa kasal kanina? Ano'ng ginawa mo? Bakit imbes na sumama sa 'yo 'yong groom, eh, inihatid ka lang dito?" "Oo nga," sabi ni Carrie. "Spill the tea!" "Tama ako, 'no? Na ikaw talaga 'yong may kasalanan kung bakit kayo nag-break. At saka malamang, hindi ka na niya mahal. Kasi kung mahal ka pa rin niya, malamang nag-runaway na 'yong groom kasama ka." Hindi na napigilan ni Aera ang mapahagulhol. "Napakasama kong babae..." "Pa'no mo nasabi 'yan, ses?" tanong ni Carrie. Atungal lang ang isinagot ni Aera rito habang nakasubsob sa mga binti. "Oh... my god!" malakas na sabi ni Polly. "Nag-cheat ka kay Bart! Hindi mo lang siya basta ipinagpalit! Nagtaksil ka! Nag-two time ka! 'Yong lalaking pumupunta sa bahay mo pagkatapos n'yong mag-break ni Bart... 'yon ang ka-affair mo! Malandi ka!" "Pa'no mo nasabi 'yan, Mamsh?" tanong ni Carrie. "Hayun na nga 'yong clue, eh. Napakasama niya raw na babae. Malamang sinabi sa kanya ni Bart 'yong ginawa niya kaya nagkakaganyan siya ngayon. Hindi siguro siya makapaniwala that she's a filthy two-timing bitch!" Suminghap si Carrie. "Sana all!" Mukhang binatukan ito ni Polly kaya um-aray. "Anong 'sana all' ka diyan? Sana all cheater?" "Sana all maraming boys." "Hindi ko 'yon gagawin kay Bart," sabi ni Polly, "kapag napasaakin siya. I will handle him with care and I will never break his heart." Lalong lumakas ang iyak ni Aera. She broke Bart's heart. Iyon mismo ang iniiyakan niya. Hindi niya matanggap na sinaktan niya ang lalaking pinakamamahal niya. Nakita niya sa mga mata nito kanina kung gaano ito nasaktan sa ginawa niya. Pakiramdam niya ay nadurog ang puso niya. PINAGMASDAN ni Aera ang tatlong magkakatabing establisimento sa harapan niya. Sa left side ay isang beauty salon. Sa right side naman ay isang milk tea shop. At sa gitna ay ang dating car wash ni Mang Baste pero improved version na. Kasalukuyang may isang kotse na nililinis doon ang isang car wash boy. Lahat ng iyon ay mga negosyo ni Polly. Kaya naman taas-noo ang beki habang ipinangangalandakan sa kanya ang pagiging isang successful "businesswoman" nito.   Mapera si Polly kaya naman nagawa nitong mabayaran ang hospital bill niyang hindi lahat ay sinagot ng health card at Philhealth kaya malaki pa rin ang kinailangang bayaran sa ospital. Umabot sa four hundred sixty thousand pesos ang bill ni Aera sa ospital. Wala pang kalahati ang sinagot ng HMO at Philhealth. Kaya paglabas niya ay may utang siyang two hundred ninety thousand pesos kay Polly. Confident naman si Aera na may ipon siya dahil matipid siyang tao at mahilig mag-save at malamang din na may insurance siya at covered niyon ang accident. Kaya puwede rin niyang ma-reimburse ang nagastos sa ospital kaya paglabas sa ospital ay kinalkal agad niya ang mga gamit sa bahay para hanapin ang passbook at insurance. Pero wala siyang nakitang insurance at ang laman ng kanyang passbook ay one hundred fifty thousand pesos lang. May nakita pa siyang isang ATM card na mukhang pinagbabagsakan ng sahod niya at sinubukan niyang hulaan ang pin code niyon. Nahulaan naman niya pero nanlumo siya nang makitang sampung libo lang ang laman ng ATM card. Kaya ngayon ay may utang pa si Aera kay Polly at hindi ito pumayag nang sabihing babayaran na lang niya ang natitirang utang sa oras na bumalik na ang alaala niya. Ang sabi nito, since hindi na siya makakabalik pa sa trabaho dahil wala siyang kapasidad na maging accountant sa mga panahong iyon ay magtrabaho muna siya sa negosyo nito. Pagtrabahuhan daw niya ang utang niya para makabayad siya nang paunti-unti hanggang sa bumalik sa dating sarili. Pumayag na lang si Aera dahil wala rin naman siyang mapagkukuhanan ng kakainin kung kinuhang lahat ng bruhang bakla ang pera niya. "Papipiliin mo ba ako kung saan ko gustong magtrabaho?" tanong ni Aera sa beki. Tumuon ang tingin niya sa kanan. "Sa milk tea shop na lang. Turuan mo na lang akong magtimpla ng milk tea." Eight years ago ay mayroon nang milk tea pero hindi pa ito ganoon kasikat. Hindi tulad sa kasalukuyang panahon na halos lahat ng maraanang kalsada ay may tindahan na ng milk tea. Umigkas ang kilay ni Polly. "Anong papipiliin? Hindi kita pinapapili. Magtatrabaho ka sa lahat nang 'yan." Napanganga si Aera. "Ha?" "Monday and Tuesday, doon ka sa parlor. Magwalis-walis ka roon ng ginupitang buhok, magsa-shampoo ng customer, tatayo sa counter..." Itinuro nito ang milk tea shop. "Wednesday and Thursday, doon ka sa milk tea shop. Mag-a-assist ka kay Jelay sa pagtimpla ng milk tea at maglilinis ng shop. Friday and Saturday, dito ka sa car wash." "Ano'ng gagawin ko sa car wash?" "Ano pa? Eh, di maglilinis ng kotse!" "Paglilinisin mo 'ko ng kotse?" hindi makapaniwalang pagkumpirma niya. "Ano pa ba?" Bumalik ang tingin ni Aera sa car wash boy na may hawak na malaking sponge na ikinukuskos nito sa car door. Ni wala siyang nakitang kotse sa garahe niya. Wala siyang sasakyan kundi ang scooter na naibangga niya kaya malamang ay hindi rin siya marunong maglinis ng kotse. At saka sa ganda niyang iyon, gagawin lang siyang car wash girl ng malditang beking ito? "Baka naman... puwedeng sa parlor na lang, saka sa milk tea shop ako—" "Hindi puwede! Kung hindi ka papayag sa gusto ko, ibalik mo ngayundin ang perang ipinambayad ko sa hospital bill mo." Inilahad ni Polly ang palad habang may pagtataray ng kilay. "Kung hindi, idedemanda kita ng fraud." "Fraud?" "Dahil t-in-rick mo 'kong bayaran 'yong hospital bill mo by telling me na siguradong malaki ang savings mo at mababayaran mo ako paglabas mo sa ospital." Hindi nakaimik si Aera. Halatang naligayahan si Polly dahil hindi siya makalaban dito. "Ilang taon kang nagtrabaho, one hundred fifty K lang ang naipon mo?" May ipon naman talaga siya. Nang tingnan kasi niya ang previous entries ng kanyang passbook ay malaki-laki naman ang pera niya a few months ago. Umabot sa mahigit six hundred thousand ang ipon niya pero nag-withdraw siya nang malaking halaga two months ago. Saan kaya niya ginamit iyon? "Poor Aera..." patuloy ni Polly habang nakatingin sa kanya na parang naaawa pero alam niyang nagdiriwang ito internally. "Wala na ngang memory, wala nang dyowa, wala pang pera." Oo nga. Poor her. Hindi sana siya nagdurusa ngayon kung hindi siya isang napakalaking gaga. Hindi pa rin talaga lubos maisip ni Aera kung bakit niya nagawa iyon kay Bart. Kung paano niya naatim na sirain ang pitong taong pinagsamahan nila nang dahil sa ibang lalaki. Ni hindi niya maalala kung sino ang lalaking iyon at halatang wala na ito sa buhay niya sa kasalukuyan. Kailangan niyang alamin kung ano ang mga nangyari sa kanya sa loob ng walong taon. Lalong-lalo na ang mga kaganapan bago sila naghiwalay ni Bart. Pero paano niya gagawin iyon? Saan siya magsisimula? Alam niyang wala siyang tiyagang magsulat ng diary kaya imposibleng mayroon siyang written memories. Wala na ang tiya ni Aera na makakatulong sana sa kanya—hindi lang sa monetary problem niya kundi sa memory retrieval. Baka sinabi niya sa tiya ang dahilan kung bakit nagawa niyang ipagpalit si Bart sa ibang lalaki. Medyo masikreto siyang tao kaya malamang ay sinabi niya lang iyon sa taong malapit sa kanya. Ito lang ang pinagkakatiwalaan niya at si Bart. Biglang naalala ni Aera na mayroon pala siyang nag-iisang close friend ayon kay Polly. Siguradong marami itong nalalaman sa kanya. Baka matulungan siya nito sa pagpapabalik ng mga alalang nawala sa kanya. At baka pati sa problema sa salapi ay ma-rescue siya ng kaibigan. "Hihingi ako ng tulong sa friend ko!" bulalas ni Aera. "'Di ba, sabi mo, nasa Korea siya? Baka mapera 'yong Koreano niyang asawa." "Kay Maris? Do you even remember her? Mukhang nakilala mo siya noong twenty ka na. Kaya kasama siyang nabura sa alaala mo." "Hindi ko siya maaalala pero maaalala niya 'ko. Tutulungan niya akong makaalala. Marami akong gustong malaman tungkol sa walong taon ng buhay ko." "Paano mo siya kokontakin? Alam mo ba 'yong number niya? Ni wala kang phone." Kasama sa hinalughog ni Aera sa bahay ang cellphone pero wala siyang nakita. Imposible namang wala talaga siyang mobile phone. Ang sabi ni Carrie, baka raw noong naaksidente siya ay kasama niyang lumipad ang cellphone pero nahulog iyon sa imburnal o kaya naman ay nasalo ng snatcher. "Baka naman meron akong contact notes sa bahay ko, hindi ko pa lang nakikita. Kung wala, hahanapin ko siya sa Facebook!" Noong binabantayan siya ni Carrie sa ospital ay nalaman niya mula rito na lahat ng tao sa mundo ay may Facebook na ngayon. Wala pa siyang Facebook account noong twenty-thirteen dahil hindi siya mahilig sa ganoon noon. Kaya naman ipina-search niya kay Carrie ang pangalan sa app. May lumabas namang account niya pero kaunti lang ang public posts na visible. "Naaalala mo ba 'yong password mo sa FB?" Iyon lang. Ni hindi nga niya mabuksan ang account niya sa Facebook dahil failed ang lahat ng hula niyang passwords. Baka rin iba ang ginamit niyang e-mail address doon. Baka hindi ang huling naaalalang e-mail ang gamit niya sa account na iyon kundi bago kaya wala nawala rin sa memorya niya. "Eh, di gagawa ako nang bago tapos hahanapin ko 'yong Maris na 'yon para i-message siya." "Eh, di go! Pero habang hindi mo pa nako-contact si Maris, magbanat ka na nang buto para nauumpisahan mo nang makapagbayad. By the way, kukuhanin kong lahat ng pera mo sa isang account mo. 'Yong nasa isang ATM mong ten K, sa 'yo na kasi kawawa ka naman. Baka wala kang pambayad ng bills." Lihim na naikuyom ni Aera ang mga palad. Napakalupit ni Polly. Wala man lang itong konsiderasyon sa kalagayan niya. Mukhang nakahanap ng tiyempo para pahirapan siya nang husto. All because siya ang minahal ng lalaking pinagpapantasyahan nito noon pa man.  Pero si Polly pa rin ang naroon nang mangailangan siya ng tulong kahit hindi niya hiningi. Kung wala ito, baka sa kangkungan siya pulutin. Hindi siya magagamot noong naaksidente siya at makakalabas ng ospital dahil wala siyang pambayad sa malaking hospital bill. Baka na-tegi na siya nang tuluyan. Kaya malaki pa rin ang utang na loob niya sa beki. Ito pa rin ang sumagip sa kanya. Napabuntong-hininga na lang si Aera. "Bigyan mo muna ako nang dalawang araw para halughugin ang bahay ko. Baka sakaling bumalik ang alaala ko bigla kapag nakahanap ako ng mga makakapagpaalala sa akin sa nakaraan ko. Hayaan mo rin muna akong magdalamhati sa kinasapitan ko. Hindi pa ako nakaka-recover sa katotohanang wala na si Bart sa buhay ko. Kaya bigyan mo muna ako ng time para iyakan lahat ng 'to." Umingos si Polly. "Ang drama. As if naman hindi ka nag-cheat kung maka-emote ka nang ganyan. Naku, pasalamat ka talaga, hindi kumalat sa socia media 'yong ginawa mo kundi isa pa 'yan sa poproblemahin mo ngayon dahil maba-bash ka talaga nang todo. Nakakahiya. Mukhang nagawan ng paraan ng pera ng mga Almendarez at De Ramos na ma-block ang paglabas ng balita tungkol sa tunay na dahilan kung bakit hindi natuloy ang pagsasanib ng dalawang tagapagmana. Kaya walang nakakaalam na isang luka-lukang babae ang dahilan. Pero malay mo, one of these days, makatanggap ka na lang ng subpoena dahil idinidemanda ka nila sa ginawa mong panggugulo sa kasal nila at pagkasayang ng milyones na ginastos sa kasal na 'yon." Magagawa ba talaga sa kanya ni Bart iyon? Ramdam ni Aera na malaki ang galit sa kanya ng ex-boyfriend pero alam niyang hindi ganoong klaseng tao ito. Alam din nitong kaya niya nagawa iyon ay dahil may amnesia siya kaya wala sa tamang sarili nang mga oras na iyon. "Hindi magagawa sa 'kin ni Bart 'yon." "Hindi ka na niya mahal. Kaya puwede ka niyang idemanda, lalo na kung ang family niya ang mag-initiate ng law suit." Parang gustong mapaluha ni Aera. Hindi na siya mahal ni Bart. Wala nang sasakit pa sa mga salitang iyon.

Between An Old Memory And Us - Heart YngridWhere stories live. Discover now