Chapter 6

188 7 0
                                    

CHAPTER SIX

"YES, SIR? Ano po'ng order n'yo?" tanong ni Aera sa lalaking tumayo sa harapan ng counter sa milk tea station. Ngumiti nang malaki ang lalaki habang nakatitig sa kanya. "Ang laki ba ng itinanda ko, Aera? Para hindi mo na ako makilala?" Nanlaki ang mga mata niya nang ma-realize kung sino ang lalaki. "Allan? Ikaw ba 'yan?" Si Allan ang best friend ni Bart simula noong high school ito. Nang lumipat sa barangay nila ang pamilya ni Allan, naging close ang dalawa. Naging magkatrabaho pa nga ang mga ito sa isang fast food chain. Tumango ito. "Kakauwi ko lang uli galing barko." Barko? Tama. Nautical nga pala ang kinukuhang kurso ni Allan noon. Dapat ay ganoon din ang kukuhaning kurso ni Bart dahil mas madali raw umasenso kapag nagtrabaho sa barkong naka-base sa ibang bansa kaya lang ay hindi nito itinuloy dahil ayaw raw malayo sa kanya. Hindi raw ganoong klaseng buhay ang gusto nito para sa kanila. Gusto raw yumaman ni Bart pero ayaw nitong maging long-distance ang relasyon nila. "Gano'n ba?" Magkaibigan pa rin kaya ito at si Bart? "Mayaman ka na ba?" nakangiting tanong ni Aera. Ngumisi si Allan. "Hindi pa, pero umasenso naman. Yayaman lang ako kapag na-promote hanggang sa maging kapitan, kung papalarin. Pero kahit maging kapitan ako sa barko, hindi pa rin magiging 'sing-yaman ni Bart." Nakatitig lang sa kanya si Allan na para bang may gustong itanong pero hindi magawang sabihin ang nasa isip. Pakiramdam ni Aera ay alam na nito ang nangyari sa kanya. Kunsabagay ay kalat na nga pala sa barangay nila na nagkaroon siya ng amnesia. Pero ang tungkol sa pagpigil niya sa kasal ni Bart, hindi ipinagkalat ni Polly dahil sa takot na mademanda ng mga Almendarez at De Ramos. Kaya kung alam ni Allan ang tungkol doon, malamang ay kay Bart nito nalaman. "Bakit nga pala," tanong ni Allan, "nandito ka sa milk tea shop ni Polly? 'Wag mong sabihing magkasosyo na kayo sa negosyo ngayon." "Anong magkasosyo?" Napatingin sila sa bumungad na beki sa pinto ng shop. Nakasuot si Polly ng pang-Miss Gay costume. May feather headress, feather shoal at gown na tadtad ng sequins. Napakaganda ng bakla sa plakadong hair and makeup nito. May beauty pageant na a-attend-an ito bilang isang judge sa gabing iyon. Si Polly lang naman daw ang Miss Gay Alitaptap 2015. Kaya naman tinitingala at hinahangaan ito ng mga kapwa beki dahil sa angking kagandahan. Totoo namang mukha itong babae kapag naayusan at may fake rubber boobs na suot. Hinawi ni Polly ang shoal ala-super model at lumapit kay Allan. "Hindi kami magkasosyo. Empleyado ko siya." Kumunot ang noo ni Allan. "Empleyado?" "Yes!" taas-noong pagkumpirma ni Polly. "Since she lost her job, dito na siya sa akin nagtatrabaho para mabayaran niya 'yong inabonohan kong hospital bills niya. Not only is she working here in my milk tea shop, pati sa parlor at car wash." Napabuntong-hininga na lang si Aera. Kayang-kaya niya ang trabaho sa milk tea shop at parlor. Pero ang sa car wash ay sinusukuan ng mga braso niya. Pakiramdam niya, kapag natapos niyang mabayaran si  Polly ay may triceps na siya. Bumalik kay Aera ang tingin ni Allan. Nakita niya ang trace ng pagkaawa sa mga mata nito. "So, totoo pala talagang nagka-amnesia ka, Aera." Tumango na lang siya. "Hindi ko pa alam kung kailan ako makakaalala o kung babalik pa ba 'yong memory ko at all." Kinalabit ni Polly si Allan. "Eh, ikaw, totoo bang ikakasal ka na sa dyowa mo?" "Oo. Magpapakasal na kami bago ako bumalik sa barko." "Talaga, Allan?" namimilog ang mga matang bulalas ni Aera. "Ikakasal na kayo ni Demi?" Halos sabay na nabura ang ngiti ng dalawa. "Gaga!" singhal ni Polly. "Matagal na silang break ni Demi. Nasa States na 'yong bruha. Dinala na doon ng dyowang AFAM." Napahawak si Aera sa bibig. Si Demi kasi ang huling natatandaan niyang girlfriend ni Allan. "Sorry." Bumalik ang ngiti ni Allan. "Oks lang, Aera. Hindi mo siguro maalala si Connie. Three years na kami." "Gano'n ba? Congrats sa inyo, ha." Humalukipkip si Polly at bumaling kay Allan. "Come to think of it. Pareho kayo ni Bart na hindi nakatuluyan ang first love n'yo." Bumalik kay Aera ang tingin ni Allan. Wala na ang awa sa mga mata nito. Parang may konting panunumbat na roon. Hindi rin siguro masaya si Allan sa ginawa niya sa best friend nito. "Pero," patuloy ni Polly, "naniniwala akong kakarmahin din si Demi sa ginawa niya sa 'yo, tulad ng isa diyan." Gumalaw ang eyeballs nito papunta kay Aera. Nagtaksil din ba si Demi kay Allan? Pero tama si Polly. Mukhang kinakarma siya ngayon dahil sa ginawa niya kay Bart. Alanganin ang ngiti ni Allan na pinaglipat-lipat ang tingin sa kanila ni Polly. "Masaya na 'ko kay Connie kaya hindi ko na iniisip 'yan. Naniniwala din kasi ako na kung hindi para sa 'yo 'yong isang tao, mawawala talaga siya kahit ano'ng gawin mong paghawak sa kanya. At saka, kapag nawala ang isang tao sa 'yo, hindi ibig sabihin, katapusan na ng mundo mo. Dahil may ibang nakalaan para sa 'yo na mas magpapasaya sa 'yo." Bumigat ang dibdib ni Aera sa narinig. Mukhang hindi talaga sila para sa isa't isa ni Bart at may ibang babaeng nakalaan para rito. Siguro nga, may ibang mas deserving kay Bart kaysa sa kanya. "Kailan ba kasi babalik dito si Bart?" tanong ni Polly. "Miss na siya ng buong barangay." "Hindi ko alam, eh." "Pinag-uusapan na siya ng mga marites dito. Nakalimot na raw siya ngayong bigtime na siya. Ilang taon na siyang hindi nagpapakita. Dahil lang ayaw na niyang makita ang pagmumukha ni Aera, pati ang mga tao rito, kinalimutan na ni Bart." "Hayaan mo," pag-assure ni Allan," sasabihin ko kay Bart 'yan." "Sabihin mo, miss ko na siya," maharot na bilin ni Polly. Ngumisi si Allan. "Baka kapag sinabi ko 'yan, lalong hindi pumunta. Baka akala mo, nakalimutan niya na 'yong muntik mo na siyang halikan?" "Lasing ako no'n! Nag-iinuman tayo no'n." Halatang hindi kumbinsido si Allan. Kahit walang naaalala si Aera ay sigurado siyang mapalasing o hindi si Polly ay gagapangin nito si Bart kapag nagkaroon ng pagkakataon. "Kung nahuli lang si Aera ng pagdaklot sa buhok mo para ilayo ka kay Bart, natupad na sana 'yong lifelong wish mo." Matalim ang tinging pinukol ni Polly kay Aera. "Ano'ng tinitingin-tingin mo? Magtimpla ka na ng milk tea!" HABANG nakatitig si Aera sa façade ng mansiyon na dating pag-aari ng pamilya ay nagbalik sa kanya ang childhood memories sa bahay na iyon. Off niya sa trabaho kaya nagpasya siyang puntahan ang mansiyon para tingnan kung kumusta na iyon. Ang huli niyang naaalalang kita roon ay kasama pa niya si Bart. Nalaman nilang ipinagbibili ng kasalukuyang may-ari ang mansiyon. Ang sabi ng lalaki, kapag yumaman daw ito ay iyon ang unang bibilhin nito. Natawa na lang si Aera at ang sabi niya ay may bibili na niyon bago pa yumaman ito. Mukhang may nakabili na nga dahil halatang renovated na ang labas ng mansiyon at walang nakalagay na "house and lot for sale" signage sa gate. Mayroon ding kotseng nakaparada sa labas niyon. Malabo na talagang makuha niya pabalik ang bahay na iyon dahil ni pambayad kay Polly ay wala siyang mapagkuhanan. Nalaman na ni Aera kung saan napunta ang perang nawala sa bank account niya nang pumunta siya sa banko. Nang kalkalin niya ang transaction history ay lumitaw ang pangalan ni Maris at account number nito. Ang hula niya ay inutang iyon sa kanya ng kaibigan. At kaya hindi nito pinapansin ang chat messages na ipinadadala sa Messenger nito ay baka tinataguan na siya ng bruhang iyon. Hindi pa rin mabuksan ni Aera ang Facebook account dahil miski laptop niya ay hindi niya mahulaan ang email at password. Kaya nang makabili ng cellphone ay gumawa na lang siya ng bagong Facebook account at hinanap si Maris. Kaya lang ay walang reply galing dito. Ang sabi naman ni Carrie ay baka dahil hindi sila friends o walang mutual friends kaya napunta sa spam ang message niya. Kapag napunta raw sa spam ay hindi magno-notify sa recipient at hindi makikita ang message unless buksan ng kaibigan ang spam tab sa app nito. Maghintay na lang daw siya na magtaka mismo si Maris kung bakit hindi siya nagpaparamdam o hindi ma-contact nito at ito na ang maghanap ng way para ma-contact siya dahil hindi niya maalala kung sino ang common friends nila na mapagtatanungan kung paano mako-contact ang kaibigan. Malungkot na bumuntong-hininga si Aera habang nakatanaw sa bintana ng dating silid sa mansiyon. Kung hindi siguro niya sinira ang relasyon nila ni Bart ay may posibilidad na nabawi na niya ang bahay na iyon sa pamamagitan nito dahil mayaman na ang lalaki. "Sorry, Mommy, Daddy... Hindi na po talaga matutupad 'yong pangarap kong maibalik sa atin ang bahay na 'to." Namalayan na lang ni Aera ang pagtulo ng mga luha niya. Iyon na siguro ang huling sandaling makikita niya ang mansiyong iyon. Hindi na siya babalik pa roon dahil alam niyang imposible na talagang mabawi pa niya ang bahay na iyon. Pinawi ni Aera ang mga luha at nagpasyang lumapit sa bahay para sa kahuli-hulihang pagkakataon ay mahawakan kahit man lang ang gate nito. Gusto sana niyang pumasok doon. For the last time ay gusto niyang makita ang loob ng bahay pero alam niyang imposible. Habang hinihimas ang silver steel gate ay napapitlag siya dahil biglang bumukas iyon. Mabilis niyang hinawi ang sarili dahil baka mahagip siya ng gate. May isang matangkad na lalaking lumabas mula roon at ganoon na lang ang gulat niya nang makilala ito. "B-Bart?" sambit niya. Halatang natigilan din si Bart nang makita siya. "A-ano'ng...?" Napalunok si Aera. "Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong niya kahit may ideya na siya kung bakit naroon ang lalaki. May halong frustration ang buntong-hiningang pinakawalan ni Bart. "This house is mine now." "B-binili mo?" Hinarap siya nito. "Ano sa tingin mo?" Tinupad ni Bart ang pangako sa kanya na bibilhin ang mansiyong iyon kapag yumaman ito! "Bakit mo binili?" "Wala kasi akong mapagtapunan ng pera ko," malamig na sagot nito. "Nagkataong for sale kaya binili ko na lang. Ikaw, bakit ka nandito?" "Ha? Ah... Gusto ko lang... makita uli. Tulad ng palagi kong ginagawa noon. Pumupunta lang ako rito para tingnan lang itong bahay. 'Di ba... isinasama pa nga kita minsan dito?" Tumitig lang sa kanya si Bart. Mukhang alam na niya ang sinasabi nito sa isip. "Sa 'yo na sana ang bahay na ito ngayon kung hindi mo ako ginago, Aera..." Ngumiti si Aera sa kabila ng panghihinayang. Masaya pa rin siyang malaman na pag-aari na ni Bart ang mansiyon. "Masaya ako na sa 'yo napunta 'tong bahay. Salamat kasi nagkainteres kang tirahan." "Hindi ako rito nakatira. Binili ko lang para ibenta uli. You know, buy and sell. Pina-renovate ko para mas mahal kong maibenta. Tsinek ko lang kung ready nang ibenta kaya nandito ako." Parang gustong awatin ni Aera si Bart sa balak nitong pagbentang muli ng mansiyon pero wala naman siyang karapatang gawin iyon. "Gano'n ba?" Hindi naitago ni Aera ang disappointment. "Tapos ka na ba?" Wala ni katiting na warmth sa tono nito. "Huh?" "Tapos ka nang bisitahin 'yong bahay? Kasi aalis na 'ko." Tinapunan ni Aera ng tingin ang loob ng mansiyon. Gusto sana niyang makapasok doon kahit sa kahuli-hulihang pagkakataon. "Alam kong wala akong karapatang humiling sa 'yo pero... kakapalan ko na ang mukha ko," lakas-loob na sabi niya. "P-puwede ko bang... masilip for the last time 'yong loob ng bahay na 'to?" Nagmamakaawa ang tinging ibinigay niya kay Bart. "'Yong huli ko kasing nakita 'yong loob nito, noong umalis kami dito ni Daddy." Hindi sumagot si Bart, nakatitig lang sa kanya nang walang emosyon ang mga mata. "Please?" Pakiramdam ni Aera ay maluluha siya kapag hindi siya pinagbigyan nito. Alam ni Bart kung gaano niya kamahal ang bahay na iyon. Nagpakawala ito ng buntong-hininga. "Fine," halatang napipilitan lang na sagot nito. Hindi naitago ni Aera ang excitement. Binuksan uli ni Bart ang gate at pinapasok siya. Mabilis ang mga hakbang na nilakad niya ang pathway papunta sa front porch kung saan mula roon ay tanaw ang malaking swimming pool. Walang tubig ang pool pero naalala ni Aera ang mga panahong may tubig pa iyon. Usually, tuwing weekend ay lumalangoy sila ng kanyang mommy at daddy sa pool. Lumipad ang tingin ni Aera sa front door na umingit nang buksan ni Bart. Napangiti siya at mabilis na pumasok sa pinto. Nilagpasan niya ang lobby para makapasok sa living room. Hindi niya itinago ang pagkamangha nang mabungaran ang salang may ilang furnitures na natatakpan ng mga puting tela. Hindi siya makapaniwalang nasisilayan uli niya ang bahay na iyon. Walang gaanong nagbago sa interiors ng living room. May improvements at renovations pero hindi na-overpower ang dating disenyo. Pakiramdam tuloy ni Aera ay bumalik siya sa pagkabata habang inililibot ang paningin sa paligid. Hindi niya napigilan ang mapahagikhik na para bang isang bata habang pinupuntahan ang bawat sulok ng mansiyon. Bawat bahagi ng bahay na iyon ay may masasayang alaala na buti na lang ay hindi kasamang nabura sa isip niya. Halatang bored si Bart habang sinusundan siya paakyat sa grand staircase. Of course, hindi na inaasahan ni Aera na maiintindihan pa nito ang sentimental feeling niya dahil wala nang ka-amor-amor sa kanya ang lalaki. Masaya na rin siyang pinatuloy siya nito roon kahit galit sa kanya. Nang marating ni Aera ang dating silid ay mabilis na dumaloy sa alaala niya ang unforgettable moments sa loob ng silid na iyon. May kama roon at ilang furnitures na naka-cover din ng mga puting tela. Naisipan niyang umupo sa edge ng kama. Lalo lang niyang nadama ang nostalgia. Humiga siya sa kama at hindi inalintana ang alikabok ng tela. Habang nakahiga ay tumitig siya sa ceiling at bumuntong-hininga. Gusto uli niyang matulog sa silid na iyon. Napabalikwas ng bangon si Aera nang marinig ang pagtikhim ni Bart na nakasandal sa hamba ng pinto habang nakapamulsa ang mga kamay sa pantalon. "'Sabi mo, sisilip ka lang, hindi matutulog." Tinapunan nito ng tingin ang suot na mamahaling wristwatch. "I'm a busy man, you know." Mabilis na tumayo si Aera. "Isa na lang, please. Kahit 'yong dating kuwarto na lang ng mommy at daddy ko." Hindi na naramdaman ni Aera ang pagsunod ni Bart. Mukhang nabagot na talaga ito sa kasusunod sa kanya. Nang marating niya ang silid ng mga magulang ay pumasok siya at isinara ang pinto. Mula roon ay pinagmasdan ni Aera ang buong silid. Kusang dumaloy sa alaala niya ang mga eksenang napasukan niya sa kuwartong iyon noon. Minsan ay basta na lang niyang binuksan ang pinto at nahuli niya ang mga magulang na magkadikit ang mga labi habang nakaupo sa kama. Simula noon, hindi na puwedeng hindi kakatok si Aera bago pumasok. Naaalala niya ang mga gabing malakas ang ulan. Takot siya sa kulog at kidlat kaya doon siya natutulog sa kama ng mga magulang kapag maingay ang langit. Sa gitna ng mga ito siya humihiga, sabay na inaalo ng mga ito para pawiin ang kanyang takot. Salit-salitan ang dalawa sa pagyakap sa kanya. Namalayan na lang ni Aera na lumuluha na siya. Sariwa pa sa isipan niya ang masasayang alaalang kasama ang mga magulang. Wala na ang mga ito. Kaya walang aalo sa kanya sa mga oras na iyon na kailangan niya ng palad na hahagod sa likod niya habang yakap-yakap siya. Walang papawi sa takot at pangamba niya tungkol sa posibilidad na hindi na bumalik pa ang mga alaala niya. Wala na rin ang kanyang Tita Sally na naging pangalawang ina sa kanya. At si Bart... naroon nga ito pero wala nang pakialam pa sa kanya. Tuluyan nang napahagulhol si Aera hanggang sa mapaupo na siya sa sahig.

Between An Old Memory And Us - Heart YngridWhere stories live. Discover now