Chapter 2

220 5 0
                                    

CHAPTER TWO

"MISS," tawag kay Aera ng driver ng taxi na pinara niya sa labas ng ospital kanina. "Ako ay likas na hindi mausisa sa mga pasahero ko. Hindi ako palatanong na taxi driver. 'Di tulad ng iba. Pero sa pagkakataong ito, puwede ba akong magtanong sa 'yo?" Mula sa bintana sa backseat ay inilipat ni Aera ang tingin sa rear view mirror kung saan sinalubong niya ang tingin ng driver. Natigil siya sa wala sa loob na pagngatngat ng kuko. "Ano po 'yon?" "Bakit nakasuot ka ng damit na pang-pasyente sa ospital? At saka may gasa ka pa at suot na bracelet na tag? Tumakas ka ba kasi wala kang pambayad sa bill mo sa ospital?" "Ho?" "Naniniguro lang na may ibabayad ka sa 'kin. Baka kasi wala kang pera at takbuhan mo lang din ako. Ikaw pa naman ang buena mano ko." "May pera po ako!" Itinaas ni Aera ang one thousand peso bill na kinupit niya sa wallet ni Polly. Nang bumalik ang beki nang araw na iyon ay may kasama itong kapwa bading na hairdresser daw sa beauty salon nito. Si Carrie daw ang magbabantay sa kanya habang nasa ospital siya. Kasalukuyang suspendido raw si Carrie sa parlor dahil nakagupit ng tainga ng customer. At dahil walang raket ay magsisilbi raw munang caregiver sa kanya hanggang sa makalabas siya para raw kahit paano ay may pansustento pa rin sa dyowa. Nalaman ni Aera na wala pala siyang kaibigan na puwedeng magbantay sa kanya sa ospital dahil ang kaisa-isa niyang friend ay dalawang taon nang nakatira sa Seoul, Korea. Nakapag-asawa ito ng oppa na nakilala sa Tinder. Ni hindi niya kilala kung sino ang kaibigang iyon dahil kasama itong nabura sa alaala niya. Habang nasa hospital room ni Aera ang dalawang beki ay nagkuwentuhan ang mga ito tungkol kay Bart at sa magaganap na kasal ng lalaki sa araw na iyon. Nalaman niyang sa San Agustin Church ang venue ng kasal ng kanyang ex at isang oras na lang ay tuluyan nang matatali si Bart sa ibang babae. Sa isang babaeng ang sabi ni Polly ay mas lamang kay Aera nang sampung paligo dahil bukod sa napakaganda ay mayaman at matalino pa. Ipinakita pa talaga ng beki ang pictures ng bride sa kanya mula sa cellphone nito. Nanlumo siya nang i-browse ang pictures ng babae at makita ang kalibre ng ipinalit sa kanya ni Bart. Anak ng isang mayamang businessman na may-ari ng isang malaking pharmaceutical company at kilalang socialite si Samantha De Ramos. Nagtapos ng B.S. in Chemistry with honors at isang philanthropist. Samantalang siya raw ay accounting graduate pero pasang-awa at dalawang beses nag-take ng CPA board exam bago nakapasa. Wala raw siyang ambag sa lipunan at isa lang pabebeng girlfriend kay Bart noon. Junior accountant pa rin daw si Aera sa edad na twenty-six. Nauna pa raw ma-promote sa kanya ang officemate niyang mas bata sa kanya. Hindi niya alam kung paano nalaman ng dalawang beki pati ang sitwasyon sa workplace niya. Mukhang hindi lang CCTV ang ikinabit ni Polly sa tapat ng bahay niya, naglagay din yata ito ng wiretapping device sa ilalim ng desk niya sa opisina. Wala nga siguro talaga siyang panama sa bride ni Bart at handa na sana siyang tanggaping hindi sila ang magkapalad nito pero nang mabanggit ni Carrie na halatang marriage of convenience  lang ang magaganap na kasalan at kagagaling lang ni Samantha sa isang failed long-term relationship ay nabuhayan ng pag-asa si Aera. Hindi love ang nagbuklod sa dalawang ikakasal! Kaya ibig sabihin ay may posibilidad na may feelings pa rin sa kanya si Bart at napipilitan lang na magpakasal dahil inobliga ito ng lolo bilang isa sa mga tagapagmana ng mga Almendarez. Ganoon din si Samantha na malamang ay mahal pa rin ang ex-boyfriend. Right there and then ay nagdesisyon si Aera na pigilin si Bart sa pagpapakasal kay Samantha. Hindi siya makapapayag na masayang ang pitong taong pinagsamahan nila ni Bart at magpakasal ito sa babaeng hindi mahal. Kaya naman nang lumabas si Carrie para kumuha ng hot water sa nurse station at si Polly naman ay pumasok sa banyo para dyuminggel ay pinakialaman ni Aera ang bag ni Polly para hanapin ang wallet nito. Mabuti na lang at inalis na kahapon ang neck brace niya, pati ang nakabalot na gasa sa ulo niya. Maliit na lang ang gasang nakadikit sa noo niya. Kaya ang tusok na lang ng dextrose ang inalis niya sa sarili bago umeskapo mula sa ospital para pumunta sa kasal ni Bart. Yes. She would snatch the groom! Halata ang relief sa mukha ng taxi driver. "Pero bakit ganyan ang hitsura mo? Mukhang hindi pa dapat lumabas." "May... may kailangan lang po akong puntahan sandali. Babalik din ako sa ospital." "Ah..." tumatangu-tangong sambit ng driver. "Pero bakit sa simbahan? Magdarasal ka ba? Magnonobena na sana ay gumaling ka na?" "Hindi po." "Mangungumpisal?" "Hindi rin po." "Eh, ano'ng gagawin mo roon?Alangan namang magsimba ka, eh, wala namang misa nang ganitong oras." "May..." May guguluhin lang akong kasal. "May imi-meet lang po ako sa simbahan." "Sa ganyang hitsura? Bakit hindi ka muna nagbihis ng normal na damit bago ka lumabas ka sa ospital o kaya naman ay pinapunta na lang sa ospital ang taong kakausapin mo? At saka bakit kailangan mo akong pagmadaliin sa pagda-drive kanina na para bang may hinahabol ka?" Alanganin ang ngiting ibinigay ni Aera sa driver. "Hindi pa po kayo palatanong nang lagay na 'yan, ano?" Tumawa ito. "Nandito na tayo sa San Agustin Church." Mula sa taxi driver ay napatingin si Aera sa façade ng malaking simbahan. Matapos magbayad at kumuha ng sukli ay umibis agad siya sa taxi bago pa makapag-follow up question ang driver. Sarado na ang pinto ng simbahan. Ibig sabihin ay tapos nang magsipasukan ang entourage. Ang sabi ni Polly ay alas-diyes ng umaga ang kasal. Bago bumaba si Aera sa taxi ay nakita niya sa orasan na alas-diyes kinse pa lang. Kaya malamang ay kapapasok pa lang ng bride. May dalawang lalaking mukhang bouncers na nakatayo sa labas ng malalaking door panels ng simbahan kaya imposibleng makapasok siya sa front entrance. Pero kung sa ospital nga na guwardiyado ang entrance at exit ay nagawa niyang makaeskapo, dito pa kaya? Naghanap siya ng ibang mapapasukan sa mga gilid ng simbahan. Wala ngang nakatayong bodyguards pero nakakandado ang ibang mga entrada. Kasi naman ay mga mayayamang tao ang nasa loob kaya siguro ganoon ka-secured ang lugar. Kaya ang ginawa ni Aera ay hinanap niya ang pasukan at labasan ng mga pari at sakristan at doon siya pumasok. Dahil espesyal na pasukan iyon ng mga naglilingkod sa simbahan ay diretso ang labas niyon sa altar. Dinig na dinig ni Aera ang boses ng pari na nagsasabi ng paunang salita. Sinilip niya ang labas ng altar at nakita ang bride at groom na nakatayo na sa harapan ng pari. Awtomatiko ang pagtuon ng tingin ni Aera kay Bart na napakaguwapo sa suot na tuxedo. Nang makita niya ang present pictures nito sa Internet mula sa cellphone ni Polly ay napanganga siya sa nakitang improvement sa looks ni Bart. Guwapo naman talaga ito noon pa pero mas gumuwapo ngayon.     Bumagay kay Bart ang pagdagdag ng edad. Ang huling naaalala niya ay medyo dugyutin pa ito. Pero ngayon, para na itong fashion model sa magagandang bihis na noon ay pinapangarap lang nitong maisuot. Mukhang alaga na sa Belo ang kutis nito at may pang-regular gym na kaya tumikas ang pangangatawan. Ibang-iba na si Bart pero alam niyang ito pa rin ang lalaking minahal niya at sigurado siyang minamahal pa rin hanggang sa mga sandaling iyon. Kaya napakasakit para sa kanyang makita itong ibang babae ang katabi sa harapan ng altar ngayon. Siya dapat ang nakatayo roon! Namuo ang luha sa mga mata ni Aera. Hindi siya papayag na makasal ito sa ibang babae. Hindi siya papayag na tuluyan na itong mawala sa buhay niya. "IF anyone can show just cause why this couple cannot lawfully be joined together in matrimony, let them speak now or forever hold their peace." Pinanood ni Bart ang kaliwa't kanang paulit-ulit na pagpihit ng ulo ng officiating priest na para bang nag-e-expect talaga itong may isa mula sa audience ang magtataas ng kamay para pigilan ang kasal nila ni Samantha. Nang balingan niya si Samantha ay nasaksihan niya ang paglingon nito sa nakapinid na main door ng simbahan. Was she expecting her ex-boyfriend to come rushing through that door and stop the wedding? Hindi naman lingid sa kanya na mahal pa rin nito ang ex kahit pitong buwan na ang nakalipas nang maghiwalay ang dalawa. Alam ni Bart na pareho lang sila ni Samantha na ayaw ng kasal na ito pero wala silang magawa para sumuway sa utos ng elders. Lalo na siya, dahil isa lang siyang illegitimate son ng isa sa dalawang anak ng kilalang mall magnate na si Federico Almendarez. Wala siyang karapatang tumanggi sa "pakiusap" ng kanyang long-lost grandpa. He and Samantha were not marrying for love, but for the expansion of wealth and power of their families. Hindi niya akalaing totoong nangyayari ang ganitong klaseng marriage of convenience setup sa mga miyembro ng alta sosyedad hanggang sa yumaman siyang bigla. Who would have thought that this boy who grew up in slums was the long-lost unico hijo of Federico's son, Andrew Almendarez? Buhay pa ang tatay niya. May lolo siya at mga pinsan. At may nakababatang half-sister sa legal wife ng ama. When he thought he had no family at all, he actually had! Wala pang asawa ang kanyang ama nang maka-one night stand ang nanay niya na noon ay nagtatrabaho bilang chambermaid sa isang hotel sa Makati. Ang sabi sa kanya ng ama ay nakainom ito nang gabing iyon at hindi sinasadya ang pangyayari. Mukhang nagkamali raw ito ng napasukang hotel room nang gabing iyon at may naratnan doong isang chambermaid na nag-aayos ng kama sa isang unoccupied room. Hindi nito akalaing nagbunga ang isang gabing iyon dahil wala namang babaeng lumapit dito para ipapanagot ang dinadala. Sigurado si Bart na hindi kilala ng nanay niya si Andrew Almendarez dahil kung alam nitong napakayaman ng lalaking naka-one-night stand ay imposibleng hindi ito kumuha ng sustento sa lalaking nakabuntis dito. Aminado siyang mukhang pera ang nanay niya at may pagka-manggagantso dahil hindi naman totoong nakapanghuhula ito. Ang sabi sa kanya ng yumao niyang nanay ay patay na ang tatay niya. Mukhang nagpanggap lang itong galit kunwari sa "dating boyfriend" para hindi na siya mangulit na makita kahit sa larawan ang ama. Wala rin naman kasi itong maipapakita dahil mukhang hindi nga talaga nito kilala ang nakabuntis dito. Daig pa ni Bart ang nanalo sa lotto sa biglaang pagbabago ng kapalaran. Bigla, isa na siyang tagapagmana ng isang mayamang angkan. Hindi na niya kailangan pang kumayod-kalabaw at palaging magpa-impress sa boss para ma-promote nang ma-promote sa trabaho hanggang sa makaipon nang malaki at makapagpatayo ng negosyong balak niyang palaguin para magsimulang yumaman. At twenty-eight, he was now one of the directors of BWD Holdings na siyang may-ari at nagpapatakbo ng Bestwind chain of malls at isa sa subsidiaries ng Almendarez Group of Companies. In other words, hindi na lang siya guwapo ngayon, he was also a rich man. All along, may dugong "bughaw" pala siya. Napakalayo na ng buhay ni Bart sa dating buhay. Isang taon na siyang nabubuhay sa luho. His dad was quite generous. Mukhang bumawi sa mga panahong hindi siya naalagaan kaya pinaliguan siya ng pera sa nakalipas na isang taon. He now had a huge penthouse in a luxurious condominium building in Makati. He had six cars—apat roon ay luxury sports cars. He had traveled around Europe last Summer. Lumilipad siya sa Paris para lang magkape. Minimeryenda na lang niya ang steak ngayon at ipinanlilimos sa street children ang one thousand peso bill. Hindi lang siya director sa isang chain of malls, may sarili na rin siyang negosyo. Four months ago ay nagtayo siya ng isang burger joint na siya mismo ang nag-conceptualize. Sa ngayon ay malakas kumita ang kauna-unahang branch kaya alam niyang balang araw ay darami ang branches niyon. He was a big deal now. A great catch. Kaya hindi pa rin makapaniwala si Bart na kung kailan mayaman at makapangyarihan na siya ay saka siya iniwan ng kaisa-isang babaeng minahal niya sa buong buhay niya. Tinapunan din ni Bart ng tingin ang main door ng simbahan kahit alam niyang imposibleng pumasok doon si Aera para pigilin ang kasal niya sa ibang babae. Hindi na siya mahal nito. Itinapon na lang nito nang basta ang maraming taong pinagsamahan nila. Sa mismong araw na ipina-announce sa public ang kasal nila ni Sam, natukso siyang bisitahin ang Facebook ni Aera at nagbakasakaling makitaan niya ng pagsisisi ang babae base sa public post nito. Pero bumulaga sa kanya ang status nitong may picture na kumakain ng isaw na mukhang sarap na sarap ito at may "feeling happy" pang nakalagay sa tabi ng pangalan nito. That witch. Muntik na niyang kontakin ang kakilala sa Facebook Philippines para ipa-suspend ang account nito nang araw na iyon sa sobrang galit niya. Oo, galit na galit siya kay Aera. At ayaw na niya itong makita pa kahit kailan. "Father, ako po!" Mabilis na pumihit ang ulo ni Bart sa pinanggalingan ng pambabaeng boses na parang nasa altar mismo. Mukhang sabay pa silang nagulat at napapitlag ng pari nang makita ang babaeng nakatayo sa tabi nito at nakataas ang isang kamay na may nakapaikot pang hospital tag. It was Aera! Nakasuot ito ng hospital gown at may gasang nakadikit sa noo nito. Kinusot ni Bart ang mga mata dahil baka namamalikmata lang siya pero nang tumingin si Aera sa kanya nang may luha sa mga mata ay nasiguro niyang hindi iyon ilusyon lang. Totoong naroon ang ex niya! Halatang namangha rin si Samantha habang nakatingin kay Aera nang nakaawang ang mga labi. At kahit hindi lingunin ni Bart, alam niyang nagulat din ang mga tao sa likuran nila sa biglang pagsulpot ni Aera sa altar. "H-hija..." sambit ng pari na nakahawak sa dibdib. Mukhang nagulat talaga ito dahil bigla ay may katabi na sa likod ng altar table. "A-ano'ng...?" "Tumututol po ako sa kasal na 'to," mariing sabi ni Aera. Narinig ni Bart ang singhapan ng mga tao sa simbahan. Holy... shit?

Between An Old Memory And Us - Heart YngridWhere stories live. Discover now