Chapter 10

181 7 0
                                    

CHAPTER TEN

NATIGIL si Aera sa pagkuskos ng hood ng kotse nang may isang mamahaling sports car ang pumarada sa tapat ng car wash shop. Nahinto rin ang dalawang car wash boy na katulong niya sa paglilinis ng kotse. "Wow!" namamanghang sambit ng eighteen year-old na si Koko habang nakatingin sa Ferrari. "Ang lupet!" "Ang gara!" sabi naman ng twenty-one year-old na si Macoy. "'Wag mong sabihing magpapalinis din dito? 'Di ba sa sosyal na casa nagpapa-linis 'yang mga ganyan?" Pati mga tambay na wala namang sasakyan pero naroon at "nakiki-sightseeing" sa pagkuskos niya ng mga kotse ay nawala na ang atensiyon sa kuyukot niya at nagsilapitan sa pumaradang Ferrari. Lumabas si Polly mula sa loob ng car wash shop, manghang-mangha rin ito. Halos sabay pa silang napasinghap ng beki nang umibis ang nagmamaneho ng kotse. Si Bart! Napakaguwapo nito sa suot na business suit. Nabitiwan ni Aera ang hawak na sponge. Ano ang ginagawa ni Bart dito? A few days ago ay nilayasan lang siya nito at ipinahiwatig na kahit ano pa ang gawin niya ay hinding-hindi na siya mapapatawad nito pero bigla ay ito ang kusang lalapit sa kanya. Napanood din ba nito ang viral video niya? "Baaart!" tili ni Polly. Siyempre ay tuwang-tuwa ang beki na makita si Bart. Mukhang balak pa nga yatang salubungin ng yakap pero nagdalawang-isip yata dahil maraming makaka-witness kung sakaling hawiin lang ito ng lalaki para makaiwas. Lumapit si Bart kay Polly na halata pa ring nasa cloud nine dahil sa wakas ay nakita uli ang first love. "Bart, I've missed you!" parang maluluhang sabi ni Polly pero hindi dito nakatingin ang lalaki kundi sa kanya. Hinagod ni Bart ng tingin ang kabuuan ni Aera. Bigla tuloy siyang na-conscious. Unti-unti na siyang nasasanay na nakabilad ang alindog niya pero nakaramdam siya ng awkwardness sa ginawa ng ex. Saglit nitong tinapunan ng tingin ang audience niya at mga kotseng nakapila. "Magkano ang pa-car wash?" tanong ni Bart. Alam ni Aera na hindi lang siya ang nabigla sa sinabi ng bagong dating. Magpapa-car wash doon si Bart? Ng Ferrari? Marami pa rin ang nakapilang kotse at baka abutin sila ng madaling-araw doon. Pagkatapos ay may dadagdag pang kotse na mukhang nakakatakot linisin dahil isang munting gasgas lang yata ay daan-daang libo na ang kapalit na danyos. "Huh?" manghang sambit ni Polly. "I-ipapalinis mo 'yang mamahalin mong kotse dito?" Saglit na nilingon ni Bart ang Ferrari. "Why not? Hindi ba puwede?" "Pero kasi... ordinary car shampoo, sponge and mitts lang ang gamit namin dito. Baka mangati 'yang Ferrari mo." Ngumisi si Bart. Tumingin ito kay Aera. "I want Aera to take care of it. Only her." Hindi alam ni Aera kung ano ang magiging reaksiyon. Mata-touch ba siya dahil gustong ipagkatiwala ni Bart sa kanya ang kotse nitong milyones ang halaga o maaasar dahil gusto siyang pagurin nito? Sa tuwing nagka-car wash si Aera ay may isa siyang katulong na lalaki dahil kung siya lang mag-isa ang maglilinis ng isang sasakyan ay aabutin siya ng kuwaresma at susuko agad ang mga braso niya. Hindi naman kasi talaga siya h-in-ire ni Polly para maglinis kundi para magsilbing sex symbol sa car wash nito. Pang-attract ng lalaking customers. Kung kanina ay na-excite si Polly sa presence ni Bart ay parang hindi na ito masaya habang pinaglilipat-lipat sa kanilang dalawa ng lalaki ang tingin. "Pero," sabi ni Polly, "marami pang nakapila, Bart. Look." Itinuro nito ang mga kotseng nakaparada. Ngumisi si Bart. "Are you saying you want me to stand at the end of the line? Para ka namang others." Ngumiti si Polly. "Gusto mo... ako na lang ang maglinis ng kotse mo? Since busy ang mga empleyado ko, ako na lang, Bart. Ako na lang ulit. Ako na lang sana..." Kumindat pa ang bading na halatang nagpapa-cute sa longtime crush. Parang gustong mapailing-iling ni Aera. Pati sa paglilinis ng kotse ni Bart ay pinagseselosan pa rin siya ni Polly? "I want Aera to do it. Ilan ba 'yang nakapilang kotse na 'yan? I will pay what they're going to pay. Dodoblehin ko pa. Tell them to go home because you have to close your shop early to tend to a VIP." Napamaang si Polly. Hindi siguro in-expect na ganoon na kaangas si Bart ngayon. Kulang na lang ay sabihan nito ang beki ng "I can buy you, your friends and this shop." Nilingon ni Bart ang mga tambay na umuusyoso sa Ferrari niya. "And these guys here... tell them to get lost because this is not a sexy car wash show. They didn't even pay anything and yet they're here, enjoying your so-called marketing strategy. Bibigyan ko na lang sila ng pang-inom para doon na lang sa tindahan tumambay, hindi rito." Tumingin si Polly kay Aera. Nasilip niya ang munting talim sa mga mata ng beki. Nang ibalik nito ang tingin kay Bart ay nakangiti na uli si Polly. "But, Bart, you know I can't do that. Makakasama sa business ko kapag nagpaalis ako ng customers. I know you know that because you're a businessman, too." "Okay, then just let me bail Aera out. Magkano ba 'yong utang niya sa 'yo? Babayaran ko." "Huh?" nakangangang bulalas ni Polly. Miski si Aera ay napanganga sa sinabi ni Bart. PINANOOD ni Aera si Bart sa paghigop nito ng kape. Dinala siya nito sa isang coffee shop pagkatapos sabihin kay Polly na babayaran ang utang niya sa beki. Nang hilahin siya ni Bart at pasakayin sa kotse nito kanina ay wala nang nagawa pa si Polly. Parang isang knight in shining armour si Bart. Iniligtas siya nito sa bruhang beki at sa mga manyak sa car wash shop. Naalala tuloy ni Aera noong nabastos siya ng isang lalaki sa daan, nakipagsuntukan si Bart para ipagtanggol ang dangal niya. "S-seryoso ka ba sa sinabi mo kanina?" "Hindi ako pumunta roon para mag-joke," kaswal na sagot nito. "Bakit mo gagawin 'yon? Bakit mo babayaran 'yong utang ko kay Polly? Ang laking halaga no'n." Ayaw mo bang makitang inaalila ako ni Polly o ayaw mong nakabilad ang katawan ko roon at pinagnanasaan ng mga lalaki? Pero bakit? Do you still care about me, Bart? Gusto sana niyang isatinig pero nahihiya siya. "Alam ko 'yang iniisip mo. Are you thinking that I still care about you?" "Huh?" Ganoon ba siya ka-obvious? "I don't. I just feel guilty, dahil alam kong ginagawa sa 'yo ni Polly 'yan dahil sa 'kin. Galit siya sa 'yo dahil sa 'kin. Mula noon hanggang ngayon, mainit pa rin ang dugo niya sa 'yo kaya pinahihirapan ka niya nang ganyan. I felt responsible for it." Hindi ipinahalata ni Aera ang munting disappointment na naramdaman. Dahil lang pala sa guilt kaya nag-abala itong bayaran ang utang niya. Kunsabagay, baka barya lang para rito ang one hundred fifty thousand pesos na wala itong pakialam kahit masayang sa isang taong hindi na mahalaga para rito. "Wala siyang karapatang parusahan ka dahil wala ka namang atraso sa kanya. Kung may dapat magparusa sa 'yo, walang iba kundi ako. Dahil sa akin ka may kasalanan nang malaki." "Pero imbes na parusahan mo 'ko, tinulungan mo pa 'ko para makawala sa pagmamalupit ng bruhang beking 'yon." Nag-smirk si Bart. "Hindi 'yon tulong. Babayaran mo 'yong ibabayad ko sa kanya." "Oo naman! Babayaran ko 'yon. Unti-unti, huhulug-hulugan ko sa 'yo. Maghahanap ako ng ibang trabahong hindi ko kailangang magpakita ng cleavage at kuyukot. Kada suweldo ko, bibigyan kita hanggang sa makatapos ako sa paghuhulog." "Hindi mo kailangang gawin 'yon. I took you away from Polly because I want you to work for me instead. Pagtrabahuhan mo 'yong perang ibabayad ko sa utang mo." "Work? Anong work? 'Wag mong sabihing... kukunin mo 'kong empleyado sa kompanya n'yo." "Do you even remember how to balance a sheet?" Umiling siya. "So, hindi kita ilalagay sa kompanya. Doon ka sa bahay ko." "A-ano?" "Kukunin kita bilang caretaker." "Caretaker? S-sa bahay mo?" "Sa dating mansiyon na pag-aari ng pamilya mo. Hangga't hindi pa naibebenta, gusto kong may tumira doon para ma-maintain 'yon nang maayos. Regular maintenance. Minsan ko lang kasi pinapalinis 'yon. The dust is accumulating. They might ruin the wallpapers and harden the carpets. The garden is deteriorating. Wala kasing regular na nag-aalaga ng mga pananim. Gusto kong may tumira doon para mabuhay uli 'yong garden para mas maging attractive sa buyers na—" Mukhang sadyang tumigil si Bart habang nakatitig sa kanya. Baka dahil napansin nitong mamasa-masa na ang mga mata niya habang nakatingin dito. Hindi kasi siya makapaniwalang magkakaroon pa siya ng pagkakataong makatirang muli sa bahay na iyon. "Game ako! Iba-vacuum ko ang buong bahay araw-araw. Pagagandahin ko ang garden mo. Marunong ako sa mga halaman kasi mahilig sa plants si Tita Sally noon. Naging hobby ko na rin ang gardening. Aalagan ko 'yong bahay na 'yon. Promise!" Tumaas ang isang sulok ng mga labi ni Bart. Nasilip ni Aera ang mischief sa mga mata nito na para bang may binabalak ito laban sa kanya. Kung mayroon man ay wala siyang pakialam. Gusto lang uli niyang tumira sa bahay na iyon kahit pansamantala lang.

Between An Old Memory And Us - Heart YngridWhere stories live. Discover now