Ginataang Bilo-Bilo

771 14 0
                                    

By: Esponilla Latorre Mark Roel


(O ihalintulad ko na rin sa, PAGSASAMA NAMING KANYANG PINAIKOT-IKOT)

 SANGKAP:

·3 gatang na malagkit

·2 niyog, kudkurin

·1 tasang hinimay na langka

·1 dahon ng pandan

·1/2 tasa sago, luto

·Asukal

PARAAN NG PAGLULUTO:

1. Ibabad sa tubig ang malagkit ng kalahating araw. Gilingin.
(Kailangan pa ba talaga na kalahating araw? Ni hindi niya nga ako mabigyan-bigyan ng kalahating araw na parati kong hinihingi sa kanya. Kahit na isang beses man lamang sana, para makasama ko pa siya ng mas matagal-tagal.)

2. Ilagay sa tela (katsa), pigain, at patuluin ng magdamag.

(Baka naman ba maaaring humanap pa ako ng ibang tela bukod sa katsa? Para naman halinhinan ko rin silang gagamitin katulad ng ginawa niya sa akin at saka rin doon sa isa pa niya.)

3. Bilugin ang galapong ng maliit.

(Bibilugin lamang ba? Paikot-ikutin ko na rin kaya? Tutal hindi niya lamang ako binilog ng kanyang mga kasinungalingan, kundi pinaikot niya rin ako sa kanyang mga palad.)

4. Katasin ang kinudkod na niyog at itabi ang kakang gata.

(Itatabi ko ba? Mabuti naman nang maiparamdam ko rin kung paano niya ako isinantabi na lamang ng basta-basta.)

5. Kumuha ng 6 na tasang gata at ilagay sa kaldero.

(Anim na naman ba? Kung hindi ako nagkakamali, ika-anim ng Hunyo nang maging kami at saka yung itinagal din ng aming relasyon na umabot lamang ng kalahating taon. Pati rin pala rito. Hindi na yata ako lulubayan pa ng numerong 'yan.)

6. Timplahan ng asukal at isalang sa apoy, halu-haluin para hindi mamuo ang gata.

(Titimplahan pa ba ng asukal? Para saan naman? Para sa naging mapait naming pagsasama, dahil baka sakaling manumbalik pa ang dating tamis? O para sa akin, dahil masyado na akong nagiging mapait sa mga bagay-bagay?)

7. Kung kumukulo na, unti-unting ilagay ang ginawang bilu-bilo.

(Uunti-untiin lamang ba? Kaya naman pala. Siguro baka ako rin talaga itong mayroong pagkakamali, sapagkat masyado rin kasi akong nagpadalos-dalos sa kanya.)

8. Kung luto na ito, ilagay ang langka, sago, at dahon ng pandan.

(Lalagyan pa rin ba ng dahon ng pandan? Wala na namang kami. Hindi na ako ang siyang gagawa ng paraan, upang pabanguhin ang napakabaho niyang ugali.)

9. Ilagay ang natirang kakang gata, pakuluin, at hanguin.

(Hahanguin na ba pagkatapos? Huwag na kaya? Naiahon ko na naman ang aking sarili mula sa pagkakalugmok na idinulot niya.)  

--WWG APPROVED--

The Hugot Recipes  | #Wattys2016Where stories live. Discover now