Ang Damdamin ni Rehav Ybrahim

1.8K 47 18
                                    

Sa isang silid sa Sapiro, nagbabasa ng mga ulat, kautusan at aralin ang Prinsipe nito upang magampanan nang maayos ang tungkulin sa pagkatatag muli ng kaharian. Mababakas sa mukha ng prinsipe ang pagnanais na matuto sa pagpapatakbo ng kaharian. Ngunit kita rin ang kanyang pagkabigo sa sarili dahil hindi niya makuha ang ilan sa mga ito.

Nagpapasalamat na lamang siya sa kanyang ama, kay Pinunong Imaw, at sa mga pinuno ng iba't ibang pangkat ng mga Sapiryan, tulad ng Ascano, Punjabwe, at Barbaro, sa kanilang opinyon at kaaalaman. Pati na rin sa mga Sang'gre ng Lireo at ng kanilang kunseho.

Sa mga sandaling ito, hindi na mapigilan ng Prinsipe ang mamuhi sa sarili dahil hindi niya magawa ang mga simpleng bagay nang siya lamang mag-isa. Dahil dito, dali-daling umalis siya sa silid at nagpunta sa balkonahe ng kanlurang tore para magpahangin at makapagpahinga.

Matapos ang ilang sandali ng pagmumuni-muni ay napunta ang kanyang diwa sa kung sino ang kanyang tinatangi. Alam niya na hindi maaaring magpatuloy ang ganitong damdamin sapagkat sa kaalaman ng lahat, ang kapatid nito ang kanyang iniibig. Kung tutuusin, ang nakababatang kapatid ang kanyang unang minahal! Mahabaging Emre, hindi niya ninais na magkagulo ang puso't isipan nang dahil sa damdaming hindi mapigilan, at higit sa lahat, mali sa mata ng karamihan.

Tunay na may anak sila at nagkaroon pa ng dalawang kinilalang anak. At tunay din na ang kanilang pagtitinginan sa isa't isa ay naging mahaba at napagtibay dahil sa kanilang magkasamang pinagdaanan. Nang bumalik ang aking unang mahal at kanyang kapatid, alam kong nasktan ko siya at mas inuna niya ang kapakanan at kaligayahan ng nakababatang kapatid kaysa sa sarili. Kumirot ang aking puso na makita ang pagpapanggap sa kanyang mukha at pagtatago ng sakit sa kanyang mga mata.

Noong mga panahon na iyon, akala ko ay gusto ko lamang siya, na hindi naman ganoon kalalim ang pagtingin ko sa kanya. Ngunit ngayon... ngayon na natapos na ang lahat at bumalik na ang kapayapaan sa buong Encantadia, nagkaroon na ako ng panahon na suriin ang aking puso. Ninais kong saktan ang aking sarili sa aking nalaman. Ninais kong magpakain sa mga Yesh'ra o kaya'y magpabugbog kina Aquil at Muros. Pagkat nakasisiguro na ako sa aking nararamdaman. At ang aking puso at isip ay iisa ng sinasabi. At buong pagkatao ko itong tinatanggap at inaamin. Na siya ang pinagkaloob ni Emre, kahit noong una pa lamang, sa akin...

Sa hindi kalayuan... sa ibaba lamang ng balkonahe ng kanlurang tore, makikita ang masiglang kalakalan ng mga Sapiryan. Sa isang tindahan, nakita niya ang may hawak ng kanyang puso at isipan, na sinasamahan at binabantayan ni Wahid, na nakikipag-usap sa may-ari.

Napakalaki ng ngiti ng Prinsipe at napahalakhak sa sarili nang makita siya. Huminga siya ng malalim at pumasok na pabalik sa silid. Nagkaroon siya bigla ng hindi maiibsang lakas na magtrabaho.

'Kung nais kong maging karapat-dapat sa kanya, ang maayos na pagpapatakbo ng Sapiro ang unang hakbang upang makamtan ito, pati na rin ang pakikipag-usap sa kanyang kapatid at ipa-unawa na iba na ang tinitibok ng aking puso. Alam kong hindi madali ngunit aking kakayanin para mapatunayan lang ang pag-ibig ko sa iyo, mahal kong diwata.'


[Wakas.]




ReikoN

Copyrights 2016

Plagiarism is a crime.

YbraMihan One ShotsWhere stories live. Discover now