Secret Wedding

1.4K 31 5
                                    

A/N: For the #YbraMihanSecretWedding.


Malalim na ang gabi, at ang mga tala at buwan ay maliwanag na tila kumikinang sa kasiyahan. Sa ilalim ng kalangitan, may isang enkantado na naghihintay sa isang gawang altar na nakasuot ng puting damit. Kasama niya ang isang lambana na abot hanggang tenga ang ngiti.

Sinamahan ng isang paslit ang enkantadang puti din ang damit. Habang papalapit ito, hindi mapigilan ng enkantado ang maluha sa kaligayahan. Ngumiti lamang ang kanyang magiging kabiyak at pinahid ang mga kumawalang luha.

"Bakit ka umiiyak?" Marahang tanong ng enkantada.

"Hindi lamang ako makapaniwala na pumayag ka, e correi."

"Maaari bang hindi?"

Malambot ang ngiti at puno ng pagmamahal ang tingin ng dalawa sa isa't isa. Hinawakan ng enkantado ang kamay ng minamahal at hinaplos ito ng may ingat, tulad ng pag-iingat sa isang napakahalagang kayamanan.

"Noong una kitang nakita, naakit ako sa'yo." Tumawa ang enkantada.

"Hindi ako nagbibiro. Tanungin mo pa si Wantuk." Nginitian na lamang siya nito.

"Hindi ko akalain na mula sa una nating pagkikita ay aabot tayo dito. Hindi man kanais-nais ang panahon ngayon, hinding-hindi ko ipagpapalit itong ating pag-iisang dibdib para sa kahit ano man. Sa dami at hirap ng iyong pinagdaanan, kasama mo ako. Hindi ko napansin na sa pagdaan ng mga araw ay unti-unting nahulog ang aking loob sa'yo. Naging isang bagong enkantado ako dahil sa'yo. Hindi ko alam dati kung ano ang dahilan ng aking pagnanais na maging mabuti at magaling na prinsipe. Ngunit, ngayon alam ko na. Pagkat nais kong maging karapatdapat sa'yo. Minahal kita hindi dahil isa kang reyna at ina ng ating anak. Kung hindi bilang isang payak na enkantada. Isinusumpa ko na laging nasa tabi mo, sa hirap o ginhawa. Isinusumpa ko na hinding-hindi titigil ang agos ng aking pagmamahal para sa'yo, hanggang sa kabilang buhay. E correi diu, Amihan."

Hinalikan ng enkantado ang kamay nito. Pinunas niya ang mga luha ni Amihan, sabay sa paghalik sa noo.

"Tunay na napakakisig mo – iyan ang unang napansin ko sa'yo mula sa ating unang pagkikita. Ilang gabi kong itinanong si Bathalang Emre kung bakit ikaw pa ang ama ni Lira, gayung hindi naman dapat. Nasaktan ko si Alena ng dahil sa aking paglilihim."

Niyakap siya ng enkantado at hinaplos ang likod upang mapatahan. "Wala kang kasalanan. Ako ang dapat sisihin dahil hindi ako nagtapat sa kanya."

"Nang magkasama tayo, nakita ko kung sino ka talaga. Hindi isang mandirigma at prinsipe ng Sapiro. Ang tunay na ikaw. Nagustuhan na kita noon pa, ngunit hindi ako handa nang nagising na lamang ako isang araw na may malalim na akong pagtatangi sa'yo. Alam ni Bathalang Emre kung gaano ko pinigilan na bumukadkad ang pag-ibig na nadarama. Inuna ko ang pagiging reyna at kapatid, kaysa sa aking puso. Hiniling ko sa'yo na huwag na magpakita pa ng ibayong pagtingin sa'kin. Ang hindi mo alam ay hindi ko lamang nais na masaktan ng labis kapag bumalik na ang aking kapatid. Ngunit, mapaglaro talaga ang tadhana. Dahil kahit anong iwas na gawin ay ililipad ako ng hangin sa'yo. At sa pagmamahal ko para sa'yo. Isinusumpa ko na kahit anong mangyari, hindi na ako bibitaw – hindi kita bibitawan. Nawa'y dinggin ni Bathalang Emre ang aking hiling na sana sa sunod din nating buhay ay tayo pa din ang magkatuluyan. E correi diu, Ybrahim."

Isinandal ni Ybrahim ang kanyang noo sa noo ni Amihan. "Iyan din ang aking kahilingan, e correi."

Yinakap ni Ybrahim si Amihan at unti-unting dinampi ang labi sa minamahal.

Ang buwan at mga tala, kasama sina Muyak at PaoPao, ang saksi sa simula ng pag-ibig hanggang wakas nina Ybrahim at Amihan.




[Wakas.]



ReikoN

Copyrights 2016

Plagiarism is a crime.

YbraMihan One ShotsWhere stories live. Discover now