Ang Akala ng Prinsipe

1.1K 31 8
                                    

Pauna: Talagang inasikaso ni Ybrahim ang Dakilang Moog para kay Amihan, lalo na sa balak nitong tulugan.

“Sana ay magustuhan ito ng Mahal Kong Reyna,” bulong ni Ybrahim sa kanyang sarili.

Lumalalim na ang gabi at sinisiguro niyang maayos ang lahat sa silid na inilaan niya para sa kanilang dalawa ni Amihan --- ang pinakamalaki sa palasyo ng Sapiro. Siya mismo ang nag-asikaso ng lahat ng detalye sa silid. Lalo na ang kama na para sa dalawang tao --- ang mga kobre-kamang gawa sa pinakamagandang tela na ipinahanap niya mismo kay Wantuk gamit ang ginto ng kanyang pamilya.

“Ybrahim,” sambit ng isang pamilyar na boses.

“Mahal Kong Reyna,” sagot ng prinsipe, sabay lingon sa babaeng kakapasok lang sa silid.

“Kay ganda ng silid na ito. Avisala eshma sa lahat ng iyong ginawa para maging maayos ang pamamalagi namin dito sa iyong tahanan.”

“Amihan, tahanan mo na rin ito. Huwag mong isipin na naiiba ka rito,” ani Ybrahim. Kinuha niya ang kamay ng reyna at hinimas ang kanyang mga palad.

“Bukod tangi ang gabing ito, Mahal Kong Reyna. Dahil magkasama na tayo sa iisang bubong,” ani Ybrahim na may kasamang ngiti at pagkislap ng mga mata. Kay ganda ni Amihan, lalo na tuwing natatamaan ang kanyang mukha ng liwanag na buwan galing sa bintana.

“Tama ka Ybrahim,” sabi ni Amihan. “Magkasama na ang mga Diwata at Sapiryan sa iisang tahanan. Nawa’y maging simbulo ito ng pagkakaisa ng ating mga kaharian, lalo na sa panahon ng digmaan.”

“Ah, hindi iyon ang ibig kong sabihin ---"

“WOOOOWWW!” sigaw ni Pao-pao pagkapasok niya sa silid. “Ang ganda ng room natin, ate Amihan!”

“Ha…” napatulala ang prinsipe.

“At ang laki ng bed natin! Puwedeng gawing trampoline!”

“Ninyo?” litong-lito ang prinsipe sa mga tinuran ng batang ligaw.

“Salamat kuya Ybrahim! Masarap ang tulog namin ni ate Amihan nito!” huling sambit ng bata bago pumatong sa kama.

“Salamat ulit, Ybrahim,” ani Amihan. “Sa malugod mong pagtanggap sa amin. Magpapahinga na kami ni Pao-pao. At marami tayong pag-uusapan bukas ng umaga.”

“Ah… Ganun ba?” Napatameme na lang ang prinsipe. “Magandang gabi, Mahal Kong Reyna. Pao-pao. Magpahinga ka... kayong… mabuti.”

Pilit na itinago ni Ybrahim ang panlulumo niya bago niya nginitian ang mahal niyang reyna at tuluyang lumabas ng silid.

[Wakas]

SolarLantern
Copyrights 2016.
Plagiarism is a crime.

YbraMihan One Shotsजहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें