Huling Yakap

1.5K 35 19
                                    


Written by: Raydon Reyes

Hatinggabi sa Sapiro nang masaksihan ng bughaw na buwan ang isang hari na naglalakad sa hardin

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

Hatinggabi sa Sapiro nang masaksihan ng bughaw na buwan ang isang hari na naglalakad sa hardin. Hindi makatulog si Ybrahim kaya't nagpasya siya na magpahangin muna sa labas. Samantala, kanina pa nahihimbing si Alena at ang kanilang mga bisita sa kani-kanilang kuwarto sa palasyo.

Nang makarating si Ybrahim sa gitna ng hardin, may namataan siyang nilalang na nakatayo at nakatingin sa buwan. Akmang tatanungin na sana niya kung sino ito, ngunit nakita niya ang isang wangis na kilalang kilala niya kahit sa malayo.

"Amihan?"

Napaliko sa kanya ang reyna ng mga diwata. "Ybrahim." Ngumiti ito nang banayad.

Sinakop ng galak ang mukha ng hari.

"Narito ka na pala."

Ilang segundo ang lumipas na nagtitinginan lang sila. Si Amihan ang unang tumapos sa katihimikan.

"Patawad kung ngayon pa lang ako nakarating. May mga inasikaso akong huling mga bagay sa Lireo para sa susunod na mga araw."

Alam na alam ni Ybrahim ang tungkulin ng isang pinuno, at kung paano nito kainin ang oras.

"Ang mahalaga ay narito ka na," sagot niya.

'Huwag kang mag-alala, Ybarro. Narito na ako.' Biglang naalala ng hari ang katagang iyon ni Amihan sa kanya nang una niyang malaman na buhay ito't nakatakas kina Hagorn noong digmaan. Naalala niya rin ang haplos ni Amihan sa kanyang balikat matapos sabihin iyon. Ang init na kumawala sa kanyang dibdib pagkatapos.

"Bakit hindi ka pa nahihimbing? Malaking pagdiriwang ang haharapin mo bukas," ani Amihan.

Paano niya sasagutin ang tanong na iyon? Bakit nga ba hindi siya makatulog sa gabi bago ang dapat ay pinakang masayang araw sa buhay niya? Imbes na sumagot, nginitian na lang niya ang reyna, tinabihan ito, at sumabay sa pagtingin sa buwan.

"Sinong mag-aakala na dadating tayo dito, Amihan. Payapa na ang lahat. Naitaguyod na nating muli ang ating mga kaharian. Matiwasay na ulit ang Encantadia..."

"At maayos na kayong muli ni Alena," dugtong ni Amihan. "Ako'y nagagalak sa nararating niyong pag-iisang dibdib."

Nagulat at napatigil si Ybrahim sa tinuran ng reyna.

"Tunay ngang nananaig ang kabutihan at pag-ibig sa huli," dagdag pa ni Amihan.

Bumigat ang dibdib ng hari. Hindi niya mawari kung paano nagagawang sabihin ito ni Amihan sa kanya. Matapos ang lahat.

"Tunay nga bang nananaig ang pag-ibig sa huli?" tumingin siya kay Amihan nang may kabuluhan. Akmang hahawakan na nito ang kamay ni Amihan nang biglang umiwas ang reyna.

"Ybrahim..."

"Patawad sa aking kapangahasan, Hara. Sadyang hindi ko mapigilan ang sarili ko kapag ikaw ay nasa aking tabi."

"Kaya nga lumayo na ako, Ybrahim," sagot ni Amihan. "Kaya kay tagal kong hindi nagpakita sayo. Kaya binuhos ko ang oras ko sa pagsanay kay Lira para maging reyna balang araw. Kaya ngayon lang sa... sa kasal ninyo ni Alena ako..."

Hindi na tinapos ni Amihan ang sasabihin niya. Ilang ulit na nilang napag-usapan ang mga balakid sa katuparan ng damdamin nilang dalawa. Ang paglaro sa kanila ng tadhana.

Tumalikod si Amihan kay Ybrahim upang itago ang kanyang mga luhang nagbabadya nang bumuhos. Si Ybrahim naman ay naalala ang minsang pagtalikod sa kanya ni Amihan nang sinimulan niya ang unti-unti niyang pag-iwas sa dating prinsipe. Ang paglayo nito sa kanya. Bilog rin ang buwan noon gaya ngayon; umaawit rin ang mga kuliglig.

"Wala kang dapat ipaliwanag sa akin. Wala kang kasalanan."

Humahapdi na rin ang mga mata ng hari. Gusto niyang lapitan si Amihan at ipadama ang mga bagay na kay tagal na niyang tinitimpi.

"Ybrahim, bumalik ka na sa loob. Pakiusap. Bukas ay ikakasal na kayo ng kapatid ko. Huwag mong hayaan na mantsahan ko ang kasiyahan ninyo."

Kasiyahan. Matatamo pa kaya niya iyon?

"Para ito sa nakabubuti ng lahat. May kalayaan siyang ipagkaloob sayo ang mga bagay na hindi ko kayang ibigay. At..."

Natigilan si Amihan nang bigla siyang hagkan ni Ybrahim mula sa likod. Mahigpit. Nakakawala ng hininga. Ipinatong ng lalaki ang ulo nito sa kanyang batok. Naramdaman ni Amihan ang mabilis na pag-hinga ng hari, ang pagdaloy ng mainit na luha nito sa kanyang balat; ang panginginig nilang dalawa sa higpit ng yakap. Marahan siyang humarap sa lalaki.

Wala nang salitang lumabas sa kanilang mga labi. Sa ilalim ng buwan, sa piling ng mga bulaklak ng hardin, sa awit ng mga kuliglig --- ninamnam ni Ybrahim at Amihan ang huling yakap nilang dalawa.


[Wakas]

YbraMihan One ShotsWhere stories live. Discover now