Mabuti Na Lang

1K 38 1
                                    

Masayang sinuri ni Amihan ang buong Lireo. Nasisiyahan pagkat unti-unting bumabalik sa dati ang palasyo bago pa sinakop ito ni Hagorn at Pirena. Alam niyang masyado pang maaga upang magsaya lalo pa't nasa paligid lamang ang dating hari at ang mga Hathor, at may iba pang nakaambang panganib na darating, at si Pirena. Ngunit, sa ngayon, ipinagsawalang-bahala na muna niya ito. Sa ngayon, ang Lireo ang pinakamahalaga.

Suot niya ngayon ang kanyang puting damit na may itim na disenyo sa gilid. Ito ang suot niya upang madaling makatulong sa kanyang mga kasama sa pagpapagandang muli ng palasyo at kung sino pa ang nangangailangan ng tulong.

Hanggang sa napadpad siya sa silid-panalanginan. Nasorpresa siya sa dami ng mga babaylang naroon at kasama pa talaga sina Danaya at Pinunong Imaw.

"Anong nangyayari?"

Nagkatinginan ang dalawa bago siya sinagot. "Amihan, may ipinalangin kami kay Bathalang Emre."

"Wari ko'y hindi ito pasasalamat sa pagbawi sa Lireo, Danaya. Maaari mo bang sabihin sa akin kung ano ito?"

"Sana ay hindi ka magalit sa aming nagawa, ngunit, sa aming palagay ay panahon na upang hilingin muli namin kay Bathalang Emre na magkaroon muli ng tagapagmana ang Lireo."

Natigilan siya sa narinig. "Ano...?"

"Huwag mo sana masamain, Reyna Amihan." Sambit ni Pinunong Imaw. "Ngunit, nararapat lamang na magkaroon ka muli ng supling. Batid namin ni Sang'gre Danaya na hindi tama ang panahon ngayon, lalo pa't hindi pa tapos ang digmaan, ngunit—"

"Huwag niyo nang ituloy ito, pakiusap." Humarap siya sa mga babaylan. "Bilang inyong reyna, inuutusan ko kayong itigil ito ngayon din!"

"Amihan, huli na pagkat binigay na ni Bathalang Emre ang basbas at sa ngayon ay marahil hinahanap na ng mga retre ang enkantadong karapatdapat na maging ama ng bagong tagapagmana." Marahang paliwanag ng kapatid sa kanya.

Hindi siya makapaniwala sa narinig. "Ngunit, nakapagpasya na ako dati pa na kung may mangyari mang hindi kanais-nais sa akin, ikaw, Danaya, ang papalit at magiging baging reyna ng Lireo!"

"Poltre, Amihan."

ØØØ

Hindi naglaon, kumalat sa apat na sulok ng Encantadia ang ginawa nina Sang'gre Danaya at Pinunong Imaw, pati na rin ang naging reaksyon ni Hara Amihan sa kanilang nagawa. May ibang natuwa sa balita, ngunit, may iba din na nangangamba pagkat hindi ito ang tamang panahon upang magsilang ng bagong tagapagmana ang reyna.

Narinig ni Lira ang balita kaya nagmadaling pumunta sa Dakilang Moog. Ngunit, sinabihan siyang nasa Lireo na ang mahal na reyna, kaya sa Lireo na ang bagong destination niya.

Nasagap ng tenga ng kanilang kaaway ito, at kanya-kanyang nagplano sa kung ano ang gagawin nila sa bagong tagapagmana ni Amihan.

Ngunit, wala sila sa reaksyon ni Ybarro nang marinig ito. Nagbabasa ng mga batas ng Sapiro ang prinsipe nang pumasok sina Wantuk at Wahid sa silid-aklatan. Humahangos ang dalawa at may pagkabahala sa mukha. Nagtaas siya ng kilay sa histura nila.

"Ano't ganyan ang inyong kalagayan, Wantuk, Wahid?"

"Ybarro, hindi ka maniniwala sa nasagap naming balita!" Nagkunot ang kanyang noo sa sinabi ni Wantuk.

"Tunay ang tinuran ni Wantuk, mahal na prinsipe. Magugulat ka rito." Dagdag ni Wahid.

"Ano ang inyong pinagsasabing retre at balita?"

Nagkatinginan ang dalawa at sabay na sinabi sa kanya ito. Nanginig ang kanyang katawan. Namutla. Nangamba. Lalo na't napansin niya na walang retre na nakasunod sa kanya, tulad ng una. Isa lang ang ibig na ipinapahiwatig nito. Iba ang ama ng magiging anak ni Amihan.

Dumagundong ang kanyang puso nang napakabilis. Kasabay nito, ay ang pagmamadali niyang makapunta sa Lireo. Natatakot siya. Tunay na natatakot siya. Hindi mawala sa kanya ang naiimaheng hindi niya kayang labanan – si Amihan na nasa bisig ng iba.

ØØØ

Aligaga si Amihan na palakadlakad sa kanyang silid. Simula nang pumutok ang balita ay hindi na siya tinantanan ng kanyang nasasakupang nais siyang batiin at paalalahanan. Pati si PaoPao at ang enkantadang si Lira ay kinukulit siya na ang nais lamang ay malaman ang puno't dulo nito. Kaduwagan na kung matatawag ang kanyang inaasal, ngunit, hindi siya masisisi ng iba kung nais niyang magkulong sa silid. Mabigat ang kanyang loob sa lahat ng nagaganap.

Lalo na't iniisip niya ang maaaring magiging reaksyon ni Ybrahim. Tumigil siya. Bakit niya inaalala ang prinsipe? Walang namamagitan sa kanila kahit sa anong anggulo tingnan. Kahit na sabihing iniibig niya ito.

Nangangamba siya sa kung sino ang enkantadong pipiliin ni Bathalang Emre. Ang totoo ay hindi niya nais magkaroon pa ng anak. Sapat na ang namatay niyang sanggol na si Lira at ang inalagaang anak na si Mira sa kanya. Gaya ng kanyang tinuran, si Danaya ang napupusuan niyang maging reyna pagdating ng araw.

'Bakit pa kasi kinailangan pang mangyari ito?' Hindi niya masisisi sina Danaya at Pinunong Imaw pagkat inaalala lamang ng dalawa ang kapakanan ng Lireo. Ngunit, sana ay sinangguni nila ito sa kanya nang hindi umabot sa ganito ang lahat.

Tumigil siya nang may kumatok sa pinto, sabay sabing may mensahero mula sa Devas na naghihintay sa trono niya. Humugot muna siya ng malalim na hininga bago nagtungo sa trono upang harapin ang mensahero. Laking tuwa niya na malaman na si Ades pala ito.

"Mahal na reyna."

"Ades!" Sabay yakap niya rito. "Ano't narito ka?"

"Pagkat may ibabalita ako sa iyo, Reyna Amihan tungkol sa mga retreng pinadala ni Bathalang Emre at sa enkantadong magiging ama ng iyong anak." Namutla siya. Baka nahanap na ng mga retre ang enkantadong iyon. Napansin yata ni Ades ang kanyang pangamba pagkat hinaplos nito ang kanyang kamay – isang kaugalian mula sa kanyang kabataan sa tuwing ganito ang nararamdaman niya.

Hindi nila napansin dalawa na pinapalibutan na sila ng mga dama, kawal, ni Danaya, PaoPao, at Lira, at ng bagong dating na prinsipe ng Sapiro na humahangos sa pagmamadali, kasama sina Wantuk at Wahid.

"Nais na ipaalam sa iyo ng Devas na walang iba pang paglalang na magaganap habang ikaw ay Reyna ng Lireo, Amihan." Sabay na lumuwag ang loob nina Amihan at Ybarro dulot nito, at parehong sumdal sa kani-kanilang pinakamalapit na haligi. "Isa pa, mahal na reyna. Hindi mo na kailangan pa ng bagong tagapagmana pagkat si Lira pa rin ang susunod na magiging reyna ng Lireo."

Sa hindi kalayuan, nagningning ang mga mata ni Lira. Ibig sabihin nito ay may pag-asa pang maaalala siya ng lahat.

Nagtaka siya sa tinuran nito. "Ngunit, Ades, wala na si Lira. Pinaslang siya ni Pirena noong sanggol pa lamang siya."

Matalinghaga ang ngiti ni Ades sa kanya. "Mahal na reyna, kung bubuksan lamang ninyo ang iyong mga mata, at magtiwala sa bugso ng iyong puso, malalaman mo ang katotohan ukol kay Diwani Lira." Napansin niya na nasa iba ang paningin nito, kaya sinundan niya. Nagpalipat-lipat siya ng tingin sa pagitan nina Ades at Enkantada Lira.

"Hahayo na ako, Reyna Amihan. Naibalita ko na sa iyo ang nais iparating ng Devas. Sa muli nating pagkikita, mahal na reyna." Sabay laho.

Nagsialisan na ang karamihan. Tanging sina Amihan, Ybarro, Lira at PaoPao na lamang natira sa silid. At pare-pareho ang nararamdamang kaluwagan ng kalooban. Para kina Lira at PaoPao, si Ybarro lamang ang nararapat na maging ama ng kanilang magiging kapatid. Para kina Amihan at Ybarro, walang ibang enkantado ang hihiranging ama ng anak ng nasabing diwata.

Sa hindi sinasadyang pagkakataon, nagtama ang mga mata nina Ybarro at Amihan. Napansin ng dalawa pa nilang kasama ito kaya nagmadaling umalis upang hindi makaistorbo.

Isiniwalat ng kanilang mga mata ang hindi maibigkas ng kanilang mga bibig.

'Mabuti na lang.'




ReikoN

Copyrights 2016

Plagiarism is a crime.

YbraMihan One ShotsWhere stories live. Discover now