Basbas

1.2K 34 6
                                    


[Pauna: Bago umalis si Ybrahim papuntang Sapiro para malaman ang lihim ng kantao, may nais munang gawin ang reyna ng mga diwata.]



"Huwag mo nang tanungin kung saan ako pupunta. Basta mag-iingat kayo rito," wika ni Ybarro. "Lalong lalo ka na."

Tumalikod na papaalis si Ybarro para simulan ang paglakbay papuntang Sapiro kasama si Wahid nang pigilan siya ni Amihan.

"Ybrahim. Sandali."

Napalingon sa kanya ang prinsipe.

"Sumama ka muna sa akin."

Naglakad si Amihan palabas ng silungan at ng kuta at sinundan siya ni Ybarro.

Pagdating nila sa isang bangin sa ibabaw lamang ng kuta nila, humarap si Amihan sa prinsipe at inilabas ang kanyang brilyante. Tulad ng dati ay may bughaw na ilaw na lumabas sandali sa kanyang mga mata at kamay. Ngunit mas napansin ni Ybarro ang ngiti ng reyna sa kanya, ngiting sanay na siyang pagmasdan kahit sa malayo.

"Amihan, anong gagawin mo?"

"Hindi mo na kailangan sabihin sa akin kung saan ka pupunta, Ybrahim. Pero bago ka umalis, gusto kitang bigyan ng basbas gamit ang aking kapangyarihan."

Lumapit ang reyna kay Ybarro at pinaulanan ng bughaw na liwanag ang katawan ng lalaki, mula ulo pababa. Napansin naman ni Ybarro na napalibutan siya ng ihip ng hangin na nakarating pati sa kaloob-looban niya --- mainit, nakakagaan ng pakiramdam.

"Brilyante ng hangin, gabayan mo si Ybrahim sa kanyang paglalakbay. Gamit ang iyong kapangyarihan, ilayo mo siya sa kapahamakan at tulungan siyang hanapin ang ibig niyang matagpuan."

Sa huling katagang iyon ni Amihan ay sabay niyang hinaplos ang dibdib ni Ybarro, at naramdaman ng prinsipe ang kapangyarihan ng brilyante ng hangin na dumaloy sa kanyang mga ugat. Ngunit hindi lang iyon ang kanyang naramdaman.

Ngayon niya lang ulit naranasan ang haplos ni Amihan simula nang pinagsabihan siya nitong umiwas na sa kanya. Napasinghap ang prinsipe sa pakiramdam ng kamay ng reyna. Parang humihiyaw ang balat niya. Hindi na niya namalayan ang paggalaw kusa ng kanyang kamay upang patungan at pisilin ang kamay ng reyna.

Nagulat si Amihan sa ginawa niya.

"Ybrahim..." sambit niya, at kanyang nakita ang mga mata ni Ybarro na nagsusumamo.

Hinila siya ng prinsipe at bago pa siya nakapalag ay naramdaman niyang dumampi ang labi ng lalaki sa bibig niya. May diin ang paghalik ni Ybarro, may pagkapit, nakakapaso --- ayaw siyang pakawalan. Nang tuluyan na siyang hagkan ni Ybarro ay tuluyan na siyang bumigay at gumanti ng halik.

Hingal ang dalawa pagka-kalas ng kanilang mga labi. Naghahabol ng hininga. At parang dun pa lang ulit bumalik ang katinuan ni Amihan.

"Ybrahim..."

"Amihan," hindi siya pinatuloy ng prinsipe. "Huwag nating dugtungan ng mga salita ang sandaling ito. Wala akong pagsisisi sa ginawa ko."

Pagkatapos bitawan ang mga salitang iyon ay binitawan na rin niya ang reyna.

"Babalik ako. At mag-uusap tayo," sinabi ni Ybarro nang may paninindigan.

"At salamat sa basbas."

Binigyan niya ng pilyong ngiti ang reyna at naglakad paalis para simulan na ang kanyang paglalakbay.

Si Amihan naman ay nanatili sa kinatatayuan at marahang hinawakan ang kanyang mga labi.



[Wakas]


Raydon Reyes/SolarLantern

Copyrights 2016

Plagiarism is a crime.

YbraMihan One ShotsWhere stories live. Discover now