SIX

50 1 0
                                    

"SAAN tayo pupunta?" tanong ni Rose.

Hindi iyon ang unang beses na nagtanong siya sa bagay na iyon ngunit marami na.
Nasa kagubatan na sila at palalim na sila nang palalim subalit hindi pa rin sila humihinto. Lingon nang lingon naman si Drek sa paligid pati na rin sa ibang nagtataasang mga puno. Plano yata nitong akyatin ang mga ito.

Hindi rin nakakatulong ang madulas na daan. Pati na rin ang mga lamok na nangangagat sa balat niya. Halos nasanay na siya sa lahat sa bukid subalit hindi masanay ang katawan niya sa mga lamok.
"Kung saan mayroon ang mga orchids."
May garden ng orchids sina Dina. At iyon din ang isa sa mga ikinabubuhay ng pamilya. Nag-aalaga ang mga ito ng orchids na mula sa kabundukan, pinaparami, at ang mga buyers na mismo ang pumupunta sa bahay ng mga ito para bumili. May iba rin na nagpapahanap.
Pag-uwi niya, bibili siya ng marami at magtatayo ng isang hardin para sa mga orchids.

"Matagal ka na ba rito? Sa trabahong ito?"

"Tinuruan ako noon ng ama ko," anito ngunit hindi lumagpas sa pandinig niya ang galit sa boses nito. "Isa rin siyang orchid hunter noon. Lumuwas nga lang ng Maynila upang makipagsapalaran sa paghahanap ng trabaho."

"Matagal mo na ring pinupuntahan ang gubat na ito? Hindi ka man lang ba natatakot na baka mawala ka?"

"Hindi naman. Alam ko namang makakalabas din ako."

Mayamaya ay huminto ito sa isang malaking puno. Hindi siya pamilyar sa ngalan ng puno. "Huwag mong sabihing aakyatin mo iyan?"

"Hawakan mo iyan." Ibinigay nito sa kanya ang sako. "May orchid sa itaas."

"Mataas ang punong iyan, Drek. Baka mahulog ka."

"Concern ba ang nahihimigan ko sa boses mo, Rose?"

Tumikhim siya.

Bakit nga ba siya nag-aalala sa lalaking ito? Wala siyang pakialam kung anong mangyari rito.

"Hindi. Ayaw ko lang umuwing mag-isa. Baka mawala ako at hindi na makalabas. Pero kung gusto mo talagang umakyat, go! Huwag ka lang mahulog sa akin. Hindi kita sasaluhin."

"Tama iyan. Huwag kang magsayang ng emosyon sa taong hindi mo pa alam kung sasaktan ka o hindi."

"Sasaktan mo ba ako, Drek? Katulad ng ginawa ni Kadriel?"

"Naririndi na ako sa pangalan ng lalaking iyan. Magkaiba kaming dalawa. Magkaibang-magkaiba."

Bakit ba pakiramdaman niya, may ibang kahulugan ang mga salitang iyon?

PAGKATAPOS  ng ilang minuto, nakababa na rin sa wakas si Drek. Hawak nito ang dalawang klase ng orchid na hindi niya alam kung ano ang tawag.

Maingat itong inilagay ni Drek sa sako.
"Uuwi na tayo?"

"Hindi pa. Pupunuin pa natin ang sakong ito."

"You're kidding. Hindi natin mapupuno ang sakong iyan."

Nagkamali si Rose. Limang oras ang lumipas, halos mapuno na nila ang sako.
Hindi na rin kaya ng katawan niya ang maglakad pa.

Umupo siya sa nakausling ugat.

Hindi pala biro ang maging orchid hunter. Napakaraming panganib na susuungin. Muntik pa nga silang matuklaw ng ahas kanina nang umakyat ulit ito sa puno. Hindi nito alam na naghihintay na pala ang kulay berde na ahas at ang walanghiya. Itinapon ba naman sa baba ang ahas. Siya naman, hindi alam kung ano ang gagawin. Mabuti naman at sa may bangin nito itinapon. Ayos naman ang ahas. Lumayo nga lang ito.

Hindi niya makakalimutan ang ginawa nito.

"Umuwi na tayo, Rose. Hindi magandang magpagabi sa lugar na ito."

"Kanina pa kita inaaya. Ngayon ka lang nagsabi. Magpapahinga na muna ako."
Kapwa marumi na ang mga suot nila sa putik. Kailangan na talaga niyang bumili ng damit. Baka maubusan si Dina sa damit na pwedeng mapahiram.

Umupo ito sa tabi niya. "Sandali lang."
Ang sarap sa tenga ng katahimikan ng lugar.

Hanggang sa mahagip ng mga mata niya ang isang magandang bulaklak. Kulay pula.

Tumayo siya.

"Saan ka? Huwag kang basta-basta na lang maglakad diyan at baka mahulog ka."
Drek's warning was already late. Hindi niya nakita ang madulas na daan. Nadulas siya at nahulog. Darkness followed.

Only Rose Where stories live. Discover now