Chapter Three

52.4K 1.1K 6
                                    


BANAYAD na suminghot ang dalaga at sinikap na huwag pumatak ang namumuong luha sa mga mata. Pero pinanlalabo noon ang paningin niya kaya kumurap at hinayaang malayang dumaloy sa pisngi niya.

"You're so unfair, Papa," anas niya sa nagsisikip na dibdib. At tuluyan na siyang humagulhol.

Nakikipagsabayan ang mga luha niya sa malakas na ulan sa labas ng hotel. Hinayaan niyang lumabas lahat ang sama ng loob na naipon sa dibdib niya sa nakalipas na tatlong taon. Mga luhang hindi niya kayang iiyak mula pa kahapong tanggapin niya ang balita. Kahit nang kausapin siya ni Donya Felisa.

"Are you all right, Lara," banayad nitong sabi sa nag- aalalang tinig. Pinagulong ang wheelchair palapit sa kanya.

"I'm f-fine, Lola," gumagaralgal ang tinig niya. Hindi sinasalubong ang tingin ng abuela at patuloy sa paglalagay ng mga damit sa maleta. "It's just t-that—" tumingala siya upang pigilin ang mga luha. "...hanggang sa huling sandali'y... hindi ako mahalaga sa kanya," dagdag niya sa nabasag na tinig.

"Oh, Lara," kinabig ng matandang babae ang dalaga at dinala sa dibdib. "Nagkakamali ka, hija. Mahal ka ng Papa mo. Mahal na mahal," naghihirap ang loob nitong sabi.

Hindi siya sumagot. Masakit na ang lalamunan niya sa pagpigil na huwag umiyak. Hinayaan ang abuelang yakapin at ikonsola siya.

"Sana'y kaya ko pang magbiyahe," patuloy ng matanda. "Kaya lang ay laging umaatake ang arthritis ko at malamig sa asyenda."

"Hindi ninyo ako kailangang samahan, Lola. Makasasama sa inyo ang klima roon bukod sa hindi ninyo kakayanin ang mahabang biyahe," aniya sa matanda. "Naroon naman po si...Jaime."

And she thought she hated him. Bakit nanulas sa bibig niya iyon na tila umaasa rin dito.          

Sweetheart 5 - All My Love (COMPLETED)Where stories live. Discover now