Chapter 27

54K 1K 21
                                    


"OH, GOD!" si Lara sa gumagaralgal na tinig. Naipon ang mga luha sa sulok ng mga mata. Mapait na ngumiti si Donya Felisa.

"Nalaman ko mula sa mga kaibigan niya na ang kasintahan ni Armando'y pumatol sa iba. Sa buong party ay nahahalata na naming masama ang loob ng aming... anak. Iyon at ang alak at marijuana ang nagpangyaring panlabuan ito ng isip at magawa ang ganoon kay Aurora," patuloy ng matanda na muling inihilig ang ulo sa sandalan.

Upang makaiwas sa usap-usapan at iskandalo ay ipinadala ni Donya Felisa si Aurora sa ibang bansa. Ang mga dating katulong ay pinaalis at pinalitan ng bago, isa na rito ay si Nana Sepa. Sa Amerika'y ipinagdalang-tao at ipinanganak si Jaime na labis nitong kinasuklaman. Pagkapanganak ay bumalik ito sa Pilipinas, nagsimulang magtrabaho bilang tagapamahala ng furniture factory ng mga Certeza. Ni hindi nito gustong tapunan ng tingin si Jaime at ipinaubaya sa ina ang bata.

Grade one si Jaime nang makilala ni Aurora si Roberto. Isa sa mga mahusay na salesman ng kanilang produkto. May asawa at malapit nang manganak. Naging mabuting magkaibigan ang dalawa.

"More or less ay alam mo na ang kasunod na kuwento, hija," wika ng matanda sa namamangha pa ring dalaga. "Namatay sa panganganak sa iyo ang tunay mong ina. Eclamsia. Your father and my daughter fell in love. Marahil ay mahal na nila ang isa't isa simula pa man, dangan at may asawa si Roberto. Inalagaan ka ni Aurora bilang tunay na anak, ipinalabas na totoong anak at umuwi ng asyenda."

"A-at... at si...Jaime?" sa wakas ay nakaapuhap siya ng sasabihin.

Mapait na ngumiti ang matanda. "Marahil ay nakadama ng guilt si Aurora na ikaw na hindi niya dugo'y inaalagaan niya at minahal gayong heto ang sariling anak ay ipinaubaya sa akin. Unti-unting lumambot ang puso ng anak ko subalit hindi si Jaime. Natuto itong maging mapait at magkaroon ng sama ng loob sa ina."

"Oh," humagulhol siya ng iyak. Unti-unting nagbabalik sa isip ang mga ginawa niya sa binatilyong pinagkaitan ng pagmamahal ng sariling ina. Inang inakala niyang inaagaw sa kanya ang pagmamahal. Inang inakala niyang nagkaroon ng relasyon dito.

Hinayaan siya ng matandang babae na umiyak nang umiyak.

"And all those times alam ni Jaime na hindi ko tunay na ina ang Mama..." pahikbi niyang sabi. "It must have been so cruel. I must have added to his pain."

"He hated you at first. Lalo na nang bumalik dito si Jaime sa unang pagkakataong sinikap ni Aurora na ibigay ang buong atensiyon dito."

"Hindi ko siya masisisi, Lola," sunod-sunod na hikbi ang pinakawalan niya. "I was mean."

"Nitong nakaraang mga taong narito ka sa akin ay panay ang tawag ni Jaime dito. Kinukumusta ka nang lihim. Tulad din ni Armando noon kay Aurora. Masyadong protective..." sandaling huminto sa pagsasalita ang matanda at pinuno ng hangin ang dibdib. "At nang makita ko ang silid niya kanina'y gayun na lang ang takot kong naulit na muli ang kasaysayan."

Sa luhaang mga mata'y nag-angat siya ng paningin. "I... I gave myself freely... it... it was such a wonderful thing at hindi ko alam kung bakit naging iba nang magising kaming pareho."

Nahahapong ngumiti ang matandang babae. "Nasa sa iyo na ang daan kung paano kayo muling magkakasundo ni Jaime, Lara," marahang tumayo ang matandang babae. "Gusto ko na munang magpahinga."

"Lola..." marahang tawag niya sa matandang babae. Lumingon ang matanda. "May... may kasalanan ako sa Mama. Inisip kong may relasyon sila ni Jaime noon kaya ako lumuwas dito. I'm so sorry," muli siyang humikbi. Pinahid ng palad ang mga luha. "Taglay ko ang hinala at galit na iyon sa dibdib ko at ni hindi ako nakahingi ng tawad."

"Nariyan si Jaime, Lara. Sa kanya ka humingi ng tawad," walang emosyong wika nito. Muling nag-akmang hahakbang nang muli rin siyang magsalita.

"Lola..." aniya na sinabayan ng singhot. "Thank you so much for caring and loving me sa kabila ng katotohanang hindi ninyo ako tunay na apo. Sa kabila ng katotohanang inangkin ko ang pagmamahal ng Mama sa halip na kay Jaime. No one could have loved me better..." muli siyang suminghot at sa gumagaralgal na tinig ay idinugtong: "But you know I love you so much. Kayo ng Mama."

Isang ngiti ang sumilay sa tuyot na labi ng matandang babae. "You're not that bad. Malambing at mabait ka. Maalalahanin. Kaya nagtataka ako kung bakit masungit ka kay Jaime. You've got me curious for a long time, hija, now I know," humakbang ito patungo sa hagdan at pagkatapos ay muli siyang nilingon. "And Lara, I love you, too."

She smiled through tears. "I'm going home, Lola."    

Sweetheart 5 - All My Love (COMPLETED)Where stories live. Discover now