Chapter 7

50.9K 1K 5
                                    


TAHIMIK na pinagmasdan ni Lara ang buong asyenda mula sa veranda ng silid niya. Kinahapunan din kahapon pagdating niya'y ipinasya ni Jaime na ilibing na ang ama niya sa family mausuleo. Walang dahilan upang patagalin pa ang labî nito.

Para siyang estranghero sa sariling bahay. Iniikot ang paningin at naghahanap ng pamilyar na mukha nang mula sa kung saan ay lumitaw ang kababatang si Emil.

"Lara..."

Nang hawakan siya nito'y pumaloob siya sa mga bisig ng binata at tahimik na umiyak. Si Jaime ay nag-igting ang mga bagang subalit walang sinabi. Lumayo at kinausap ang ibang mga tao.

"Ikinalulungkot ko ang nangyari sa Tito Roberto," alo ng binata.

Magkasamang tango at hikbi ang isinagot niya. Sinulyapan ang pinakadulong sala ng malaking bahay kung saan naroroon ang labi ng ama. May mangilan-ngilang tao ng asyenda ang naroon. Nanikip ang dibdib niya sa pagpipigil na huwag mapahagulhol ng malakas.

Kumawala siya mula kay Emil at humakbang palapit sa ama nang pigilan siya ni Jaime.

"Magbihis ka muna," mahinang wika nito. "Pahahatiran kita ng mainit na kape at almusal sa Nana Sepa."

Hindi niya gustong sumunod. Walang karapatan si Jaime na manduhan siya sa sarili niyang pamamahay. Wala nang pareho ang mga magulang niya para sabihan siyang kailangan niyang sundin si Jaime dahil para sa kabutihan naman nito ang gusto ng lalaki. Subalit giniginaw na siya at humahapdi ang sikmura.

"Nakahanda na ang dati mong silid," patuloy nito na hindi humihiwalay ang mga mata sa kanya. "Naroon rin ang mga dati mong gamit, pumili ka na muna nang magkakasya sa iyo at siya mong gamitin," dagdag nito.

"Wala ka bang dalang gamit, Lara?" si Emil.

Si Jaime ang sumagot. "Nasa Rover at hindi makatawid sa ilog ang sasakyan. Sige na, Lara."

Tinapunan niya ng tingin si Emil na tumango bago tinungo ang hagdanan. Kinasusuklaman niya si Jaime at ang tila pagmamanipula nito sa buhay niya subalit hindi ngayon ang oras para ipamukha sa lalaking ito ang dapat niyang kalagyan. Halos patakbo niyang pinanhik ang malaking hagdan patungo sa itaas. Isang dalagitang katulong ang nakita niyang lumabas sa silid niya.

"Magandang umaga po, Ma'am," magalang nitong wika. "Naayos ko na po ang silid ninyo," isang mahinang salamat ang isinagot niya at walang kibong pumasok sa kuwarto.

Iginala niya ang paningin. Sa loob ng tatlong taon ay walang nabago. Naroon pa ring lahat ang mga gamit niya. Ang mga stuff toys at mga laruan niya ay maayos na nakasalansan sa eskaparateng salamin, marahil upang hindi maalikabukan.

Humakbang siya patungo sa malaking aparador at binuksan ito. Maayos na nakatupi ang mga dati niyang damit. She was seventeen when she left, natitiyak niyang masikip at maliit nang lahat ang mga naroong gamit. Pero may mga oversized T-shirts siya na maaaring magamit at garterized shorts. Muli niya iyong isinara at pumasok ng banyo at tinimpla ang tubig. Hinubad lahat ang basang damit at itinapat ang sarili sa maligamgam na shower. May ilang sandaling nanatili siyang nakatayo at nakasandal sa tiles. Hinayaang umagos ang tubig sa mukha at katawan. Hinayaang humalo ang mga luha sa tubig. Gusto niyang maubos ang luha upang sa pagbaba'y kontrolado na niya ang sarili.

Nakabihis na siya nang isang marahang katok ang narinig niya. Binuksan niya ang pinto at pumasok si Nana Sepa, ang yaya niya. May dala itong tray ng umuusok na pagkain.

"Narito na ang pagkain mo, Lara," wika nito sa pormal na tinig na ikinapagtaka niya. Umaasa siya ng mainit na pagsalubong mula sa matandang ina-inahan na rin ang turing niya.

Inilapag nito ang tray sa naroong mesa at akma na rin sanang lalabas ng silid niya nang magsalita siya.

"Kumusta na kayo, Nana Sepa," wika niya sa matanda at ngumiti.

"Walang nababago sa mga tao rito sa asyenda, Lara," banayad nitong sagot sa malamig na tinig. "Tulad pa rin ng dati."

Hindi niya malaman kung ano ang susunod na sasabihin sa kalamigan ng tinig ng matanda. Tila siya bisita lamang sa bahay na iyon.

"N-na-miss ko kayo, Nana," naiilang niyang sabi.

Isang buntong-hininga ang isinagot ng matanda. Bahagyang lumambot ang mukha. "Ako man, Lara. Nakalulungkot isiping kung hindi pa dahil sa pangyayaring ito'y hindi tayo magkikitang muli." Wika nito at itinuon ang tingin sa pagkain. "Kumain ka na."

Dinampot ang baso ng gatas at ininom. Pinangalahati ang laman at muling ibinalik sa tray. "Huwag kayong mag-alala at magtatagal ako rito kahit na isang buwan, Nana," wika niya. "Marami akong aasikasuhin ngayong wala na ang Papa."

Nagsalubong ang mga kilay ng matanda. "Walang kailangang asikasuhin, Lara. Lahat dito sa asyenda'y maayos na napapangasiwaan ni Jaime."

Natigilan siya roon. Tinitigan ang matandang yaya. "Noon iyon, Nana Sepa," giit niya. "Subalit magkakaroon ng pagbabago pagkalibing ng Papa."

"Hindi kita naiintindihan, Lara," umiiling na wika ng matandang babae. "Wala akong makitang dapat na baguhin. Nasisiyahan ang mga tao sa palakad ni Jaime."

"Pati ba naman kayo, Nana Sepa? Wala na bang gagawing mali si Jaime sa paningin ninyong lahat?" Nasa tinig niya ang hinanakit sa dating yaya. "Nana Sepa, ako ang anak. Si Jaime ay estranghero kung tutuusin. Ampon lamang siya ng Lola na binigyan dito ng trabaho sa asyenda. Bakit mas mahalaga pa ang bawat sabihin niya ngayon?"

Walang emosyon sa mukha ng matanda maliban sa marahang iling. "Pagkakain mo'y bumaba ka, Lara. May mga bisitang dumating galing sa kabilang bayan." Pagkasabi noo'y lumabas na ang matandang babae.

Naiwang hindi makapaniwala ang dalaga sa ikinilos ng matandang babae.

PINUNO ni Lara ng hangin ang dibdib at isinandig ang ulo sa poste ng veranda. Si Nana Sepa na ayon sa Mama niya'y naroon na sa bahay na iyon sanggol pa lang siya. Ito ang naging pangalawang ina niya at anak na rin ang turing sa kanya ng matandang babae. Subalit sa pag-uusap nila kahapon ay nahihiwatigan niyang nalipat na kay Jaime ang pagtingin nito. Isa pa iyon sa nakadagdag ng sama ng loob niya. Lahat ng mga mahal niya sa buhay ay inagaw ni Jaime sa kanya.

Kailan ba unang dumating si Jaime sa buhay nila?

Sweetheart 5 - All My Love (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon