Chapter 9

46.3K 994 30
                                    


HINDI niya naitanong sa Mama niya kung gaano katagal magbabakasyon si Jaime sa asyenda. Ang alam niya'y lampas na ng isang linggo'y naroon pa rin ang binatilyo. Tumutulong sa paglilinis ng kuwadra, pagpapaligo ng mga kabayo, pagdadamo sa harap ng Villa at kung ano-ano pang gawain. Isinasama rin ito ni Roberto, ang papa niya, sa niyugan.

Nakita niyang kinagigiliwan ito ng papa niya. Lalong higit si Aurora na wala na yatang bukang-bibig kundi si Jaime. Masipag, magalang, mabait, at kung ano-ano pang papuring ikinaririndi niya. Hindi niya maunawaan ang tila pagkabuhos ng pansin ng mga magulang niya sa ampon ng Lola niya. Lalo na si Aurora.

"Sino ba iyong nagpapaligo ng kabayo, Lara?" si Lalie, ang anak ng doktor sa kabilang farm. Matanda sa kanya ng tatlong taon at nasa huling taon sa elementarya. Lagi itong kabuntot ng ama tuwing dumarating sa asyenda upang suriin ang papa niya.

Sinulyapan niya si Jaime na buhos ang atensiyon sa pagpapaligo sa kabayo. "Adopted grandson ng Lola. Taga-Maynila at nagbabakasyon dito. Bakit ba?"

"Crush ko," humagikgik ang batang babae. "Halika, kausapin natin," hinila nito ang kamay niya upang lapitan si Jaime subalit iwinaksi niya.

"Lapitan mo kung gusto mo," nakasimangot niyang sabi. "Isusumbong kita sa Daddy mo. Pati ba naman katulong ay pinapansin mo bukod pa sa ang tanda-tanda na niyan."

"Ano'ng matanda, loka ka talaga," sagot ng batang babae na hindi inaalis ang namumungay na mga mata sa binatilyo na noon ay napasulyap sa kanila. "At sabi mo'y ampon siya ng Lola mo, di hindi katulong."

"Pareho din iyon," nakasimangot niyang sabi.

"Basta," ani Lalie at lumakad patungo sa binatilyo.

Nagsasalubong ang mga kilay na sinundan niya ito ng tingin. Nakita niyang kinausap ng kaibigan si Jaime. Huminto sa ginagawa si Jaime at kinausap din ang bata. Kung bakit bigla siyang nainis doon. Naiinis siya sa atensiyong ibinigay ni Jaime kay Lalie. Pati kaibigan niya'y kinagigiliwan ang binatilyo.

Naging sanhi iyon upang manibugho ang batang puso ni Lara. Lalo at ginagawa lahat ng mama niya ang paraan upang maging palagay ang loob ng binatilyo. At ang nakapagtataka ay walang tugon mula kay Jaime. Sa halip ay nakikita pa niyang pilit itong umiiwas kay Aurora bagaman magalang naman sa papa niya.

"Ano ang ginagawa mo dito?" Minsan ay inabutan niya itong nasa library at nagbabasa. "Hindi ba dapat ay nasa kuwadra ka?"

Nagdikit ang mga kilay ng binatilyo. "Tulad mo'y may karapatan din ako rito."

Umismid siya. "Ampon ka lang ng Lola Felisa, 'di ba?" patuloy niya. "Paano ka magkakaroon ng karapatang maupo riyan at magbasa ng libro. Nalinis mo na ba ang kuwadra?"

Nakita niya ang banayad na paggalaw ng muscles sa mukha nito. "Kaya lang ako naglilinis ng kuwadra ay dahil hindi ko gustong walang ginagawa. Walang nag-uutos sa aking gawin iyon. Hindi ako sanay magbuhay hari tulad mo, prinsesa Lara," tuya nito. Ibinagsak nito ang libro sa ibabaw ng study table at pagalit na tumayo at lumabas.

Dumila siya nang mapatalikod ito. Pagkatapos ay wala sa loob na tiningnan ang librong binabasa. Tom Sawyer and Huckleberry Finn.

"If I know, you look like Huck Finn," bulong niya.

Hindi doon natapos ang inis niya rito. Minsan ay pumasok siya sa guest room kung saan doon ito natutulog. Inikot ng mga mata niya ang buong silid. May mga gamit doon ang binatilyo. Akala ba niya'y magbabakasyon lang, bakit puno ang silid ng mga gamit nito?

Natuunan niya ng pansin ang baseball cap na nakalagay sa mesa kasama ng ilan pa nitong gamit. May nakatatak doong pangalan ni Jaime at may nakaletrang captain. Nagulat pa siya nang makita ang logo at pangalan ng escuelahan. La Salle.

Sa La Salle pinag-aaral ng Lola niya ang ampon!

Hindi makapaniwalang iginala niya ang paningin sa ilang gamit nito. Napuna ang kuwadro sa ibabaw ng mesa na kung saan ay naroon ang binatilyo kasama ang ilang mga kasing-edad din nito na may hawak na trophy. Nanalo marahil ang team ng mga ito.

"Captain pala, ha?" aniya na sinamahan ng ngiti. Dinampot ang gunting na nasa pencil holder at ginupit-gupit ang baseball cap. Doon siya napasukan ni Jaime.

"What are you doing?!" bulalas ni Jaime na agad na inagaw ang baseball cap sa kanya. Subalit gupit-gupit na ito. Nagbabagang mga mata ang nakatunghay sa kanya. Kahit paano'y kinabahan siya at napaatras at akmang tatakbo palabas. Subalit nahawakan siya ni Jaime sa kamay.

"Bakit mo ginawa ito?" Hindi ito sumisigaw subalit kung nakamamatay ang galit sa tinig nito'y namatay na siya sa sandaling iyon.

"Eh...k-kasi'y..." nagkandautal siya. Namumutla siya at namumuo na ang luha sa mga mata. "S-sasaktan mo ba ako?"

Nakita ni Jaime ang takot sa mukha ng batang babae at nabawasan ang bagsik ng mukha nito.

"Sana. Pero mukha ka nang kawawa hindi pa kita inaano," nilingon nito ang ginupit-gupit niya. "Alam mo bang mahalaga sa akin iyan?" At saka nanlumong umiling ito sa pagkasira ng gamit.

Kahit si Lara'y nakadama ng guilt sa ginawa. Gustong pagsisihan iyon subalit hindi niya magawang humingi ng sorry dito.

"Ano ba ang masamang ginagawa ko sa iyo at lagi ka na lang galit sa akin?" muling baling sa kanya ni Jaime.

She bit her lower lip. Hindi niya kayang sabihin ditong kinukuha nito ang buong atensiyon ng mga magulang niya. Na halos wala nang panahon si Aurora sa kanya mula nang dumating ito sa asyenda.

"A-ayoko sa iyo. Ayokong narito ka," ang ninenerbiyos niyang sabi. Hinila ang kamay at patakbong lumabas ng silid.    

Sweetheart 5 - All My Love (COMPLETED)Where stories live. Discover now