Chapter 10

45.6K 916 14
                                    


IKALAWANG araw matapos ang pangyayaring iyon ay narinig niyang nagpaalam si Jaime sa mga magulang. Mula sa pagkakasilip sa barandilya ng hagdan ay kitang-kita niya ang matinding kalungkutan sa mukha ng mama niya nang sabihin ni Jaime na babalik na ito sa Maynila.

Inihatid ng mga magulang niya sa kabisera ang binatilyo. Bago ito sumakay sa sasakyan ay lumingon ito at tumingin sa itaas sa may bahagi ng silid niya. Mabilis niyang ibinaba ang kurtina sa bintana. Hindi niya gustong makita nitong nakasilip siya. Kahit paano ay may guilt siyang nadarama sa pag-alis nito.

Inaasahan niyang muling magbabalik sa dati ang lahat. Subalit laging bukang-bibig ni Aurora si Jaime. Kung magkaminsan pa nga'y naririnig niyang tumatawag ito sa Maynila at kinukumusta ang binatilyo sa Lola niya. At napuna niyang napapadalas ang pagluwas sa Maynila ng mga magulang niya dahil na rin sa malimit na pagyaya ni Aurora. At hindi siya kasama.

MATULING lumipas ang mga taon. She was almost seventeen at nakatakdang magkolehiyo. Bakasyon muli nang muling magtagpo ang landas nila ni Jaime Certeza.

"Ano ang nangyari? Bakit tayo huminto?" tanong niya kay Emil nang huminto ang owner-jeep nitong minamaneho, boyfriend niya at matanda lang sa kanya ng isang taon.

Bumaba ang binatilyo at binuksan ang hood ng jeep. "Ewan ko ba," magkasamang iritasyon at pagkapahiya ang nasa tinig nito. "Wala naman akong alam sa makina."

Umikot ang mga mata niya. First date niya kay Emil sa bayan. May isang kilalang fast-food chain na binuksan doon noong isang linggo at iti-treat siya ng binatilyo.

"Sana'y pinatingnan mo muna sa Papa mo ang jeep bago mo ginamit," wika niya rito at bumaba na rin ng jeep. "Paano iyan kung hindi umandar, malayo na tayo sa amin."

"Wala tayong pagpipilian kundi ang lumakad uli pabalik," hopeless nitong sagot. Ginalaw-galaw ang kung ano-ano sa may makina. Napahiyaw pa ito nang mapaso sa mainit pang makina.

Pasimangot siyang nagbuntong-hininga at pinagkrus ang mga braso sa dibdib. "Hindi ko alam kung sino sa atin ang may balat. This is so frustrating. Isipin mong hindi na nga tayo natuloy sa bayan ay paglalakarin mo pa ako pauwi."

"Eh, ano ang magagawa ko," naiinis na ring sagot ng binatilyo. "Gusto ko bang tumirik tayo?"

Sasagot sana siya nang isang sasakyan ang matanawan nila mula sa dulo ng daan. Pareho silang napatingin ni Emil. "May parating," nabuhayan ng pag-asang wika ni Emil.

"Parahin mo," wika niya na hindi inaalis ang mga mata sa palapit na sasakyan. Kulay-puting pickup. Bisitang tiyak ng Papa niya dahil ang daang ito ay pribado at patungo sa asyenda. Marahil ay isang mamimili ng mga prutas.

Itinaas ni Emil ang dalawang kamay upang parahin ang sasakyan. Agad naman itong huminto sa tapat ng binatilyo. Nagbaba ng salamin ang driver.

"May problema ba?" Ang baritonong tinig. Mula kay Emil ay dumako sa kanya ang mga mata. May kung anong kaba ang bumundol sa dibdib niya sa mga matang iyon.

"Itinirik kami, boss," napakamot ng ulong wika ng binatilyo. "Baka may alam ka sa makina."

Hindi sumagot ang lalaki at sa halip ay nagbukas ng pinto at lumabas. Ang mga mata'y sandaling dumaan sa kanya bago humakbang patungo sa manibela ng jeep at pinaandar ito. Ilang beses inikot ang susi sa ignition bago humakbang patungo sa hood ng jeep.

Matangkad ang lalaki. Malaki ang katawan. Ang balat ay kakulay ng pulang lupa. He could be mistaken for an Indian. And she must have been watching lots of foreign movies lately para iyon ang ihawig sa lalaki. Kung ikokompara sa mga kilala niyang guwapo at mga foreign idol niyang hinahangaan ay hindi guwapo ang estranghero kung tutuusin. Pero ang pang-akit na taglay nito'y hindi maikakaila. At higit sa lahat, he's sexy, sa puntong ang lumang blue jeans at T-shirt na suot nito'y nagmukhang mahalay tingnan.

Oh, gosh, she's only seventeen. Ano ba ang malay niya sa salitang sexy pagdating sa mga lalaki. Nagkataong tila ang tingin niya sa maong nito'y nakayakap na nang mahigpit sa mga binti nito.

At ang maiitim nitong mga mata na itinuon sa kanya'y tila humahalukay sa sikmura niya. There's something familiar about those eyes.

"You're out of gas," wika nito at umangat ang katawan sa pagkakayuko mula sa hood.

"Out of gas!" naiiritang bulalas niya sabay sulyap ng may akusasyon kay Emil. "Hindi mo tiningnan kung may gasolina ang jeep bago mo ginamit?"

"Sira kasi ang fuel gauge," nakaguhit ang guilt sa alanganing ngiti ni Emil. "I'm sorry, Lara, ginamit ng Papa kahapon ang jeep kaya inakala kong maraming gasolina."

"Sorry?" Umikot paitaas sa langit ang mga mata niya. "You are so unreliable, alam mo ba iyon?"

"Lara, naman," ang binatilyo na napapahiya dahil may ibang taong nakakarinig. "Ginusto ko bang mangyari ito. Huwag ka nang magalit. Babawi na lang ako sa ibang pagkakataon."

"What now?" Naiinis niyang tanong sa boyfriend.

Si Emil ay nilingon ang lalaking bale-walang nakasandal sa pinto ng pickup nito at amused na pinanonood ang sagutan nilang dalawa.

"Excuse me, Sir," ani Emil na sinabayan ng tikhim. "Pribado ho ang daang ito at patungo sa Asyenda Aurora, doon ho ba ang tungo ninyo?"

"Doon ang punta ko," sagot ng lalaki sa malalim na tinig. "Kung gusto ninyong makisakay..." nagkibit ito ng mga balikat at saka idinagdag: "be my guest."

Kumislap ang mga mata ni Emil. "Come on, Lara," hinugot nito ang susi sa ignition. "Magpahatid na lang tayo sa inyo at saka ko na pababalikan ang jeep. I really am sorry about this, Lara..."

Hindi niya ugaling magtiwala at makisakay sa kanino mang estranghero. Pero nasa loob sila ng Asyenda Aurora at kasama niya si Emil, at praktikal na makisakay kaysa maglakad ng tatlong kilometro.

Sweetheart 5 - All My Love (COMPLETED)Where stories live. Discover now