Chapter 4

50.4K 1.1K 11
                                    


DAHAN-DAHAN siyang nagmulat ng mga mata. Sandaling hindi marehistro sa isip kung nasaan siya. Hindi pamilyar ang kisameng namulatan niya. Nang isang tikhim ang biglang nagpaangat ng katawan niya mula sa higaan.

Si Jaime. Nasa may paanan ng kama. Nanlaki ang mga mata niya kasabay ng realisasyon kung nasaan siya.

"A-ano ang... ginagawa mo dito?" Lumipad ang mga mata niya sa pinto. "P-papaano kang nakapasok?" Itinuloy ang tingin sa bintana na bagaman nakababa ang kurtina ay natitiyak niyang madilim pa. Muling ibinalik sa lalaki ang tingin. "A-anong oras na ngayon?"

Bahagyang tumaas ang isang sulok ng mga labi ni Jaime na tila nangangako ng isang matamis na ngiti. Pero sinalungat ng isip niya iyon. Hindi si Jaime ang taong madaling ngumiti.

"Good morning," wika nito at gusto niyang magpigil ng paghinga nang tipid na ngumiti ito. "It's four thirty in the morning. I had the key in this room, remember? Hindi mo kinuha sa akin kagabi. At narito ako para gisingin ka." Bahagyang lumalim ang ngiti nito na agad ding nawala at napalitan ng pagsasalubong ang mga kilay nang mapuna ang suot niya.

Ipinantulog niya ang suot niya kahapon. Maong at T-shirt. Bakit ba, eh, hindi naman niya namalayang nakatulog pala siya. Katunayan ang nakapahalang niyang ayos sa kama. Ang natatandaan niya ay tumigil sa pagbuhos ang ulan bago maghatinggabi.

"Ikinalulungkot kong hindi naging komportable para sa iyo ang silid ng hotel," matabang nitong sinabi at saka mabilis na idinagdag: "I'll give you ten minutes to change," tuluyan nang nawala ang tipid na ngiti. Muling bumaba ang maskara. Tumalikod ito upang lumabas. Nakabukas na ang pinto nang muli siyang lingunin. At sa banayad na tinig ay: "You're one of those few women who looked pretty first hour in the morning, Lara."

Matagal nang nakasara ang pinto ay nakatitig pa rin doon si Lara. Natitiyak niyang pinuri siya nito. She's twenty and hated herself dahil hanggang ngayon ay nagba-blush pa rin siya. Nararamdaman niyang nag-init ang pisngi niya.

"Ten minutes!" Napatalon siya sa kama nang maalala ang sinabi nito.

Sweetheart 5 - All My Love (COMPLETED)Where stories live. Discover now