Chapter 26

52.8K 965 26
                                    


INIHATID niya sa kotse nito ang binata.

"Natitiyak mo ba ang sarili mo, Lara?" ani Emil sa ikalawang pagkakataon bago binuksan ang pintuan ng sasakyan.

Tumango siya. "I'm sorry, Emil. I hope you understand."

Huminga ng malalim ang binata. "I do," nakakaunawang wika nito. "Sa kabila ng galit mo sa kanya'y naghihinala akong may ibang damdaming nakatago. Pero umaasa akong hindi pag-ibig iyon kundi paninibugho dahil kinuha ni Jaime ang lahat ng atensiyon ng mga magulang at Lola mo."

Tipid siyang ngumiti. Ano ba ang maaari niyang sabihin. Isang marahang tapik sa pisngi niya ang ginawa ng binata. "I gotta go. Wish you all the happiness."

Nagkalambong ang mukha niya. Kung paano mangyayari ang sinabi nito'y hindi niya alam. Ilang sandali pa'y sinusundan na niya ng tanaw ang palayong sasakyan ng kababata.

Nang mawala sa paningin niya ang sasakyan nito'y bumalik siya ng kabahayan sa mabagal na mga hakbang. Sa sala'y sinalubong siya ni Donya Felisa.

"Hindi ko sinasadyang makinig sa pinag-usapan ninyo, Lara," bungad ng matanda. "Pero naulinigan kong nakipagkasira ka kay Emil."

Humugot siya ng paghinga bago sumagot. "Pagkatapos po ng nangyari sa amin ni Jaime, Lola, it would be unfair para magpakasal kay Emil," lumakad siya patungo sa couch at umupo. "He's a nice man but I don't love him. I never did."

Tumango ang matanda. "At sino ang minamahal mo, Lara?"

Sa nagugulumihanang mukha, tumingala siya sa matandang babae. "Hindi ko kailanman inisip na mahal ko si Jaime, Lola..."

"But you love him."

"It seems to fall into that line," nagyuko siya ng ulo, ipinatong ang dalawang paa sa couch at niyakap iyon. "Pero walang pag-asa iyon, Lola. W-we hated each other..."

Isang mahabang buntong-hininga ang pinakawalan ng matandang babae at umupo sa katapat na sofa.

"I should have told you this a long time ago, Lara. Iyon din ang ipinayo ko sa mga magulang mo pero natakot si Aurora. Ganoon din si Jaime na masaktan ang batang puso. Si Jaime ang kusang umayaw na ipaalam sa lahat ang katotohanan upang pangalagaan ako at si Aurora."

Nag-angat siya ng mukha. Nagsasalubong ang mga kilay. "Ano ang gusto ninyong sabihin?"

"Totoong inampon ko si Jaime, Lara," simula ng matanda na inihilig ang sarili sa sandalan sa tila nahahapong paraan. "Inampon mula pa sa pagkasilang niya. Subalit hindi siya iba sa akin, hija," tumingin ito sa kanya na lumalim ang kunot sa noo. "Siya'y sarili kong apo, dugo ng aking dugo."

"Apo!"

"Anak siya ni Aurora, ng kinilala mong ina."

"Lola!" bale-wala ang shock kung ang nararamdaman niya ang pag-uusapan... anak siya ni Aurora, ng kinilala mong ina.

"Tulad ng alam mo'y kaisa-isa kong anak si Aurora," patuloy ng matanda. Si Lara ay halos hindi humihinga, nakatitig ng husto sa matandang babae na para bang kapag kumurap siya'y may mawawalang bahagi ng impormasyon. "Dalawang taon si Aurora nang ipasya naming mag-asawa na ampunin ang isang batang lalaki. Pitong taon si Armando nang mamatay ang mga magulang mula sa isang nakawan sa asyenda. Uso pa noon ang cattle rustling, hija. Mararahas ang mga magnanakaw. Sinunog ng mga ito ang kubong tinitirhan ng mag-asawa at nang iba pang tauhan ng asyenda upang mapigilan ang paghabol.

"Nakaligtas ang batang si Armando. Inampon at pinalaki namin bilang sariling anak. Lumaki ang batang lalaki kasabay ni Aurora. Totoong mahal at itinuturing ni Armando na tunay na kapatid ang aking anak. Natutuwa akong naging tagapagtanggol ni Aurora ang aming ampon," may bahagyang ngiti ang sumilay sa mga labi ng matandang babae sa alaala. "Subalit lingid sa aming kaalaman ay natutong gumamit ng marijuana si Armando. Hinikayat ng hindi mabubuting kaibigan at kamag-aral," ang ngiti'y nahalinhan ng matinding kapaitan.

Si Lara ay nanatiling nakatingin. She wasn't even aware na unti-unti siyang nagpapakawala ng pinipigil na paghinga. Ni hindi niya gustong magtanong upang huwag mapigil sa pagsasalaysay ang matandang babae.

"Isang araw, kaarawan ni Armando, nagkaroon ng salusalo sa mismong bahay na ito," inikot ng matanda ang paningin sa loob ng mansion at sinabayan iyon ng buntong-hininga. "Naroon ang mga kaibigan at kamag-aral niya. Lingid sa aming mag-asawa'y gumamit ng marijuana si Armando at kasali na ang alak. Nang matapos ang handaan ay pumanhik na kaming mag-asawa. Dahil pagod sa paghahanda at pag-i-estima sa mga bisita'y agad nakatulog..."

Sa pakiwari ni Lara ay naglakbay ng unti-unti pabalik sa nakaraan ang tinig ng matandang babae.

"The party's successful, Armando," malambing na kumapit sa braso ng binata si Aurora na noo'y labing-pitong taong gulang. "Wala yata ang girlfriend mo, ha?" tukso nito dahil hindi nakita sa party ang girlfriend ng binata. Ni hindi namalayang masama ang loob nito dahil nga wala roon ang kasintahan.

"Ang tak—sil na iyon," wika nito na lasing sa alak at sa marijuana. "Pap—patayin ko siya kapag nagkita kami..."

Inalalayan ni Aurora papasok sa silid nito ang binata. "Lasing ka na, Armando, matulog ka na," banayad na itinulak pahiga ang binata subalit hindi ito bumitiw kay Aurora at magkasama silang bumagsak sa kama.

"C-Chona..." ani Armando kay Aurora. Sa nahihilong tingin nito'y ang kasintahan ang naroon. "Chona..." at siniil nito ng halik si Aurora na nagpumiglas.

"Armando, hindi ako si Chona, ano ba!"

Subalit wala na sa sariling katinuan si Armando sa pinagsamang alak at damo. Walang magawa si Aurora. Sinikap ni Aurora na sumigaw subalit pigil ni Armando ang mga labi niya ng mga labi nito sa isang mariing halik. Subalit nagawa nitong tumili nang maisakatuparan ni Armando ang pandadahas.

Tiling sa simula'y hindi pinansin ng mga katulong na noo'y kasalukuyang naglilinis ng pinagdaanan ng party. Subalit nang maging sunud-sunod ito'y nagtakbuhan papanhik ang mga ito upang datnan si Aurora na histerikal na nagtitili habang nasa ibabaw nito ang tulog nang si Armando.

"Ano ang—!" ang ama ni Aurora na tinabig ang katulong sa may pintuan ng silid.

"Aurora! Armando!" si Donya Felisa na sindak na nilapitan ang anak.

Si Don Rubio ay mabilis na nagbalik sa itaas at nang muling bumaba'y may hawak ng baril. At sa mismong sandaling iyo'y binaril ang natutulog na si Armando. Napatay si Armando, subalit noon din ay inatake sa puso si Don Rubio at namatay din.

Sweetheart 5 - All My Love (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon