Chapter 19

43.4K 890 10
                                    


"BAKIT pabigla-bigla ka, hija," si Aurora sa anak. "Kunsabagay ay mabuting magkaroon ka ng ibang environment. Hindi lang dito sa asyenda. Tama marahil na sa Mama sa Maynila ikaw magkolehiyo. Kaya lamang ay nagugulat ako sa biglang pagpapasya mong ito."

Hypocrite. Gusto niyang isigaw sa ina. Kunwa'y nagulat pero alam niyang ikinatutuwa nitong mawala siya sa Villa. Magagawa nito nang husto ang kataksilan. Sinulyapan niya ang ama na nanatiling walang kibo. Gusto niyang maawa rito. Sa labis na pagmamahal sa asawa'y binubulag ang sarili. Pati siya'y binale-wala.

"Sinabi ko na sa inyong pinag-iisipan ko ang kolehiyo ko, Mama," pormal niyang sabi. "Napag-pasiyahan ko kagabi na sa Lola manirahan. Tawagan ninyo ang Lola ngayon at bukas ako aalis."

NANG gabing iyon ay nagulat siya nang pasukin siya ni Jaime sa silid niya.

"Ano ang kailangan mo?" pilit niyang itinago ang poot sa dibdib sa pamamagitan ng pananatiling pormal.

"Lara," wika nito na hindi malaman kung ano ang sasabihin. "Kung... kung dahil sa ginawa ko kaya ka aalis ay humihingi ako ng patawad. You don't have to go."

"Buo na ang pasya ko, Jaime," tingala niya rito. "Pag-alis ko'y magagawa mo na ang lahat ng gusto mong gawin. Sa asyenda... sa Mama..."

Bigla ang paniningkit ng mga mata nito. "Ano ang ibig mong sabihin?"

"I don't want to play games with you, Jaime. At gusto ko nang matulog, maaga pa ang alis ko bukas."

Sandaling nanatiling nakatayo ang binata. Matagal siyang tinitigan at pagkatapos ay walang-kibong lumabas.

Magmamadaling-araw nang magsimulang umulan. Gusto niyang matawa. Nakikiramay ang panahon sa nadarama niya. Nang umagang iyon kahit na gusto ni Aurora na ipagpaliban ang pag-alis niya'y nagpumilit siya. Inihatid siya ng mga ito sa istasyon ng bus sa kabisera. Ni hindi niya nakita kahit anino ni Jaime nang oras na umalis siya.

Pagdating niya sa Maynila'y histerikal na Donya Felisa ang sumalubong sa kanya. Itinawag ni Jaime ng long distance ang trahedyang nangyari sa mama niya. Noon din ay bumalik siya ng San Isidro kasama si Donya Felisa. Sinisi niya ang sarili sa pagkamatay ng ina. Subalit inako ni Roberto ang kasalanan. Inakala nitong kayang tawirin ng four-wheel drive ang tulay na noon ay nagsisimula nang apawan ng malakas na agos.

Sa kabila ng walang sumisi sa kanya'y nakadama ng matinding usig ng budhi si Lara. Tanging ang kaisipang ang ina na rin ang may dahilan kung bakit umalis siya patungong Maynila ang tanging konsolasyon. Kahit ang ama'y ganoon na lamang ang hinanakit niya dahil hindi siya pinaniwalaan nito. Ni hindi siya pinigil noong araw na iyon.

Kitang-kita niya ang pagdurusa ng ama at ni Jaime sa pagkawala ni Aurora. Matapos ang libing ng ina ay muli siyang sumama sa Lola Felisa niya pabalik sa Maynila.

Sweetheart 5 - All My Love (COMPLETED)Where stories live. Discover now