Chapter 5

56.9K 1.1K 18
                                    


MADILIM pa rin nang nagsisimula na silang magbiyahe. Malapit na ang alas-singko subalit tila walang balak sumikat ang araw. Bagaman wala na ang malakas na hangin ay may banayad pa ring ambon. Binuksan niya ang bintana sa tabi niya.

"Gusto kong langhapin ang simoy ng hanging pang-umaga," aniya at pinuno ng hangin ang dibdib. Malamig ang dapyo ng hanging sumalubong sa kanya at may kasamang pinong ambon. Bahagya siyang nakadama ng lamig at iniyakap ang braso sa katawan. Sa sulok ng mga mata'y nakita niyang pinatay ni Jaime ang air-condition ng pickup.

"Yeah," sagot nito na sinabayan ng buntong-hininga. "Wala niyan sa Maynila. And I wonder why you—"

"Bakit kailangang iwan natin ang kotse ko sa hotel," putol niya sa sinasabi nito. More or less ay alam niya kung saan iyon patungo. At hindi niya gustong simulan ang araw na nag-aaway sila. "Bakit hindi na lang tayo nag tig-isang sasakyan?"

"Huminto na ang malakas na ulan, Lara, pero hindi ibig sabihin n'on ay bumaba na ang tubig sa ilog. Hindi makararaan sa tulay ang kotse mo at titirik din," nilingon siya nito na tila ba isa siyang turista sa lugar na iyon. "Huwag kang mag-alala, walang gagalaw sa kotse mo sa hotel. Mamayang tanghali'y ipakukuha ko iyon. Siguro nama'y hupa na ang tubig pagsikat ng araw."

May kung ilang sandaling namagitan ang katahimikan sa kanilang dalawa. Ilang beses silang nalulubak sa nagpuputik na daan. Hindi kakayanin ng kotse niya ang daan patungo sa asyenda.

Humilig siya sa sandalan. Muli niyang pinuno ng hangin ang dibdib. Balsamo sa damdamin niya ang malamig na haplos ng hangin sa kanyang mukha, nasasamyo niya mula rito ang basang gubat, ang awitan ng pang-umagang ibon. May kalahating oras na rin silang nagbibiyahe nang walang imikan.

"Shit!" usal ni Jaime na nagpalingon sa kanya rito. Kasabay noon ang pagpreno nito. Bago pa siya nakapagtanong ay nagbukas na ito ng pinto ng sasakyan at lumabas.

Napaunat sa pagkakaupo si Lara at itinuon ang paningin sa palusong na daan. Nasa bukana na sila ng ilog. At siya man ay nanlumo nang matanaw ang dahilan ng paghinto nila. Sa di-kalayuan ay ang ilog na tuloy pa rin sa mabilis na pag-agos. Bagaman huminto na ang malakas na ulan bago maghatinggabi ay patuloy na naaapawan ng tubig ang tulay at sa gitna noon ay isang malaking troso ang nakaharang na marahil ay inanod ng malakas na agos ng tubig kagabi.

Mabilis din siyang bumaba. "Paano mo maitatawid ang sasakyan diyan?" tanong niya. Ipinagsalikop ang mga braso sa katawan. Hindi lang ang banayad na ambon at hangin ang dahilan kung bakit tila may kung anong lamig na gumapang sa buong pagkatao niya sa pagkakatitig sa tulay.

Hindi lumingon si Jaime na nakapamaywang at tinatantiya ang agos ng tubig. Malakas pa rin iyon. At mapanganib ang pagtawid at marahil ay lampas beywang ang tubig mula sa tulay. Kahit pa marahil walang nakaharang na troso ay hindi pa rin makararaan ang Range Rover.

Nilingon nito si Lara. "Tatawirin natin ang ilog, iiwan natin ang sasakyan dito."

"N-no!" Bulalas niya, gustong panginigan ng mga tuhod. "P-paano tayo tatawid diyan? Tingnan mo nga iyang troso, humarang lang sa pundasyon ng tulay kaya hindi tuluyang inagos."

"Iyang troso mismong iyan ang kakapitan natin," hinagod nito ng tingin ang suot niya. Maong na hanggang tuhod at sneakers na puti at sports shirt na kulay-puti. Nabanaag niya sandali sa mga mata nito ang pagsang-ayon sa suot niya.

Humakbang si Jaime patungo sa sasakyan. Inabot ang shoulder bag niya at pagkatapos ay isinarang lahat ang mga pinto.

"Let's go," ibinigay nito sa kanya ang shoulder bag niya. "Tiyak na nag-aalala na si Nana Sepa sa atin."

Sweetheart 5 - All My Love (COMPLETED)Where stories live. Discover now