Chapter 20 - Her Special Training (Part 1)

431 13 0
                                    

“Mabait ba talaga siya?” tanong muli ni Venice sa binata ngunit wala siyang narinig na kahit anong sagot mula kay Blue. Nilingon niya ito at nakita niyang kunot-noong nakatitig si Blue kay Lance. “Blue, bakit?”

Binaling ni Blue ang kanyang atensyon kay Venice, lumambot ang kanyang ekspresyon nang makita niya itong nag-aalala. Iniling ni Blue ang kanyang ulo at binaling ang tingin sa ibang direksyon. “Ah oo, mabait naman talaga siya.” Matabang niyang sagot.

Bumuntong hininga si Venice at sumulyap saglit kay Lance na seryoso lamang nagbabasa sa kanyang hawak na libro. Lumingon siya kay Blue atsaka nagsalita. “Pero kasi, bakit parang ayaw niya sa akin?”

Lahat na ng mga estudyante sa Magus Academy ay kilala at naging kaibigan na niya. Pwera lamang kay Lance, hindi niya alam kung bakit o kung may nagawa ba siyang hindi nagustuhan ng binata. Gusto lang naman niya makipagkaibigan, ngunit parang ayaw ata ni Lance sa kanya.

“Hindi kasi ‘yan pala kaibigan,” pagsisimula ni Blue, huminga ito ng malalim at ipinagpatuloy niya ang sasabihin, “pero mabait iyang si Lance lalo na kapag nangangailan ka ng tulong, hinding-hindi ka niyang tinatalikuran.”

Ngumiti naman ng malapad si Venice, “Talaga? Akala ko kasi suplado na talaga siya.”

Sumandig si Blue sa bench at napatingin siya sa kalangitan. “Siyanga pala, kamusta nga pala ang training mo?” pag-iiba niya ng usapan.

Ngumuso ng napakahaba si Venice. “Sinabi ko naman sa ‘yo diba? Ang higpit ni M.”

Tumawa ng mahina si Blue, naaliw siya sa pagiging isip bata ni Venice. “Gusto ko malaman kung ano ‘yung pinag-ensayo ninyo doon.”

“Calling of Ms. Venice Reid, please proceed to Training Room now. I repeat, calling of Ms. Venice Reid please proceed to Training Room now. Thank you.”

Naputol ang pag-uusap nila ni Venice at Blue nang marinig nila ang anunsyo at tinawag ang pangalan ng dalaga. Agad namang tumayo si Venice kaya ganoon din si Blue.

“Mukhang babalik ka muli sa pagte’training mo.” Ngiting saad ni Blue habang nakatingin lamang sa mga singkit na mata ni Venice.

Bumuntong hininga ang dalaga, iniisip pa lamang niya ang gagawin muli sa loob ng walang kabuhay-buhay na kwarto ay parang ayaw na niyang bumalik doon.

“Parang ganun na nga.” Walang kabuhay-buhay na sagot naman ng dalaga.

Ginulo ng mahina ni Blue ang bangs ng dalaga, napatingin naman si Venice sa kanya. Ngumiti lamang ang binata kay Venice. Nakaramdam naman ng gaan ng loob si Venice nang makita niya ang ngiti ni Blue. “Kaya mo ‘yan.”

“Aalis na ako Blue.”

Tumango si Blue at ngumiti muli. “Sige, galingan mo.”

“Ah ‘yong kamay mo, nasa ulo ka parin.”

Agad namang kinuha ni Blue ang kanyang kamay, napakamot naman siya ng ulo, tila nahihiya sa dalaga. Napakagat-labi si Venice na hindi magawang makatingin ngayon sa binata. Bakit ba ngayong araw na ito ay parang nagiging mailang ito sa kanilang dalawa?

“Calling of Ms. Venice Reid, please proceed to Training Room now. I repeat, calling of Ms. Venice Reid please proceed to Training Room now. Thank you.”

Pareho namang natauhan ang dalawa. Huminga ng malalim si Venice at inatras niya palayo ang kanyang sarili kay Blue. “Sige Blue, baka pahirapan ako ni M kapag wala pa ako.”

Tumango si Blue at agad namang umalis si Venice na nakatakbo. Hinatid ng tingin ng binata si Venice, habang nakapamulsa ang dalawa nitong kamay. Nang makalayo na ang dalaga, bumuntong hininga siya at biglang lumungkot ang kanyang mukha. Tumalikod na siya upang umalis, ngunit laking gulat niya nang nakatingin lamang ng mataman si Lance sa kanya.

Magus AcademyNơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ