Kabanata 3

276K 14.4K 15K
                                    

[Chapter 3]

DAHAN-DAHAN akong napatingin sa nakatali kong kamay. Parang na-blanko ang utak ko. Anong nangyayari? Hindi ba ito panaginip?

Apat na kawal ang naglalakad papalapit sa harapan ng tindahan ng mga libro. Tumingin si Sebastian sa binatilyo at mabilis niya akong hinila papunta sa isang silid na nasa likuran ng mesa.

"Bantayan mo siyang mabuti, ako'y babalik mamaya" bilin niya sa binatilyo, tumingin muna siya sa akin bago siya umalis at lumabas sa tindahan na para bang sinasabi niya na 'wag kong tangkain tumakas dahil mas mapapadali ang buhay ko.

Agad isinara ng binatilyo ang pinto at sinusian ito. Pilit kong binabangga ang aking balikat sa pinto ngunit matibay ang pagkakasara nito. "Ano bang ginawa ko? Let me explain first!" sigaw ko hanggang sa mapagod na lang ako. Sumandal ako sa pinto saka dahan-dahang napabagsak sa sahig. Hindi ko malaman kung gutom, pagod o sa hindi ko matanggap na pangyayari ang siyang dahilan ng pagdilim ng aking paningin at sandaling mawalan ng malay.

NAALIMPUNGATAN ako sa sunod-sunod na pagbagsak ng libro sa sahig. Animo'y inaayos ito at ibinabalik sa pwesto. Buong pwersa akong bumangon, hindi ako makagalaw at nangangalay na ang aking braso at kamay dahil nakatali pa rin ako hanggang ngayon.

Natauhan ako nang maalala ang huling nangyari. Pinilit kong tumayo at inilibot ang aking mga mata sa paligid. Sa aking palagay ay nasa loob ako ng isang stockroom ng mga libro. Karamihan ay mga sira na at ang iba ay may bakas na nabasa ito.

Masikip ang stock room na halos kasing-laki lang ng banyo namin sa bahay. May liwanag ng araw na tumatagos sa maliit na butas sa bubong, halos kasing laki lang ng daliri ko ang butas na iyon at sadyang napakataas pa.

Nagsimula akong maglakad nang pabalik-balik, ganito ako kapag nag-iisip ng mabuti. Sinimulan ko na ring kausapin ang aking sarili, madalas ko rin itong gawin sa harap ng salamin o sa loob ng kwarto lalo na kapag hindi ako makapag-desisyon sa magiging takbo ng mga istoryang isinusulat ko.

"Hindi 'to panaginip, kung ganon... Time travel?" napatigil ako saka napatingala sa kisame, napailing din ako sa ideyang iyon.

"Imposible, wala namang gano'n. Pero bakit ako nandito? Wala namang shooting. Hindi rin naman 'to prank. Wait, prank ba 'to?" napatigil ulit ako at tumingala muli sa kisame, vlogger sa youtube si Pia at ilang beses na siyang nagsagawa ng prank.

Dalawang beses ako nabiktima ng prank niya noon. Una, may ka-chat siyang foreigner na sugar daddy kaya pinagsabihan ko siya. Pangalawa, nabuntis siya ng boyfriend niya at ngayon ay magtatanan sila at makikitira sa bahay, at katulad ng una, sinermonan ko siya.

"Mag-iisang araw na ako dito, imposibleng prank 'to. Papatayin ba nila ako sa gutom?" napahawak na lang ako sa aking sikmura. Hindi pa ako kumakain mula kagabi hanggang ngayong umaga. Mukhang malapit na ring magtakipsilim dahil iba na ang kulay ng liwanag.

Nagpatuloy muli ako sa paglalakad nang pabalik-balik, "Kung gano'n, bakit kapangalan ng mga tao dito ang mga character sa kwento ko? Akala ko nananaginip lang ako at masyado kong iniisip ang nobelang 'to. Pero mukhang hindi nga 'to panaginip" napapadyak na lang ako sa inis. Hindi ko rin malaman kung bakit napahalakhak na lang din ako sa mga nangyayari. Ang laking joke nito, ang laking kabaliwan.

Napatigil ako nang makita kong sumilip sa pinto ang binatilyo, mabilis niyang sinarado ang pinto nang mahuli ko siyang inoobserbahan ako.

"Wait!" habol ko saka pilit na kinalampag ang pinto. "Pahingi naman ng tubig at pagkain, please. Hindi pa ako kumakain" pakiusap ko, ilang beses kong inulit iyon. Iniisip niya sigurong nasisiraan na ako ng bait dahil nakita niyang kinakausap ko ang aking sarili at tumatawa ako mag-isa habang naiinis at naluluha pa. Idagdag pa ang magulong buhok ko ngayon at ang maputik kong damit.

Salamisim (Published by Bliss Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon