Kabanata 21

232K 12.9K 24.4K
                                    

[Chapter 21]

Tahimik lang kami buong byahe. Hindi ko mabilang kung ilang beses akong sumulyap sa kaniya para subukan siyang tanungin kung paano niya nalaman na ililigtas ko si Amalia. Nakapikit lang ang mga mata niya at tuwid siyang nakasandal sa upuan ng kalesa.

Hindi ko na rin mabilang kung ilang beses akong tumikhim, nagbabaka-sakali na gising naman pala siya. Madilim na ang paligid. Nadaanan na rin namin ang ilog kung saan kami namasyal 'nung isang araw.

Ilang sandali pa, napansin ko na bumagal ang takbo ng kalesa at tumigil ito sa tapat ng isang malaking bahay na may dalawang palapag. May isang manong ang sumalubong sa kalesa at nagbigay-galang sa amin.

"Magandang gabi, tatlong silid para sa isang gabi kung maaari" wika ni Sebastian, ngumiti at tumango naman ang manong na sumalubon sa'min, may hawak siyang gasera.

"Tuloy ho kayo" tugon ng manong saka tinulungan si Niyong itabi ang kalesa sa gilid. Naunang bumaba si Sebastian, napakagat ako sa aking ibabang labi nang ilahad niya ang palad niya sa tapat ko nang hindi tumitingin sa'kin.

Napatingin ako sa paligid, walang ibang tao roon kundi kaming apat. Abala si Niyong at ang manong sa pagtali ng kabayo sa gilid. Napatikhim na lang ako, "H-hahawak lang ako sayo dahil wala talaga akong makapitan pababa. Ayoko namang mapilay kung lulundag ako" panimula ko sa kaniya. Tumingin siya sa'kin saka tinaas ang palad niya na para bang sinasabi niya na bumaba na ako.

Napatikhim ulit ako saka humawak sa kamay niya. Ngayon ko lang napagtanto na ang init at ang gaspang pala ng kamay niya bukod sa malaki ito. Sabay kaming napaiwas ng tingin nang makababa na ako. Inilagay na niya ang dalawa niyang kamay sa kaniyang likuran saka naunang pumasok sa loob ng bahay-panuluyan.

"Ano ho ang ibig niyong kainin?" tanong ng manong habang kinukuha ang tatlong susi sa isang mesa. Malaki ang salas ng bahay at sadyang napakaluwag at makintab ang sahig.

"Wag na ho, busog pa kami" tugon ni Sebastian saka nauna nang umakyat sa ikalawang palapag ng bahay na para bang sanay na siyang tumuloy dito. Sabagay, sa propesyon niya sadyang marami na siyang napuntahang lugar sa kwentong ito.

Sumunod na ako sa kaniya paakyat. Bitbit naman ni Niyong ang mga gamit namin. Gusto ko sana siyang tulungan kaso ayaw niya dahil trabaho niya raw iyon. Hindi na makausad si Niyong sa hagdanan dahil sa dami ng dala niya. Napatingin ako kay Sebastian, mas matanda at mas malaki ang katawan niya kaysa kay Niyong pero hindi niya ito tinutulungan.

Gusto ko sana sabihin na kung maaari ay tulungan naman niya si Niyon pero nagulat ako dahil bumalik siya sa hagdan at kinuha ang ilang gamit kay Niyong nang hindi nagsasalita. "Ano ho ang ibig niyong kainin bukas sa agahan?" tanong ng manong habang binubuksan isa-isa ang tatlong kwarto na magkakatabi.

"Anong ibig niyo?" tanong sa'min ni Sebastian. Nagkatinginan kami ni Niyong. Bukod sa nakakahiya, wala rin kaming pera. Napatigil ako nang maalala ko na wala pala akong sapat na pera para makapag-hotel ngayon.

"Madalas tumuloy dito ang matataas na opisyal. Ito ang paborito nilang silid" patuloy ng manong habang nakangiti, hindi niya napansin na hindi kami sumunod sa kaniya papasok sa unang silid na nabuksan niya.

Agad akong lumapit at bumulong nang pa-simple kay Sebastian. "Uhm, wala kaming salapi. Hindi ba pwedeng dumiretso na tayo sa Bulakan?" bulong ko. Nakatingin lang siya sa'kin dahilan para humakbang ako paatras.

Maging si Niyong ay pinagpapawisan na rin dahil hindi namin afford ang level ng budget ni Sebastian. Tiningnan lang ako ni Sebastian saka siya sumunod sa loob ng silid at inilapag niya ang bitbit na gamit sa isang silya.

"Kahit anong uri ng agahan ay malugod na kakainin ng aking dalawang kasama" wika ni Sebastian saka kinuha ang salapi sa loob ng kaniyang coat at inabot iyon sa manong. Napangiti naman ito sa laki ng binayad ni Sebastian.

Salamisim (Published by Bliss Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon